Kolateral—ganyan lamang kung ituring ng reaksyonaryong estado ang mga buhay na kinikitil nito, dulot ng mga giyerang hindi ang totoong kalaban ang sinusupil.
Walang pinipili ang giyerang ito—mula sa patuloy na pamamaslang at pananamantala sa pambansang minorya; giyera kontra-mahirap ni Duterte na binihisan lamang sa anyo ng ‘drug war;’ hanggang sa mga karahasan at patayang naka-ugat sa maruming sistema ng pulitika sa mala-koloniyal at mala-piyudal nating lipunan.
May pito nang naitalang asasinasyon at tangkang pagpatay sa mga lokal na opisyal sa bansa magmula nang maupo sa pwesto si Marcos Jr. Tatlo sa bilang na iyan ang nakaligtas, habang apat naman ang nasawi na kinabibilangan ni Roel Degamo, long-time governor ng Negros Oriental, at pinakabagong biktima sa mga serye ng pamamaslang sa lokal na pulitika sa bansa.
Kapanayam ni Degamo sa labas lamang ng kanilang residential compound ang mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) sa kanyang nasasakupan nang may anim na nakabihis-sundalo at heavily-armed personnel ang walang habas na namaril at kumitil sa buhay ng gobernador at walo pang mga sibilyan, habang ang iba nama’y naiwang sugatan.
Sumasalamin lamang ang walang-puknat at kabi-kabilang mga patayan para sa pulitikal na interes at kapangyarihan na patuloy pa rin ang pag-iral ng mga private armed groups (PAGs) hanggang sa kasalukuyang rehimeng Marcos-Duterte.
Ayon sa Independent Commission Against Private Armies (ICAPA), mayroong 558 private armies sa bansa noong 1993, bumaba ito sa 107 noong 2010, at tuluyan pang nabawasan sa 77 noong 2018. Ngunit ayon sa Philippine National Police (PNP), muli na naman itong nadagdagan sa 118 bago ang naganap na eleksyon noong nakaraang taon.
Ang mga private armed groups ay binubuo ng mga retirado, dishonorably discharged, at maging mga nasa serbisyo pang mga unipormadong pwersa ng estado sa anyo ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP). Layon ng mga PAGs ang magsilbi sa ekonomikal at pulitikal na interes ng mga naghahari-hariang pulitiko, pamilya, at dinastiya sa ating bansa.
Ninonormalisa ng mga nasa lokal na sangay ng gobyerno—partikular na ang mga gobernador, kongresista, at mga alkalde—ang karahasan at impunidad sa kani-kanilang mga nasasakupan. Ginagamit din ng iilang mga pulitiko ang hungkag na mga operasyong kontra-insurhensya sa kanayunan upang pagtakpan at gawing lehitimo ang kanilang pribadong armadong pwersa.
Tila ba orkestra ang sistema ng patuloy na hindi pagkalansag ng mga private armed groups ng mga pulitiko—na sa isang kumpas lamang ng pera’y kikitil na sa buhay ng sinumang magtangkang pumigil sa pagtatatag at mas pagpapalawig ng kapangyarihan at impluwensya ng kanilang mga pinagsisilbihan.
Ang insidenteng kumitil sa buhay ni Degamo at walo pang mga inosenteng indibidwal ay nagbabalik din sa bangungot ng pinakamadugong atake sa pamamahayag—ang Maguindanao Massacre, kung saan 58 na mga indibiwal ang pinaslang kabilang ang 32 mga alagad ng midya.
Naging numero unong kasangkapan ang pribadong armadong pwersa ng mga Ampatuan sa planadong masaker laban sa kampo ng mga Mangundadatu, na noo’y dalawang mahigpit na magkaribal na pamilyang pampulitika sa Maguindanao.
Malaking perang pasahod at mga iligal na negosyo ang alok ng mga pulitiko sa mga pulis at militar kapalit ng serbisyong pang-seguridad at pagpapatahimik sa kanilang mga kalaban sa pulitika.
Naka-ugat na sa kaibuturan ng kasaysayan ang mga mersenaryong praktika ng sandatahang lakas hindi lamang sa Pilipinas, kundi sa buong daigdig—partikular na sa imperyalistang Estados Unidos.
Maraming mga Pilipino ang naging mersenaryo sa kumpas ng imperyalismo na naging dahilan para pigilin ang rebolusyong Pilipino. Itinalaga ang mga mersenaryong Pilipino bilang mga unang yunit ng Konstabularyo ng Pilipinas, na ngayo’y pinalitan na bilang PNP. Napalitan man ng pangalan, ngunit hindi pa rin nababago ang anyo—nakasandig pa rin sa mala-koloniyal at mala-piyudal na sistema. Ginamit ng mga Amerikano ang konstabularyo para lupigin ang rehiyon ng Mindanao at mapasailalim sa pwersa ng militar.
Ginamit din ng Estados Unidos—sa parehong porma ng imperyalismo—ang mga sundalong Pilipino sa Korea at South Vietnam upang labanan ang kanilang mga kapwa-Asyano, katuwang ang iba pang mga sundalo mula sa mga karatig na rehiyon sa Asya.
Kasuklam-suklam ang mersenaryong tradisyon ng sandatahang pwersa—mula sa mga ugat na pinagmulan at mga bansang unang nagpairal nito, higit lalo sa kasalukuyan kung saan pilit pinepreserba ng estado ang inaagnas na sistema para sa interes at ganansya lamang ng iilan.
Matapos ang pagpaslang kay Degamo, agarang nagpadala ng elite unit na binubuo ng 50 sundalo sina AFP Chief of Staff General Andres Centino at Defense Officer-in-charge Carlito Galvez Jr. upang ‘sugpuin ang impunidad at mga kriminal na aktibidad’ sa Negros Island.
Ngunit paano susugpuin ng mga sundalo ang kultura ng impunidad, kung sila mismo ay nanggaling din sa kaparehong institusyon na nagpanganak sa mga PAGs at produkto ng sistemang mababa ang pagpapahalaga sa buhay, respeto, at propesyonalismo?
Mismong sandatahang lakas—bilang aparato ng estado—ang nagpapairal ng kultura ng impunidad at nagpapanatili sa mersenaryong tradisyon sa AFP at PNP. Kaya huwad ang kanilang layon na resolbahin ang impunidad, kung sila mismo ang nagpoprodyus ng mga indibidwal para isapraktika ang sistemang ito.
Tuta na ng pasistang estado, tuta pa ng mga pulitiko, at mas mataas pa ang tingin sa halaga ng pera kumpara sa halaga ng buhay—‘yan ang anyo ng sandatahang pwersa ng AFP at PNP. Kaya’t hindi na nakagugulat ang kanilang pagiging mga mersenaryong naglilingkod lamang para sa pera at interes ng mga naghahari-hariang opisyales ng gobyerno, at hindi kailanman para sa masang patuloy na pinagsasamantalahan ng kanilang mga pinaglilingkuran.
Artikulo: Mark Joseph M. Sanchez
Dibuho ni: Darren Waminal
Comments