Saan nga ba naroon ang takot?
Nananahan ito kahit saan, hindi lang sa dilim. Minsan, walang bigat ang pag-iisa sa karimlan. Buhay ang takot at hinahabol tayo nito–nahuhugot mula sa puso, sa silid, nakalimbag sa kahapon at bukas, sa minamahal. Araw-araw.
Mga Tanong sa Ibabaw ng Bubong
Ni: Judy Ann Celetaria
“Sa tingin mo, may darating pa kayang para sa atin?” tanong ni Tina. Hindi sumagot ang katabi. Umihip nang malakas ang hangin, tinatangay ang basang buhok niya, gayundin ang mga ligaw na dahon mula sa mga punong nabuwal, at maging ang mga yerong natuklap mula sa bubong ng dati nilang kapitbahay.
Pagak na natawa si Tina. Hindi na alintana ang lamig ng basang kasuotan o ang malaking hiwa sa kaniyang binti. Wala nang pumapasok sa isip niya. Tila hindi niya na maramdaman ang sarili.
“Maaabutan kaya nila tayo?” sambit niyang muli. Katahimikan ang sagot ng katabi. Tumingala siya sa madilim na langit. Kasisimula pa lamang ng araw pero parang ito na ang katapusan. Patuloy ang pagtaas ng tubig at ang pagkalam ng kaniyang sikmura. Sandali siyang pumikit, inaasahang sa muling pagmulat ay may magbabago, ngunit wala, walang ibang naaaninag si Tina.
Walang tao. Walang tulong.
Rumagasa ang tubig at humampas muli ang hangin. Tila mga laruang palutang-lutang ang mga bahay at sasakyang inaanod ng baha. Wala na ang kanilang dating buháy at makulay na sityo.
Malapit na sila.
“Marunong ka bang lumangoy?” huling tanong ni Tina. Sandali siyang napahinto bago muling natawa.
“E, kung marunong ka, buhay ka pa sana ngayon, ‘di ba?” mapait niyang wika bago humiga sa tabi ng kapatid, mahigpit niyang hinawakan ang malamig na kamay nito at pumikit.
Inabot na sila.
Liham mula sa kabilang buhay
Ni: Ma. Louissa Carillo
Mahal kong kaibigan,
Nasabi ko na ba sa iyong masaya ako dahil nakilala kita?
Nasanay na ‘ko. Palagi naman kasing walang nakakapansin sa’kin sa silid. Pero nagbago ang lahat no’ng tiningnan mo ‘ko sa mata. Hindi ako sanay sa gano’ng interaksyon. Nilapitan mo ‘ko at wala ‘kong nakitang bahid ng takot mula sa’yo dahil sa presensya ko. Simula no’n, ngumingiti na ulit ako.
Dahil sa’yo, Teresa, nagkaroon ulit ng saysay ang buhay ko. Nagkaroon ako ng panibagong misyon dahil nagkaroon ako ng kaibigang tulad mo.
Naaalala mo pa ba no’ng isang araw, sa ilalim ng puno ng mangga kung sa’n tayo palaging nagpapalipas ng oras, sinabi mo sa’kin kung ga’no ‘ko kaganda ‘pag tumatama ang sikat ng araw sa’king mukha? Simula no’n, nawalan na ‘ko ng pakialam sa mga humuhusga sa’kin. Opinyon mo na lang ang pinakinggan ko.
Naging mas malalim pa ang pagkakaibigan natin at mas lalo akong napamahal sa’yo.
Hanggang sa napansin kong lumalayo na ang loob mo sa’kin.
Sa’n ba ‘ko nagkamali at mas pinili mong sumama sa kanila? Sa mga taong ayaw ko at ayaw sa’kin? At bakit... Bakit halos manginig ka sa takot tuwing nakikita mo ‘ko?
Naniwala ako sa’yo at sa pangako mo—na kaibigan mo ‘ko.
‘Di ko inaasahang sisirain mo ang tiwala ko. Pero kahit kailan ay ‘di ako nagalit sa’yo. Kaya ginawa ko ang lahat para bumalik ka sa’kin. Sinigurado kong makukuha kita kahit ano pa mang mangyari.
Kaya no’ng nagkaroon ako ng pagkakataon, kumapit agad ako at hinatak ‘yon.
Pasensya na kung ‘di ako naging mabuting kaibigan sa’yo.
Pasensya na kung hinayaan lang kitang tangayin ng malakas na hangin mula sa ikaapat na palapag papunta sa’kin.
Naging makasarili ako, pero sana ‘singsaya mo ‘ko ngayon... Na abot-langit ang ngiti dahil magkasama na ulit tayo, kahit pa sa pinakailalim ng kawalan. Mahahagkan na rin kita at makukulong sa’king mga braso.
Pinapangako kong hindi ka na mahihiwalay pa ulit sa’kin.
Nagmamahal,
Hasmin
Huling Kain ng Gutom na Nagmamahal
Ni: Jessica Mae Galicto
Gutom ako.
Ramdam ko na ang hilab ng aking tiyan at ang ulo’y sumasakit na—tila dinidiin ng kung anong mabigat na nakapatong.
May pagkaing nakahain pero sawa na ako sa paulit-ulit na handa. Sawa na ako sa kulay pulang lamesa, sa tumutulong dugo, at sa lamang-loob na kahit nakapikit ay alam ko pa rin ang hulma at lasa.
Ang bawat parte ng aking katawan ay ramdam na ang kagutuman—mula sa ulo hanggang sa dulo ng mga daliring nanlalamig.
Hindi ko na nagagawa ang dating nakasanayan. Ang hampas ng hangin ay hindi na muling nakakadapo sa aking pisngi. Gusto ko na ulit maaninag ang bilog na buwan at ningning ng mga bituin.
Gutom na ako at pakiramdam ko kulang na kulang ako.
Kumpleto pa naman ang bawat biyas ng aking katawan. Nakakakita at nakakaamoy pa naman ako. Kumpleto pa ang panlabas pero ang panloob ay tila hindi na mapakali—gutom na talaga ako.
Gutom at kulang na kulang ako.
Gusto kong mabusog at mabuo.
Sa totoo lang, gusto kong bumalik sa dating nakasanayan—ang makakain nang walang iniisip, matikman ang hangin, at malasap ang liwanag ng buwan. Gusto ko ulit mabuo—mahati muli at maging malaya sa himpapawid.
“Ano ba! Ang arte-arte mo. Ikaw na nga ‘tong hinainan ng mas malaki at maraming lamang-loob, ikaw pa ‘tong nag-iinarte!” sigaw ni Nanay sa labas ng kwarto.
“Ayaw ko na nga! Sawa na ako! Ayaw ko nang kumain ng puso o ng kung ano man ‘yang nakuha n’yo!”
“Kapag ikaw nanghina, huwag mo akong tatawag-tawagin, ha!”
“Hindi talaga. Matapos ninyo akong pakainin ng puso n’ya.”
“Oh, ano naman? Nabusog ang pamilya mo, nabusog ka!”
“Hindi naman kailangang humantong sa ganito para lang mabusog tayo,” dahilan ko sa aking ina.
“Anak, may bagyo. Hindi madaling lumipad at iwanan ang ating kalahating katawan. Hindi madaling baybayin ang hangin at patak ng ulan. Wala tayong makakain… mamamatay tayo sa gutom.”
“Hindi tayo normal na tao. Hindi madaling humingi ng tulong, aswang tayo—manananggal. Kung sino ang makikita na maaaring makain, para mabuhay, gagawin natin. Iyon ang ginawa ng tatay mo, para mabuhay ang pamilyang ‘to sa gitna ng sakuna, hindi na kailangan pa maging mapili.”
“Nay…. ayaw ko. Hindi ko kaya,” iyak ko.
“Manananggal ka habang siya naman ay tao. Kahit buhay pa ang iniibig mo, hindi magiging kayo.”
“Tanggap niya ako,” paglaban ko rito. Sapat na ‘yon… sapat nang tanggap namin ang isa’t isa—sapat na sigurong busog kami sa pagmamahalan.
Natahimik ang aking ina, ilang minuto siyang tahimik hanggang sa naghabilin na lamang siya na kumain na ako at narinig ko ang bakas niyang papaalis.
Gutom na ako. Sawa at ayaw ko na kumain.
Gutom na ako at kulang na kulang. Gusto kong lumipad pero hindi ko na kaya. Ayaw ko na rito.
Ayaw kong mabuhay habang siya ay nasa loob ko kaya susunod ako.
Baka sa kabilang buhay may tyansang makita ko ulit ang mabuting ngiti niya at maramdaman ang mas malambot pa sa hangin na haplos niya sa aking pisngi. Baka sa kabilang buhay, may tyansa pang makita ko muli ang walang takot niyang mga mata, puno lamang ng pag-unawa’t pagmamahal. Sana lang ay hindi hiwalay ang tao at manananggal.
Higit sa lahat, baka sa susunod na buhay, pareho na kaming tao o kahit manananggal ulit basta siya rin.
Mamaya, sa pagpatak ng alas-singko ng hapon—ang paborito niyang oras—kakainin ko na ang tira niyang parte at sa huling lunok, susunod na ako sa kaniya.
Gutom na ako kaya naman mamaya ay kakain ako’t magpapakabusog.
Hindi man maging kumpleto sa huling pagkakataon ay ayos lang basta siya ang sasalubong sa akin. Sana lang pag-unawa’t pagmamahal ang masilayan ko sa kaniyang mga mata, hindi takot at galit dahil ako ang dahilan kung bakit siya ay nasa lugar na dapat ay hindi pa niya pupuntahan.
Gutom na ako at kulang na kulang.
At para sa huling pagkakataon, ako’y magpapakabusog.
At mabubuo lamang kung siya ang sasalubong sa akin sa kabilang buhay.
Santita
Ni: Dulce Amor Rodriguez
Pinunit niya ang belo ng sarili niyang kabanalan doon sa altar kung saan siya itinaas ng lahat. Walang nakakita kung paano niya binundol ang mga tao pababa. Kinulayan niya ng ginto’t sinag ang kanyang ngiti upang itago ang likod na puno ng saksak sa pakikipaglaban sa mga anghel. Hindi niyo ba napapansin? Sa bawat kumpisal niya, matalim siyang nakatitig sa altar mula sa ilalim.
Sa bawat umaga, sa ilalim ng sinag ng araw, nakikita niyo siya—nakaputi, nakangiti. Pero sa dilim, wala siyang emosyon, at umaalingasaw ang baho ng kaniyang mga kasinungalingan. Tuklasin mo ang kaniyang mga lihim at sa bawat salita ng iyong dasal, ihahalo niya ang lason sa inyong mga hininga. Hindi niyo ba napapansin? Na sa bawat indayog ng rosaryo, sa bawat alab ng kandila, may tahimik na malakas ngunit kalmadong agos ng dugo na dumadaloy mula sa mga santo.
Hindi niyo makita, pero ramdam ko. Ramdam kong kasabay ng pagyuko niyong lahat, nakikiramay siya sa bawat pighati ng inyong pagsamba na siya rin ang sanhi. Hindi lang siya banal. Isa rin siyang santita. Santitang may kasunod na anino, isang lihim na kinulayan niya ng puti at liwanag upang pagtakpan ang kabuktutan niya. Hindi siya ang santitang ipapanalangin niyo para sa kaligtasan. Siya ang magbabalik sa inyo ng mga sumpang itinago sa ilalim ng inyong mga yapak.
Maingat ang bawat hakbang ko. Bawat tingin ko sa kaniya ay bakas ang pagdududa, ang takot. Dahil alam ko. Alam kong hindi siya ang inaakala niyo. Hindi siya ang santita ng inyong dasal. Siya ang reyna ng inyong pagkawasak, hinihintay lang ang tamang oras upang itusok ang kamandag sa inyong mga puso.
Nananatili ang pag-ibig na nanlalamon
Ni: Xyruz N. Barcelona
Paunang Babala: Ang sulating ito ay naglalaman ng sensitibong paksa; pananakit sa sarili na maaaring magdulot ng pagkabagabag sa mambabasa.
Ano nga ba ang pinakamabisang wika ng pag-ibig?
Hindi kailanman itinuro sa akin ng aking mga magulang ang wastong paraan upang magpahayag ng pagmamahal o mapatunayang totoo ito. Dapat bang magbigay ng maraming regalo? Bigkasin ang mga mabulaklak na salita? Maglaan ng oras para lumabas at magliwaliw? O magluto ng mga kakaibang putaheng puno ng pagmamahal?
Alinman sa mga nabanggit ang pinakatama o pinakamabisa, ang panghuli ang pinakakilala’t praktisado ko. Sa ganoong paraan kasi minahal ni Nanay si Tatay—sa paghain ng masasarap na putahe. Agahan, tanghalian, o hapunan man, laging may nakahandang pagkain sa mesa para kay Tatay.
Minsan pa nga’y makikita kong nagdurugo ang bewang ni Nanay habang nagluluto o kaya nama’y mayroong benda sa braso—lalo na kapag hindi pa muling nakabibili ng karne sa palengke.
Musmos pa lamang ako noong una kong masaksihang may inuukit si Nanay sa sarili niyang katawan. Ngumingiwi’t naluluha siya, ngunit tuloy pa rin ang mariin niyang paghiwa sa kanyang balat gamit ang bagong hasang kutsilyo.
Nang tanungin ko siya tungkol dito, ipinaliwanag niya sa akin na nasusukat ang pagmamahal sa pagsasakripisyo. At sa pagsasakripisyo, minsan ay kailangan mong ialay ang iyong dugo’t laman.
Walang pagdadalawang-isip niyang inaalay ang kanyang sarili dahil ayaw niyang nagugutom si Tatay. Lagi niyang sinasabi, “Ang bawat pag-ungol dahil sa sakit ay awit lamang ng aking pag-ibig.” Ganoon din naman siya kamahal ni Tatay. Kinakain niya ang anumang ihain ni Nanay para sa kanya dahil nais niyang magkasama sila habambuhay.
Kahit pa naubos na si Nanay, dala-dala pa rin siya ni Tatay saan man siya magtungo. Para sa kanilang dalawa, nananatili ang pag-ibig na nanlalamon.
Ito ang pag-ibig na kinalakhan ko. Noong makilala ko si Isabel, ito rin ang pag-ibig na hinangad ko para sa aming dalawa. Nakuha ko ang loob niya dahil sa aking pagluluto na natatanging naging pamana sa akin ni Nanay.
Pagkalipas ng panahon, hindi na ako nagdalawang-isip na yayain si Isabel na bumukod nang magkasama. Wala rin siyang pag-aalinlangang pumayag sa ideya.
Ngayon, mayroon na kaming nakasanayang sistema. Sabay kaming kumakain ng agahan, pumapasok ako sa trabaho, at sabay rin kaming kumakain ng hapunan pagkauwi ko.
Kaninang umaga, nadatnan kong nakatulala lamang si Isabel at nakaupo sa sala. Nilalangaw na, ngunit hindi nagrereklamo, ni gumagalaw.
"Isabel, mahal, halina't pagsaluhan natin ang inihanda kong agahan,” sabi ko. Ngunit hindi niya ako nilingon.
"Ikaw na lamang ang kumain, Sibal… Hindi ko na maigalaw ang aking mga paa,” malumanay niyang sagot.
Nagtataka ko siyang tinanong, "Anong ibig mong sabihin? Hindi ba’t sabay tayong bumangon kanina?"
At kagulat-gulat ang kanyang tugon.
"Dahil iisa na lamang tayo, Sibal. Kinain mo ako nang buhay, hindi ba? Isang taon na ang nakalipas ngayong araw." Oo nga pala.
Bago magsalita muli ay lumingon si Isabel sa aking direksyon at diretsong tumingin sa aking mga mata. Tinitigan namin ang isa’t isa. Pinagmasdan ko ang kanyang mukha at napansin kong namumutla ang kanyang mga labi… Hindi siya ngumingiti. Kasing puti na rin ng porselana ang kanyang balat.
At wala nang kinang ang kanyang mga mata. Ngunit hindi pa rin kumukupas ang kanyang ganda—siya pa rin ang iniibig ko.
Gaya lamang nina Nanay at Tatay, nais ko ring habambuhay kaming magkasama ni Isabel. Mas pinabilis ko lamang ang aming pag-iisang dibdib. Dahil natutuhan ko sa aking mga magulang na nananatili ang pag-ibig na nanlalamon. At ngayong iisa na lamang kami ay mas rinig ko ang tinig ni Isabel at mas dama ko ang kanyang presensya.
“Ang tinig na naririnig mo ay awit lamang ng pag-ibig mo, Sibal.”
Tama ka, Isabel, kaya habambuhay hanggang kamatayan, ikaw lamang ang aking iibigin. Ito ang alam kong pinakamabisang wika ng pag-ibig.
Artikulo: Judy Ann Celetaria, Ma. Louissa Carrillo, Jessica Mae Galicto, Dulce Amor Rodriguez, at Xyruz N. Barcelona
Dibuho: Jamie Rose Recto, Glaciane Kelly Lacerna, Kaiser Aaron Caya, Bianca Diane Beltran, Alyzza Marie Sales, at Luke Perry Saycon
Commentaires