top of page
Writer's pictureThe Communicator

Sa Mata ng Relos

Nagsimula na siyang gumalaw. Naramdaman kong inilapit niya ako sa kanyang mukha. Narinig ko rin ang kaniyang pagbulong ng nabasang oras.

Kumunot ang kanyang noo, kita ang halos walang buhay na mga mata. Ilang beses siyang humingang malalim. Nararamdaman kong nababawasan ang tensyon sa palapulsuhan niya na una kong naramdaman kanina paggising niya.


Mabigat niyang inangat ang kanyang katawan. Napatingin din ito sa salamin sa gilid. Matagal na tumitig, wari'y may pilit na kinukumbinsi sa sarili.


Lagi niyang ginagawa ito. Malayong malayo sa masayang mukhang binungad nito sa'kin nang una niya akong makita mula sa regalo sa kanya ng kanyang tatay.


Inilapag niya muna ako sa gilid ng kama niya, malapit sa nakahanda na niyang damit pamasok. Kinuha niya ang tuwalya at pumasok sa banyo. Pagkatapos maligo at magbihis, huli niya akong susuotin saka titingnan nang matagal ulit, wari'y may iniisip. O pinaplano.


Mas madalas niya itong ginagawa simula nang di ko na makita ang tatay niya sa bahay nila. Dati naman kasi, titingin lang talaga siya sa'kin sandali para lang tingnan ang oras. Ngayon, para bang hindi na lamang oras ang hinahanap niya sa'kin.


Nagpaalam siya sa nanay niya saka umalis na rin. Naglakad siya sa lagi niyang nilalakaran papasok.


Nakita ko na naman ang matandang babaeng lagi niyang nilalapitan. Lagi itong masayang tumingin sa kanya. At pagkatapos nila magbatian, sasandali siya sa tabi ng matanda at tutulong na maglako ng tinitinda nito. Nakaiiwas ang matanda sa mga nagbabalak na manlamang dito dahil sa kanya.


Matapos mamaalam, magpapatuloy siyang maglakad papuntang sakayan. Nang nakapila na siya sa sakayan, napagawi ang tingin niya sa batang nasa gilid. Napapahawak ito sa sikmura saka mapapasimangot. Nagugutom yata. Sandaling nagdilim ang paligid—ah, nasa loob ako ng bag niya. May kinakapa. Pagkakita ko ulit ng liwanag, naramdaman kong lumapit siya sa bata saka may inabot. Iyon ata ang pabaong meryenda ng nanay niya. Gaya ng matanda, ngumiti ang bata sa kaniya saka nito nilantakan ang inabot niya rito.


Nakita niyang umusad ang pinipilahan niya kanina kaya mabilis siyang namaalam sa bata at bumalik sa pila. Bago pa man makasakay, binati niya muna ang konduktor na kung kanina'y halos malukot ang mukha nito sa simangot, ngayon nama'y biglang gumaan ang mukha. May sinabi pa ata siya sa konduktor na nagpapaalis ng simangot nito. Pamilyar ang gaan ng mukha ng konduktor na ito. Parang nakita ko na rin iyon kanina sa matanda at sa batang nakasalubong niya kanina.


Pagdating sa eskwelahan, minsan akala ko ibang tao ang kasama ko. Hindi kasi siya mahilig makipag-usap nang mahaba sa maraming tao. Pero ang minsanang pakikipag-usap niya ay hindi lamang sa mga bilang na tao, kung hindi ay pati doon sa mga hindi inaasahang kailangan pala siya. Tulad ng isang kaklaseng nahihirapan abutin ang libro sa pinakamataas na parte ng bookshelf sa library, sa pagtulong magbuhat ng gamit ng nakasalubong na guro kahit na hindi naman ito nagtuturo sa klaseng kinabibilangan niya, at kahit sa paninigurong maayos ang silid bago umalis lahat ng kaklase niya ay ginagawa rin niya bago umuwi.


Sa kabila ng lahat ng ito, may isang pagbabago akong unti-unting nakikita sa kanya. Unti-unti rin kasing mas umaaliwalas ang mukha niya paggising mula sa dati'y parang tensyonado siya kaagad pagmulat pa lang ng kaniyang mga matang halos walang buhay kung tumingin.


Ah! Ngayon ko rin pala napagtantong kaya pala pamilyar lahat ng ginagawa niyang ito ay dahil nakita ko na rin ang ganitong reaksyon ng mga tao sa dating may-ari sa'kin.


Matagal na akong naka-display noon kasama ng ibang mga relos sa tindahan ng isang matandang gumagawa ng mga relos sa tabi ng kalsada. Madalas ‘yung mga malalapit lang sa’kin ang nabibili. Ngunit may isang babaeng dumating na sa’kin agad napukaw ang atensyon niya pagkakita sa mga hanay ng mga relos. Doon pa lang, masaya na akong mapili. Akala ko pa no’n siya ang bago kong may-ari pero isinilid niya ako sa isang maliit na kahon. Matagal-tagal din akong nanatili lang doon.


Nang makita ko na ulit ang liwanag mula sa madilim kong kinalalagyan, doon ko nakilala ang taong magmamay-ari pala talaga sa’kin. Ibinigay ako ng babae sa lalaking halos nangingiyak na sa tuwa nang matanggap ako.


Dito ako unang nakatuklas ng mga taong may maaliwalas na ngiti pagkatapos makipag-usap ng taong may-ari sa’kin sa kanila. Simula sa mga kapatid niyang madalas humingi ng tulong sa kanya sa tuwing nahihirapan ang mga ito sa kanilang mga takdang-aralin, hanggang sa kanyang mga magulang na kahit namomroblema ang mukha sa tuwing una silang lalapit sa kanya, may ibibigay lang siya mula sa natanggap niya mula sa paghahanap-buhay buong araw, napapalitan na agad ng ngiti ang nauna na nilang namomroblemang mga mukha.


Kahit sa trabaho, sa tuwing may kasamahan siyang mukhang nahihirapan na sa mga binubuhat nila, lagi siyang magpepresentang tumulong dito kahit na may mabigat din siyang dinadala. Dama ko kasi ang panginginig ng kaniyang kalamnan sa pagbubuhat doon pa lang sa kaniyang palapulsuhan. Akala ko pa’y mahuhulog niya ang buhat-buhat niya pero matagumpay naman nitong nabuhat ang mga mabibigat na kahon.


Lumipas ang mga taon na palaging may nakakasalamuha siyang taong mabilis napapawi ang lumbay sa mukha at napapalitan ng maaliwalas na ngiti sa tuwing lumalapit ang mga ito sa kanya. Ikinasal siya sa babaeng nagbigay sa’kin sa kanya. Nagkaroon sila ng anak na lalaki na nung nagkamulat ay laging nakasunod ang tingin sa kanyang ama.


Dito nakita ng kanyang anak kung paano siya palaging nakahandang tumulong sa mga nangangailangan. Gaya na lamang nang may makita silang batang nawawala at sabay nilang hinanap ang mga magulang nito.


May pagkakataon ding habang hawak niya ang kanyang anak sa mga braso nito, narinig ko kung paanong sinasabi niya sa kanyang anak na hangga’t kaya niyang makatulong sa iba, ‘wag siyang magdalawang-isip na gawin iyon.


Isang araw, tulad ng nangyari sa’kin dati, isinilid ulit ako sa isang maliit na kahon. Ngunit ang pananatili ko ro’n ay hindi tulad ng karanasan ko rati. Sa pagkakataong ito, bumungad sa’kin ang mukhang sabik na sabik akong bigyan ng liwanag sa madilim kong kinalalagyan. Hindi rin tulad nang dati na nangingiyak-ngiyak ang naunang may-ari sa’kin dahil ngayon, halos mapunit na ang labi nito kakangiti sa’kin habang sinusuot ako sa kanya ng ngayo’y dati nang may-ari sa’kin.


No’ng una, nanibago ako dahil titingin lang talaga siya sa'kin sandali para lang tingnan ang oras. Hindi rin gaya ng dati, mas gusto yata nitong bagong may-ari sa’kin na mapag-isa. Palagi siyang mag-isa. Wala nang mga taong napapawi ang lumbay sa tuwing nakakasalubong nila ang may-ari sa’kin. At ibang-iba rin ang mukhang pinapakita niya sa kanyang ama sa tuwing umuuwi ito mula sa maghapong paghahanap-buhay. Laging maaliwalas ang ngiti niya sa kanyang ama.


Mula sa mga pangyayaring iyon bago ko huling nakita ang kanyang ama, ngayon ko napagtantong ang pananatili ko sa kasalukuyang may-ari sa’kin ang mas nakapagpakita sa’kin na napapasa pala ang katangian na ‘yon. Ang makapagpagaan ng mukha ng ibang taong aakalain ng iba’y hindi na makahahanap pa ng paraan upang ngumiti. Magagawa lang iyon kung may ibabahagi ng isang tao ang bahagi niya sa ibang tao. At kahit hindi mapansin o makapukaw ng atensyon ng marami, kahit paunti-unti, ang mga kabutihang ito ay kayang makapagpabago ng buhay ng ibang tao.


Pati na rin ng kaniyang sarili.


Artikulo: Cristy Anne San Pedro

Dibuho: Randzmar Longcop

Comments


bottom of page