“Hindi Kami Waterproof”: Ang Suspensiyon na Hindi Umabot sa Kalsada
“Akala ba nila waterproof kaming mga college students?”

Sa gitna ng malakas na ulan, mga kalsadang unti-unting nilalamon ng baha, at mga estudyanteng naghahanap ng paraan upang makauwi, hindi na tunog biro ang tanong na ito.
Habang pinupuno ng tubig ang mga kalsada sa paligid ng Maynila, unti-unti ring napupuno ng pagkadismaya ang mga estudyanteng patuloy na pumapasok sa kanilang mga paaralan. Sa oras na dumating ang anunsyo, nakabiyahe na sila. Ang iba ay nasa kalagitnaan ng kanilang pagsusulit. Ang iba naman ay nasa loob na ng mga silid-aralan.
At kapag tuluyan nang sinuspinde ang klase, nagsisimula pa lamang ang mas mahirap na bahagi ng araw.
Ang pag-uwi.
Sa Gitna ng Agos
Tanghali sa Dapitan. Sa isang panayam kasama ang The Communicator, ibinahagi ni Dre, isang mag-aaral sa Unibersidad ng Santo Tomas (UST), ang kaniyang karanasan sa gitna ng baha. Katatapos lang ng kaniyang klase at hinihintay niya ang kaniyang mga kaibigan upang sabay-sabay na mananghalian.
Habang kumakain sila, mas lumakas ang ulan. Naririnig na nila ang mga tauhan ng karinderya. “Parang babaha na.”
Hindi nagtagal, naging totoo ang pangamba.
Paglabas nila, hanggang paa na ang baha.
Sinubukan nilang bumalik sa unibersidad pagkatapos nilang mananghalian, ngunit kahit saan pa sila umikot ay lubog na sa baha ang mga kalsada. Dahil dito, mahigit dalawang oras silang na-stranded sa isang lugar. Sa paligid nila, may mga daga, ipis, at maging mga hito na inaanod na rin ng baha. Mula sa tubig na hanggang paa, unti-unti na itong umabot sa tuhod.
Hindi na nila muling tinangkang bumalik. Sa halip, naghintay na lamang sila sa isang karinderya na naging pansamantalang kanlungan ng mga estudyanteng hindi na alam kung saan ligtas na daraan.
Sa huli, hindi na ang suspensiyon ang nagbigay sa kanila ng seguridad kundi ang kabutihan ng mga taong hindi nila kakilala.
Tinulungan na lamang sila ng mga tauhan ng karinderya na makahanap ng masasakyan. Isang tricycle driver ang nagmagandang-loob na ihatid sila sa LRT-1 Bambang Station kahit may posibilidad na tumirik ang kaniyang sasakyan sa bahang halos hanggang baywang na.
Sa kabila ng hirap, may isang bagay na tumatak kay Dre.
“Kung sino pa ang hirap na hirap na rin sa buhay, sila pa ang tutulong sa atin.”
Dalawang Oras Tungo sa Kaligtasan
Hindi pare-pareho ang layo ng tahanan ng mga estudyante mula sa kanilang mga paaralan.
Para sa ilan, ilang minuto lamang ang pagitan ng kampus at bahay. Para sa iba, dalawang oras o higit pa ang kinakailangang gugulin sa tren, dyip, at paglalakad bago tuluyang makarating sa kanilang mga pamilya.
Kaya naman, kapag huli ang anunsiyo, hindi lamang oras ang nasasayang.
Kaligtasan ang nakataya.
Para kay Princess Grace, isang mag-aaral mula sa National Aviation Academy of the Philippines (NAAP), ibinahagi niya sa The Communicator na hindi na bago ang suspensiyong inanunsiyo habang nasa loob na siya ng paaralan—minsan, maging sa kalagitnaan ng pagsusulit.
Para sa mga estudyanteng katulad niya na malayo ang inuuwian, nagsisimula pa lamang ang mas mahirap na bahagi ng araw.
Araw-araw, sumasakay siya sa LRT-1 EDSA Station at bumababa sa Balintawak Station. Alam niyang kahit bahagyang ulan lamang ay mabilis nang bumabaha sa lugar. Kaya habang nasa tren pa lamang, inihahanda na niya ang sarili. Itinataas ang pantalon, sinisigurong hindi mababasa ang mga gamit, pinag-iisipan din kung saang ruta daraan.
Ngunit kahit gaano kahanda, may mga bagay na hindi kayang kontrolin.
Pagbaba niya ng tren, nabasa ang kaniyang sapatos at medyas sa baha. Sa bawat hakbang, may kasama ring pangambang hindi makita ang lalim ng tubig, matapakan ang butas na kanal, o magkaroon ng sakit dahil sa maruming baha.
Ayon kay Grace, “Paano sila makararating sa paaralan nang ligtas kung ang mismong daraanan ay umaapaw ng baha?”
Hindi sapat na tingnan lamang ang kalagayan ng paaralan bago magpasya kung ligtas pa bang ituloy ang klase.
Dahil ang paaralan ay maaaring tuyo.
Ngunit maaaring lubog na ang daan pauwi.
Bago Pa Tuluyang Lumubog ang Daan
Sa dako naman ng Far Eastern University (FEU), isang maagang desisyon ng propesor ang naging dahilan upang mas maging ligtas ang pag-uwi ni Drey, isang mag-aaral.
Nang umalis siya sa unibersidad, hindi pa ganoong mataas ang baha. Ngunit pagdating niya sa istasyon at terminal ng dyip, unti-unti nang tumataas ang tubig.
Kinailangan niyang lumusong sa baha at maghintay sa ilalim ng malakas na ulan upang makasakay.
“Dalawang beses kailangang isugal ng mga estudyante ang kanilang kaligtasan—una sa pagpasok sa paaralan sa gitna ng malakas na ulan at baha, at muli sa pag-uwi habang lalo pang lumalala ang sitwasyon.”
Tulad ng maraming estudyante noong araw na iyon, kinailangan niyang unahin ang kaligtasan kaysa sa anumang materyal na bagay. Kung hindi sila pinaalis nang maaga, naniniwala siyang mas mapanganib sana ang kaniyang pag-uwi.
Dahil sa loob lamang ng ilang minuto, maaaring magbago ang lahat.
Hindi Dapat Huli ang Kaligtasan
Tatlong estudyante. Tatlong paaralan. Tatlong magkakaibang daan pauwi.
Ngunit sa kanilang mga kuwento, iisang larawan ang lumilitaw: ang panganib ay hindi nagsisimula sa loob ng silid-aralan. Nagsisimula ito sa daang tatahakin ng estudyante pauwi.
Nasa terminal.
Nasa tren.
Nasa bawat hakbang sa baha.
Para sa mga estudyanteng umaasa sa pampublikong transportasyon, hindi sapat na may bubong ang paaralan at ligtas ang loob ng silid-aralan. Kapag biglang bumuhos ang ulan, ang tanong ay hindi lamang kung suspendido na ba ang klase.
Ang mas mahalagang tanong ay:
“Ligtas pa ba kaming makakauwi?”
Hindi naman hinihingi ng mga estudyante ang espesyal na pagtrato.
Ang hinihingi nila ay sapat na oras upang makapagdesisyon kung paano sila ligtas na makakauwi.
Hindi sila waterproof. Napapagod sila. Nagkakasakit sila. At tulad ng sinuman, maaari rin silang malagay sa panganib.
Hindi lahat ay may sariling sasakyan. Hindi lahat ay malapit sa paaralan. At hindi lahat ay may kakayahang maghintay upang humupa ang baha.
Sa mga ganitong sitwasyon, ang bawat minutong lumilipas bago ang anunsiyo ng suspensiyon ay maaaring mangahulugan ng mas mataas na panganib.
Hindi dapat hintayin na lumubog ang kalsada bago kilalanin ang panganib.
Hindi kailangang hintayin pang ma-stranded ang mga estudyante bago unahin ang kanilang kaligtasan.
At higit sa lahat, hindi dapat maging normal ang paniniwala na bahagi lamang ito ng pagiging estudyante.
Sapagkat ang pagiging estudyante ay hindi nangangahulugang kailangang tiisin ang panganib bilang bahagi ng araw-araw na pagpasok.
Kaya sa susunod na bumuhos ang ulan at muling umalingawngaw ang tanong tungkol sa suspensiyon, marahil ay hindi na dapat hintayin ang sagot kapag baha na ang paligid.
Dahil ang estudyante ay maaaring makatiis sa mahabang klase.
Maaaring makabawi sa isang pagsusulit.
Maaaring makahabol sa attendance.
Ngunit ang kaligtasan ay hindi dapat isugal.
Hindi waterproof ang mga college students. Tao sila—may pamilyang naghihintay, may tahanang uuwian, at higit sa lahat, may buhay na dapat pangalagaan.
Artikulo: Jae Juson
Grapiks: Nicole Beverly Maniego




Comments