Gumising ng umaga upang kumain ng hinating tinapay kasama ang kaniyang kapatid. Hinilamos ang dungis at dumi sa mukha na siyang resulta ng maghapong pagbubuhat ng semento. Pinaliguan ang katawang puno ng alikabok, sinabon at binanlawan bagamat ito'y muling marurumihan lamang. Pagkatapos ay pinunasan ng tuwalyang puno ng pula't itim na mantsa. Sinuot niya ang puti ngunit naninilaw na damit at ang pantalong may bakas pa ng pintura. Kaniyang kinuha ang pala't martilyo at siya'y lumabas ng bahay. Handa na muling sumabak sa hindi matapos-tapos na siklo ng pag-aalay ng kaniyang dugo't pawis kapalit ng maliit na kita na siyang bumubuhay sa kanila.
Tirik ang araw nang simulan niyang lumakad palabas ng masikip at umaalingasaw na eskinita. Ang kaniyang gomang tsinelas na patid ay sumisimbolo sa bawat pagsulong na siya ring nagsisilbing saksi sa bawat kilometro o milyang layo na kaniyang nilakbay, marating lamang ang lugar kung saan siya ay magkakaroon ng kita. Sa bawat pagsalin ng pintura at pagbaon ng pako ay kaniyang naisip kung kailan darating ang panahon. Ang panahon na sariling bahay ang kaniyang binubuo’t binibigyang-kulay. Dahil kadalasan, sa mainit na panahon sila’y tuyo at uhaw ngunit nalulunod at nagdurusa pa rin sa oras na dumating ang ulan.
Sa likod ng sipag at tiyaga, ang kaniyang kapatid ay nakakakain ng masarap na kanin. Sa bawat buhos ng semento at sa bawat pukpok ng martilyo, kaniyang nais lamang ay marinig at maunawaan. Marahil nakamamangha ngunit itong trabahador na ito ay hindi kaaya-aya sa mata. Lalo pa't sampung taong gulang pa lamang itong batang bumubuhay sa kanila ng kapatid niya. Nakakalungkot man ngunit mas nauna pa siyang nakahawak ng pala, kaysa sa lapis at papel na isa sa karapatan niya.
Sila ba ay isang halimbawa ng piyesang isinatitik ng manunulat na pagod sa sistemang hindi maayon sa nararapat na ayos? Sila nga ba'y itinadhanang humawak muna ng pala o ang pala mismo ang mas naunang humawak sa kaniya?
Article: Maui Balmaceda
Graphics: Randzmar Longcop
Comments