Pitik ng Sulat
Pagkaapak ko sa bahay, may mga nakahandang masasarap na pagkain at isang malaking tarpaulin na may nakasulat na "Welcome home, Dalisay Manansala!"
Natuwa naman ako sa ginawa ng pamilya ko. Uuwi lang naman ako rito. Sabagay, ilang taon na rin pala mula nung umalis ako rito at pumunta ng Maynila dahil doon na ako nag-aral hanggang makatapos at matanggap sa trabaho ko ngayon. Hindi sapat ang isang photo album at 256 gigabyte na flash drive para itabi at ipakita sa dami ng nangyari sa buhay ko simula n’on. Mga araw ng pinaliligiran ng pagkalaki-laking mga ilaw at nakakasilaw na ilaw ng kamera. Mga linyang iginuhit sa gitna ng mga iskedyul sa kalendaryo. Laging ganito ang daloy ko roon, paulit-ulit ang pagpihit ng lente at pagkuha ng litrato. Lagi't lagi ko rin dinadaloy sa isip ko kung ano na ang mga kasalukuyang laman ng apat na sulok ng imahinasyon mo na siyang binabalak kong maging subheto ng retratuhan at bigyang pitik ang taglay nitong kagandahan.
Habang inaayos ko ang lalamanin ng aking maleta, umikot ang mata ko sa kaliitan ng kwarto. Puno ang pader ng mga larawang hindi ko maalala kung kailan ko ipinitik pero nakatatak ang emosyon sa tuwing naaalala ko ang mga nangyari.
Ang paghipan ko ng kandilang nakabaon sa malaking keyk para sa debut ko,
litratong naiiyak na mukha ng nanay ko habang nakayakap ang kanang kamay ko sa kaniya at hawak ko naman ang malaking maleta sa kaliwa; at
mga lilang bulaklak na nakaipit sa isang sulat, na itinaas sa ere para makita sa likod ang karatulang nakaimprenta:
"Recto Ave."
Tila kuryenteng lumbay ang dumaloy sa buong katawan ko. Ang unang pagtapak ko sa Maynila at ang huling pagkikita namin. Hindi ko tuloy mawari kung ngingiti o malulungkot ako, pero sigurado akong may nagising sa puso ko.
Masasabi ko sigurong swerte ang takbo ng buhay ko pagka-graduate dahil sa mga kompanyang nakakita ng talento ko sa kamera at mga kliyenteng lubos na nagtitiwala sa kakayahan ko. Masaya pero bakit tila may bahid ng lungkot? Ano pa bang kulang? Napatingin ako sa larawang kanina ko pa tinititigan.
Sino... pa ba ang kulang?
Habang may kasayahan sa loob ng bahay, hinila ako ng katawan ko sa labas, hawak-hawak ang mga pitik ng dati. Humarap ako sa bahay at itinapat ang kinuhaan kong larawan nito noong bago ako umalis. Hindi mapagkakaila na sobrang laki ng ipinagbago. Ang dating kahoy na bahay ay naging purong simento na. Maganda na rin ang bakuran, hindi na ‘yung putik-putik at kalat-kalat na basura.
Muli akong naglakad. Dinala naman ako ng aking mga paa sa gitna ng magkatapat ngunit magkalayong Narra. Ang taas nito ay parang naghahati sila ng dahon. Mukha mang magkalayo pero malapit pa rin. Naalala kong may litrato ako nito. Dalawang Narra, magkatabi, at… sa gitna ay may kumakaway na batang babaeng may palamuti sa buhok at nakasuot ng puting bestida. Kitang-kita ang saya dahil nakangiting labas lahat ang ngipin… Nang mahanap ay itinapat ko itong muli sa mga Narra.
Nasaan na kaya siya?
Tulad ng pag-pose niya sa larawan, napangiti ako. Napangiting may bahid ng pait. Kay tagal na rin talaga. Kumusta na kaya siya? Saan na siya nag-aaral? Kumakain ba siya nang maayos? Marami na ba siyang naisulat na karakter na pinangako kong gagawan ko ng pelikula?
Napalingon ako sa nanay kong kumakaway. Sinundan ko kung saan siya kumakaway at natagpuan ko na ang kulang sa litratong hawak ko. “Aya, nandito ka na pala! Dito ka muna sa ‘min, ipagpapaalam na lang kita sa nanay mo!”
Ibinaba ko ang larawan, pinaghambing ang ngayon at nakaraan. Nakadikit na yata ang mga mata ko sa kaniya. Dalawang Narra, magkatabi, at sa gitna ay may kumakaway na batang babaeng nakasuot ng nurse cap at puting uniporme. Nakangiting labas lahat ng ngipin. Ang bilis ng pangyayari ngunit sa sobrang tagal na rin ay bumagal ang paligid, nilalasap kada segundo ng sandali.
“Isay?”
Dahil sa boses na ‘yon, gusto ko gawin ang lahat. Gusto kong sumigaw, gusto kong magwala, gusto kong tumalon-talon papunta sa kaniya, gusto kong umiyak, gusto ko siyang yakapin, gusto ko siyang
Mapasaakin…
Kusang umangat ang aking kamay upang kumaway rin sa kaniya, gaya ng ginagawa namin sa isa’t isa tuwing nagkakayayaan maglaro. Maglaro kung saan nakatayo ang dalawang Narra. Bahay-bahayan, tagu-taguan, at katulad ng ginagawa ngayon ng mga paa ko – naghahabulan. Naghahabulan kung sino ang unang makakaabot sa kinatatayuan ni Aya. Namamawis, tumitibok ang puso, tila nasa kompetisyon. Hindi naman umuulan pero basa ang kaniyang mga mata, kasabay ng pagtakip niya rito gamit ang mga kamay. Akala ko noo ko lang ang mamamawis, pati na rin ang mga matang matagal nang nagpipigil. Inunat ko ang aking mga braso at pinulupot ito sa katawan mo. Pasensya na, Aya, kung mabasa ko man ang balikat mo pero alam kong matagal ko nang hinahanap-hanap ang presensya mo, mga ngiting sa sobrang ganda ay hindi mo maitatanggi, ang sulat sa pitik ko.
Sa labindalawang taon, muling nahanap ng lente ng aking kamera ang malayang anggulo ng mundo ko.
Sulat ng Pitik
Labindalawang taon na ang nakalipas ngunit nandito pa rin ako sa ilalim ng puno ng Narra. Sumusulat ng liham na hindi ko magawang ipadala sa ’yo. Sampung taon na rin ang nagdaan nang huli kang sumagot. Gusto kitang batiin sa bago mong pelikula. Bawat eksena’y nag-uumapaw ang talento mo sa larangan ng sinematograpiya. Masaya akong natupad mo ang mga pangarap mo. Masaya rin naman ako sa trabaho ko sa ospital pero siguro iba pa rin iyong pakiramdam na sumusulat ako ng mga dayalogo at kwento, lalo na kung ikaw ang direktor ko.
“Aya! Magbihis ka na ng complete uniform, dali. Sabi ng clinical instructor may visiting doctor daw tayo ngayon,” isinarado ko ang aking talaarawan matapos marinig ang sinabi ng aking kaibigan na si Kate. Sa tagal ng panahon na lumipas, hindi ko kinalimutan na sumulat sa aking kwaderno dahilan para patuloy na bumalik sa akin ang mga ala-ala ng nakaraan. Kung dati'y katha ang madalas kong isulat, ngayon nama'y charting ng mga pasyente ang dahilan ng mga kalyo ko sa kamay.
Nasabi ko kila Mama at Papa noon na gusto kong maging manunulat ngunit hindi nila iyon nagustuhan. “Wala kang mapapala riyan. Magnursing ka na lang, ‘nak. Huwag mo na isipin ang pang-matrikula mo, ako na ang bahala ro’n,” sagot ni Papa. “Tama ang papa mo, Aya. Mabubuhay tayo kapag naging nars ka. Natatandaan mo ba si Sam? Iyong dating kapitbahay natin. Aba, nars na ngayon at binubuhay ang mga magulang niya habang may sariling pamilya na rin,” dagdag pa ni Mama. Lumaki akong paulit-ulit na naririnig sa matatanda na huwag suwayin ang magulang kaya sinunod ko sila.
Marahil ang binhi ng kalayaan ko’y nakatanim lamang sa pangalan ko at hindi na yumabong. Dahil salat ito sa dilig ng liwanag. Sana nandito ka sa tabi ko habang nakasandal ang ulo mo sa balikat ko, Isay. Gumagaan ang lahat dati dahil alam kong may isa na laging handang makinig sa ‘king mga salita, maging sa mga walang kwenta kong salaysay. Gaya ng damong ligaw, nagawa kong mabuhay dahil sa sustansya ng pag-asa mo.
“Wala ka pa bang ipapakilala sa’min, Aya?” tanong ni Papa sa gitna ng hapagkainan. “Bente otso ka na ah. Noong graduation mo pa sinabi namin sa’yo na p’wede ka na magboypren,” dugtong pa niya. Ngumiti lamang ako. Sa tuwing nauuwi sa ganito ang usapan, imahe ni Isay ang nagmumulto sa akin. “Paano po kung sa babae ako nagkakagusto?” May nag-udyok sa kaloob-looban ko para ilabas ang tanong na ‘yan upang malaman ang kanilang reaksyon. Narindi na siguro ako sa tuwing hahanapan nila ako ng nobyo.
“Naririnig mo ba mga pinagsasabi mo ngayon, Malaya? Hindi ka ba nakinig sa misa noong Linggo? Sabi ni Father, ang babae ay para sa lalaki,” pasigaw na sambit ni Mama. “Baka nalilito ka lang sa nararamdaman mo, ‘nak, o kaya nasasabi mo lang ‘yan kasi ayaw mo pa magboypren,” tulirong tugon ni Papa. “Sorry po, Ma, Pa. Nakakapressure po kasi kada nagtatanong kayo tungkol sa lovelife ko.” Ngayon, alam ko na ang sagot.
Ilang taon na ang lumipas. Kung saan-saan ka na rin napadpad. Pero ang mga naiwan mong karanasan ang paulit-ulit na bumubuo sa bawat pahina ng aking kwaderno. Pero ang mga naiwan mong pitik ang nananatiling inspirasyon ng mga kumakawala kong salita.
Hindi na ako makapaghintay na mahiga sa aking kama matapos ang mahigit siyam na oras na toxic duty sa ospital. Kagaya lang naman ang araw na 'to ng ibang ordinaryong araw ngunit dahil nagbago ang schedule ko, nakakapagod. Napatigil ako kahahanap ng susi ng bahay sa aking bag na mukhang natabunan na ng iba ko pang mga gamit. Wala kasi sina Mama at Papa ngayon dahil may pinuntahan silang kamag-anak sa malayo.
"Aya, nandito ka na pala! Dito ka muna sa 'min, ipagpapaalam na lang kita sa nanay mo!" Nabuhayan ako nang marinig ang boses ng mama ni Isay. Kahit hindi na kami nagkikita ng anak niya at wala na ring koneksyon, patuloy pa rin sila sa pangungumusta at pagtanggap sa 'kin.
Iniangat ko ang aking ulo para humarap kay Tita nang mahagip ko sa aking paningin ang isang pamilyar na tindig. Nagkamali ako na katulad lang ang araw na 'to ng mga araw na hindi kita nasilayan. Natatanaw ko ang kabuuan mo sa gitna ng sementong daan. Dala ang mga litratong kuha mo na naglululan ng malalamang kwento.
Ang dating mahaba't maalon mong buhok ay ngayo'y maikli na’t tuwid. Nandito ka na sa isang pahina ngunit hindi bilang kaisipan, kundi bilang bagong Dalisay na muntik ko nang hindi makilala. Nakamamanghang muling makita ang paru-paro na lagi kong sinusundan at sinusubaybayan noong maliit pa lang ako. Masasabi kong walang kapantay ang ganda ng mga pakpak ng isang 'to sapagkat halos mabulag ako sa nakasisilaw nitong liwanag.
"Isay?" Ikaw ba talaga ‘yan? Hindi ba ako nililinlang ng aking paningin. Nagbago na ang iyong tingin. Hindi na ito napupuno ng mga kwento at inspirasyong ibabahagi mo sa 'kin matapos ang araw na nagkahiwalay tayo. Kumurba ang iyong labi at dahan-dahan mong iniangat ang iyong kamay para kumaway sa akin. Na-estatwa ako sa kinatatayuan ko. Pamilyar ngunit kakaibang mundo ang lumalapit sa 'kin.
Nag-init ang sulok ng mga mata ko at umagos ang luha mula ro’n. Hindi ko na kayang pigilan ito kaya tinakpan ko ng dalawang kamay ang mukha ko. Walang lumabas sa lahat ng linyang in-ensayo ko kung magkita tayong muli. Naramdaman ko na dahan-dahan akong nabalot ng maginhawang init ng yakap mo.
Para akong si Aya noong pitong taong gulang na umiyak sa harap ni Isay matapos sumemplang sa bisikleta. Mahigit isang dekada akong nabuhay na hindi konektado ang buhay ko sa ‘yo—halos nasanay na ako. Alam kong gano’n ka rin. Magiging parte kaya ako ng kinabukasan mo?
Sa labindalawang taon, muling nagbukas ang kwaderno ko't napuno ng dalisay na balagtasan ng maliligalig na talinghaga.
Artikulo: Louissa Carrillo, Eden Mae Garcia & Dulce Amor Rodriguez
Dibuho: Timothy Andrei Milambiling
Comments