Sa ngalan ng huwad na panalangin

Lumuluhod ako sa gitna ng dilim,
Humihiling ng wakas habang nananalangin.
Nawawalan ng hininga sa tuwing humihinga,
At sa bawat pagpikit, lalong nagigising pa.
"Nawa'y mawala na," ang siyang usal ko,
Ngunit ang kahilingan ay buhay na buo.
Gusto kong matulog nang walang gisingan,
Subalit ang puso’y ayaw magpahinga kailanman.
Nangangarap na bumagsak upang makatayo,
Naghahangad ng payapa sa gitna ng gulo.
Pinipilit kong sumuko upang makalaban,
Inaasam ang dulo upang makasimula naman.
Bawal ang humiling na ang buhay ay maputol,
Ngunit sa panalangin, ito’y paulit-ulit na nauulol.
Araw-araw pumapatay ng sariling damdamin,
Upang ang buhay ay patuloy na papayapain.
Pumapatak ang luha na tila ay ulan,
Binubuhay ang lupang nais nang takpan.
Ang bawat "paalam" ay nagiging "manatili,"
At ang bawat "ayoko na" ay "laban pa kahit sandali."
Sumusuko ako upang matutong lumaban,
Namatay sa lungkot upang muling mabuhay naman.
Ang pinakamadilim na panalangin ng gabi,
Ang siyang nagdadala ng liwanag sa tabi.
Sinasakal ang leeg ng sariling pag-asa,
Ngunit bakit lalong lumalakas ang hininga?
Ibinaba ang sandata sa gitna ng giyera,
Upang makatayo’t magpatuloy muli sa kalsada.
Sa ngalan ng huwad na panalanging ito,
Hinihiling ang wakas ngunit buhay ang natamo.
Hindi ako namatay sa sarili kong kamay,
Sapagkat sa bawat pagsumpa, mas napagpasyahang mabuhay.
Article: Sayrine Cornito
Illustration: Bea Rivero




Comments