top of page
Writer's pictureThe Communicator

SA PAGITAN NG PULANG SINULID: ANG KUWENTO NINA ISAY AT AYA (SIMULA)



Sa Isip ng Pitong Taong Gulang na Isay


“Dalisay, pinapaabot ni Malaya,” ani ng kaklase ko nang kalabitin niya ako. Agad-agad niyang ibinigay ang maliit na piraso ng papel pagkalingon ko.


Punta ka ba sa bahay mamaya, Isay? :D


Nang buklatin ko ang nakatuping papel ay binati ako ng magulong sulat-kamay ni Malaya, o ang aking pinakamatalik na kaibigang si Aya. Nilingon ko siya nang mabilisan at nakangiting nag-thumbs up. 


Yesss! Tambay na rin tayo sa puno kung gusto mo <3 


Nakita kong ngumiti si Aya nang mabasa niya ang sagot ko sa papel. Sigurado nang mamayang alas tres ng hapon ay gagawa kami ng mga pulseras gamit ang mga bulaklak ng santan. Sigurado na ring papagalitan na naman kami ng mama niya dahil kinakalbo namin ang halaman. 


Pero hindi rin naman kami natitiis ng mama ni Aya. Kung tutuusin ay tuwang-tuwa nga siya sa amin. Sabi niya, pati na rin ng mama at papa ko, para kaming dalawang gisantes sa iisang supot. Hindi mapaghiwalay, palaging magkadikit. 


Minsan nga ay sinasabi ko kina Mama at Papa na gusto ko nang ikasal kay Aya. Gusto kong ikasal kami gaya ng mga nasa palabas o pelikula. Tumatawa na lamang sila at sinasabing masyado pa kaming bata, pero kung saan daw ako masaya—nariyan lamang sila para sumuporta.


Pagkalipas ng Sampung Taon


Higit isang taon na akong nakatira rito sa Maynila, nag-aaral ng senior high school sa isang prestihiyosong unibersidad sa Santa Mesa. Ang dami ko nang nakasalamuha’t nakilala. Ang dami ko na ring natutuhan mula sa kanila. Marami palang manunulat dito. Halos lahat ay mayroong kagustuhang lumikha. Marami rin ang malayang nakakagawa ng mga pelikula. Higit sa lahat, marami pala akong kailangang sundan. Sampung taong gulang pa lamang ako noong nadiskubre kong gustong-gusto kong maging kagaya nila—lumilikha at naglalathala. At naibahagi ko na rin ang parteng ito ng pagkatao ko sa maraming tao.  


Pero iba pa rin sa pakiramdam ‘yong malaya kong pinagninilayan ang iba’t ibang bagay kasama si Aya sa ilalim ng puno ng Narra. Nakasandal kaming dalawa sa katawan ng puno habang nakadantay ang ulo ko sa balikat niya. Habang sinusuri ko ang mga bagong kuhang litrato sa lumang kamera ko ay tuloy-tuloy lamang ang aming pag-uusap. 


“Ang ganda ng kuhang ‘to, Aya. Ang natural tignan ng ngiti mo,” aniko habang nakatitig sa litrato. 


Hindi ko maibaling ang tingin ko sa kamera. Ang ganda ng tama ng araw sa mukha niya—para na silang iisa. Kahit nakakasilaw, hindi ako magsasawang pagmasdan. Saglit kong inilihis ang tingin ko sa kamera at tinignan si Aya, nakangiti siya habang nakatingin sa litrato, nasisinagan pa rin ng palubog na araw.


“Magaling ka lang talagang litratista, Isay,” sambit niya nang magtagpo ang aming mga mata. 


Hindi niya alam na maganda siya kaya maganda rin ang resulta ng mga litrato. Hindi niya alam na kaya ako magaling na litratista ay dahil siya ang aking paraluman.


Pinatay ko muna ang kamera at itinuwid ang aking upo. Humarap ako kay Aya at sinabing, “Kapag gumawa ako ng pelikula, kahit short film lang, gusto ko kasama kita. Ikaw ‘yong bida, o kaya ‘yong kasama kong magsulat ng kwento.” Huminto ako para bumuntong hininga. “Gaya lang ng palagi nating ginagawa mula pa noong mga bata tayo, bumubuo tayo ng iba’t ibang mundo. Basta, hindi ako papayag na hindi kita kasama.”


“May naiisip na nga akong magandang kwento para sa unang proyekto natin.” Pinagsalikop ko ang mga kamay ko at tumingin sa langit na para bang sobrang lalim ng iniisip. “Isipin mo, Aya… A film by Dalisay Manansala… Starring Malaya Magsaysay…”


Hindi nagsasawang makinig si Aya sa mga konseptong tumatakbo sa isipan ko. Kahit ‘yong mga ideyang tila walang kahulugan. Kahit ‘yong mga ideyang hindi niya alam na naka-ugnay sa kanya, sa pagkakaibigan naming dalawa, at sa kung ano man ang nararamdaman ko para sa kanya.


Mas malawak ang mundo ko rito sa syudad at di hamak na mas maraming oportunidad, pero sa tuwing nahihirapan na akong ilista ang pang-pitong ideya ko sa talaarawan ay hinihiling ko na sana madali na lamang ang paglipad papunta sa bayan namin. Dahil kahit hindi ko mailahad nang maayos ang mga gusto kong sabihin, alam kong maiintindihan ako ni Aya. Walang palya ang pag-intindi niya sa mga nilalaman ng isipan ko, hindi ko na kailangan pang isalin ang mga ito sa iba pang wika para lamang makuha niya. Bukod sa pag-intindi ay pinapalawak niya rin ang mga mundong binubuo ko, kaya’t sabay na naming binubuo ang mga ito. 


Sa mga sandaling nahihirapan akong ayusin ang mundo sa pinapangarap kong pelikula, gustong-gusto kong maglakbay pabalik sa mundo naming dalawa—pero alam kong hindi dapat ako magpakulong sa nakaraan. Si Aya ang naging kanlungan ko bago tumungo rito sa Maynila, at ngayong nakalayo na ako ay kailangan kong matutong lakbayin ang mundo nang mag-isa. 


Gustuhin ko mang makasama siya sa bawat mundong mabubuo ko ay hindi ako siguradong magtatagpo kami sa iisang pahina. Susulat na muna siguro ako kahit hindi ko siya kasama—kahit mahirap dahil siya ang naging mundo ko.


Mga Nilalaman ng Talaarawan ni Aya mula Pitong Taong Gulang


Nagpalit muna ako ng damit habang hinihintay si Isay. Binuklat ko rin saglit ang kwadernong regalo niya sa akin noong minsan kong mabanggit na mahilig akong sumulat ng mga kwento. Idinikit ko rito ang maliit na pirasong papel na naglalaman ng sulat na pinagpasahan namin kanina. 


Ganito nga lagi ang naging tagpo namin. Magkasama kami pagtapos ng klase. Ilang oras kaming tatambay sa ilalim ng puno ng Narra. Dala ko ang talaarawan kong halos puro alaala naming magkasama ang nilalaman, at bitbit naman niya ang kamerang halos puro ngiti ko ang kuha. Sabay naming sasaksihan ang paglubog ng araw. 


Maghihiwalay kami ng landas pero uuwi kaming may baon mula sa maghapon. Sa kanya ang larawan ng mukha kong tinatamaan ng sinag ng lumulubog na araw. Sa akin naman ang mga salitang, "sana gaya ng araw ay masilayan uli kita sa bawat bukas."


Si Dalisay talaga ang pinakamatalik kong kaibigan. Anim na taong gulang pa lang ako ay hilig ko nang ilathala ang lahat ng nangyayari sa buong maghapon ko. Naisulat ko na yata ang lahat—mula sa unang sugat ko nang mahulog ako sa bisikleta at kung paano ako tinawanan bago tulungan ng bagong lipat na si Isay, hanggang sa kasalukuyan na peklat na lang ito at kung paano ko nasasaksihan magmula noon kahit ang mga pag-iyak niya. 


Hindi ko alam kung bakit ganoon na lang ang pakiramdam ko sa kanya. Sa tingin ko, ang simula ng pagkakaibigan namin ang simula rin ng pagsulpot ng milyong magagandang salitang kayang-kaya kong gamiting paglalarawan sa kanya. Saksi ang mga talaarawan ko kung paano ako naging masayang bata dahil kaibigan ko si Isay, at saksi naman siya sa lahat ng hindi ko kayang ipahayag gamit ang salita. Marami akong sikretong hanggang talaarawan lang noon. Pero nang makilala ko si Isay, binigyan niya itong lahat ng puwang sa kanyang puso't isip. Hindi ako nagkaroon ng pag-aatubiling ipabasa sa kanya ang buhay ko. 


Ilang pahina ko na siyang kasama. Sana siya pa rin ang kasama ko sa mga susunod na petsa at ang nilalaman ng mga susunod ko pang talaarawan. 


Iyan na ang huling araw na nagkasama kaming matagal sa ilalim ng puno ng Narra. Katabi ng litrato namin sa pahinang ito ang bulaklak ng santan na ginawa naming pulseras. Narinig ng litrato, santan, at ginamit kong panulat ang bulong ng dalawang bata—"pangako, kahit hindi na tayo laging magkasama, lagi kitang aalalahanin."

 

Magmula nang lumipat siya ng Maynila para mag-senior high school ay naging madalang na siyang sumagot sa mga liham ko. Hindi na rin siya nagpadala ng mga litratong kuha niya. Iniisip ko tuloy kung itinatanong niya rin ba sa sarili kung ano nang lagay ko ngayon gaya ng kagustuhan kong kumustahin siya. 


Malayong-malayo na kami sa noon. Hindi na niya alam ang mga komento ko tungkol sa pangaral ng simbahang nakasanayan kong pakinggan tuwing Linggo kasama sila Mama. Wala na siyang ideya sa mga isinusulat ko. Wala na siyang panahong silipin pa kahit ang kapiraso ng imahinasyon ko.


Marahil ay malaki nga talaga ang Maynila at tiyak ang magandang hinaharap doon kumpara sa buhay rito sa probinsya. Masaya akong pinili niya ang tadhana ng isang paru-parong lumipad gamit ang makulay nitong pakpak. Humahanga ako sa tapang niyang maglakbay para tuparin ang marami niyang pangarap.


Kumusta na kaya siya? Inaalala niya pa kaya ako? May mga bago na kaya siyang kaibigan? Masyado ba talagang malawak ang Maynila kaya mayroon na siyang lunsaran ng mga kwentong binuo ng kanyang isip at pinangarap niyang ilathala sa pamamagitan ng isang pelikula? Sana sa akin niya pa rin ito gustuhing unang ipanood. 


Sana kahit nanatili ako rito ay hindi ako napag-iwanan. Sana kahit hindi namin sabay na inaabot ang mga bagay na sabay naming pinangarap ay hindi ako nahuli. Sana kahit malayo na ang narating niya ay hindi siya manghinayang bumalik dito sa puno ng Narra. Sana gaya ng puno ng Narra ay lumago ako kahit nananatili lang sa kinatatayuan ko. Sana hindi ako tumanda lang. At sana kilala niya pa rin ako kahit hindi ko pa talaga lubos na kilala kung sino ako. 


Naipon na sa panibagong kwaderno ang mga kwento ng maghapon kong hindi ko siya kasama. Sa tingin ko ay nakabili na rin siya ng panibagong kamera at marami nang larawan ang naipon niyang hindi pa nasilayan ng aking mga mata. 


Sana hindi mo pa ako nalimot. Sana kung magkita tayong muli ay gaya pa rin ng pitong taong gulang na si Isay at Aya. Sana may lugar pa sa pagkatao mo ang mga sikretong nalaman ko lang ngayong hindi tayo nagkikita sa puno ng Narra. Sana mailagay uli kita kahit sa isang pahina, ‘yong may kwentong magkasama tayo at hindi ‘yong iniisip lang kita. 


Artikulo: Xyruz Barcelona, Shannia Cabuello, & Abigail Prieto

Dibuho: Randzmar Longcop

Comentários


bottom of page