top of page

Hindi Natutunaw ang Pag-asa: Ang kuwento ni Lola Evelyn sa Teresa Street

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 1 minute ago
  • 5 min read

Hindi kailanman naging tahimik ang Teresa Street.

Humahalo sa ingay ng mga bumibiyaheng traysikel ang tawanan ng mga estudyante, kalansing ng mga kubyertos mula sa mga karinderya, at sunod-sunod na yabag ng mga nagmamadaling humabol sa klase. Sa kalyeng nagsisilbing isa sa mga pangunahing daluyan ng buhay estudyante malapit sa Polytechnic University of the Philippines (PUP), tila may sariling ritmo ang bawat araw — mabilis, maingay, at bihirang huminto.


At sa lugar na halos walang humihinto sa paggalaw, madali para sa sinuman na maging bahagi lamang ng tanawin.


Isa rito si Evelyn Comandante.


Sa gilid ng Teresa Street, katabi ng isang maliit na styrofoam ice chest na pinaglalagyan ng ice candy at ilang bote ng mineral water, araw-araw siyang nakaupo at naghihintay ng mamimili. Kilala siya ng ilan bilang “si Nanay na nagtitinda ng ice candy.” Nakikita siya ng mga estudyante sa kanilang pagpasok at pag-uwi. Minsan ay nabibilhan, madalas ay nadaraanan lamang.


Ngunit noong Mayo 24, nagsimulang magbago ang pagtingin ng komunidad sa matandang tindera sa gilid ng kalsada.


Isang insidente ang pumukaw ng atensyon sa kaniyang kalagayan. Ayon kay Xena Sampanga Dapiton, isa sa mga tumulong sa kaniya, namataan umano ang pagdurugo mula sa sugat sa kaniyang dibdib matapos itong tumama sa isang upuan. Sa mga sumunod nilang pag-uusap, napag-alaman na matagal nang may breast cancer si Lola Evelyn at makapal na tela lamang ang ginagamit niya upang mapigilan ang pagtagos ng dugo mula sa sugat.


Mula sa isang post na ibinahagi sa social media ng isang PUPian, mabilis na kumalat ang kaniyang kuwento sa loob ng komunidad ng PUP. Nagsimulang magtanong ang mga tao kung sino siya at paano siya matutulungan.


Para kay Lola Evelyn, hindi naging madali ang pagtanggap sa atensyong iyon.


Ang iba, tila ay naghanap ng patunay ng kanyang kalagayan bago magbigay ng tulong. Hindi niya ito ipinagdamdam. “Siyempre, para malaman nila na hindi ako manloloko,” saad niya sa isang panayam sa The Communicator.


“Noong COVID pa 'to,”  saad niya matapos alalahanin ang pagsisimula ng noo'y maliit pa lamang na bukol.


Sa kuwento ni Lola Evelyn, higit pa sa isang personal na usapin ang kalusugan. Ipinapakita rin nito ang pangangailangan para sa patuloy at abot-kayang serbisyong pangkalusugan para sa mga nakatatanda, lalo na para sa mga may malubhang karamdaman na nangangailangan ng regular na pagsusuri at pangangalaga.


Sa edad na 72, tinapat umano siya ng mga doktor na hindi na magiging madali ang operasyon dahil sa kanyang edad at pangkalahatang kondisyon.


“Hindi na talaga ako pwedeng operahan kasi nga matanda na ako, 72 na ako,” aniya. “Nagpa-check-up ako doon sa Ortigas Hospital, sabi ng mga doktor [sa kanyang nars na apo], ‘hindi na kakayanin ng Lola mo.’”


Ngunit sa kabila ng balitang iyon, pinili niyang magpatuloy at magpursigi upang mabuhay


Dalaga at wala nang kasamang kapatid si Lola Evelyn. Tanging pamangkin at anak nitong lalaki na lamang ang kasama niya ngayon sa buhay. 


“Tatlo lang kami sa bahay,” kuwento niya. “[Ang pamangkin ko] na ang kumukupkop sa akin, simula no’ng namatay ang mga magulang tsaka kapatid ko. Siya na ang nag-aalaga sa akin.”


Noong Enero, iminungkahi ng kanyang pamangkin na magbenta sila ng ice candy. Ang kanyang pamangkin ang naghahanda ng paninda; si Lola Evelyn naman ang nagbebenta. “Ayoko kasi ngang nasa bahay lang,” aniya habang tumatawa. “Eh hintayin si kamatayan?”


Mula noon, umulan man o umaraw, naging bahagi na ng kaniyang rutina ang umupo sa gilid ng Teresa Street.


“Masaya naman ako araw-araw kahit matirik ang araw,” kuwento niya.


May mga pagkakataong pinayuhan siya ng mga dumaraang traysikel drayber na magpahinga o lumipat sa mas malilim na lugar. “‘Nay, baka ma-stroke ka!’” panggagaya niya sa mga naririnig na paalala.


Ngunit para kay Lola Evelyn, may simpleng dahilan kung bakit mas gusto niyang manatili sa kaniyang puwesto. “Diyan lang ang bahay namin,” aniya. “Pag wala na akong ice candy, uuwi na ako.”


Ang pagpapatuloy ni Lola Evelyn sa pagtitinda sa kabila ng kanyang kondisyon ay maaaring mukhang pambihira. Ngunit kung titingnan sa mas malawak na larawan, isa lamang ito sa maraming kuwentong matatagpuan sa iba't ibang panig ng bansa.


Batay sa pinakahuling ulat ng Philippine News Agency (PNA), tinatayang nasa 11 milyon na ang bilang ng mga senior citizen sa Pilipinas. Habang patuloy na tumatanda ang populasyon ng bansa, lumalaki rin ang pangangailangan para sa sapat na serbisyong pangkalusugan, seguridad sa tirahan, at iba pang suportang makatutulong sa mga nakatatanda.


Bagama’t makikita ang mga hamong ito sa mga ulat at numero, mas malinaw silang ipinapakita sa mga personal na kuwentong katulad ng kay Lola Evelyn. Ang mga bagay na maaaring magmukhang magkakahiwalay na usapin sa isang ulat — kalusugan, tirahan, at kabuhayan — ay magkakasabay niyang hinaharap sa totoong buhay.


Noong mga nakaraang buwan, kinailangan nilang lisanin ang inuupahan nilang bahay na ilang hakbang lamang mula sa kanyang puwesto sa Teresa Street matapos itong bawiin ng may-ari para sa sarili nitong paggamit.


Sa tulong ng mga taong nagmalasakit matapos kumalat ang kanyang kuwento, nakahanap sila ng panibagong inuupahang matitirhan sa Altura Extension, Sta. Mesa, Manila. Gayunpaman, mas malayo na ito ngayon sa Teresa Street.


Sa kabila nito, araw-araw pa rin siyang naglalakad patungo sa dati niyang puwesto upang ipagpatuloy ang pagtitinda ng ice candy at mineral water.


“Wala na akong choice,” ani Lola Evelyn. Ang pagtitinda pa rin ang tanging pinagkukunan nila ng pang-araw-araw na gastusin.


Hindi rin naglaon, nawala pa ang upuan at payong na ginagamit niya sa pagtitinda matapos itong kunin ng mga naglilinis sa lugar. Sa ngayon, nanghihiram na lamang siya ng mauupuan at mapagpapayungan habang naghihintay ng mamimili.


Gayunpaman, hindi iyon ang madalas niyang i-kuwento.


Mas gusto niyang pag-usapan ang mga taong tumulong sa kanya.


“Maraming salamat,” ani Lola Evelyn. “Kahit hindi nila ako kilala ay tinulungan nila ako. Hindi ko naman sila kaano-ano.”


Sa buong panayam, hindi naging sentro ng kanyang mga kuwento ang sakit, ang pagod, o ang mga bagay na nawala. Mas madalas na marinig sa kanya ang pasasalamat at mga biro.


“Ayoko talagang nakatunganga sa bahay,” aniya. “'Di ba, wala naman akong gagawin, wala naman kaming TV, wala naman akong selpon. Oh, ano gagawin ko doon, bibilangin ko 'yong butiki sa bahay?”


Kaya kahit mas mahaba na ang kanyang nilalakad araw-araw, kahit wala na ang sarili niyang upuan at payong, at kahit patuloy niyang dinadala ang bigat ng karamdaman, bumabalik pa rin siya sa parehong puwesto sa Teresa Street.


Marahil ay muli siyang madaraanan ng libo-libong estudyante sa kanilang pagpasok at pag-uwi.

Ngunit para sa mga nakakilala sa kanyang kuwento, hindi na siya basta “si Nanay na nagtitinda ng ice candy.”


Sa wakas, may mga taong hindi lamang siya nadaanan, kundi piniling kilalanin ang kuwentong matagal na niyang dala.


At habang patuloy siyang nagtitinda sa Teresa Street, nananatili ring bukas ang pagkakataon para sa sinumang nais bumili ng kanyang paninda, kumustahin siya, o mag-abot ng tulong — isang simpleng pagkilos na maaaring makapagpagaan sa laban na araw-araw pa rin niyang hinaharap.


Artikulo: Xyra Caryl Zaleta at Henry Ramirez

Grapiks: Justine Ceniza


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page