top of page

Mali Ba Na Mamundok?

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 14 hours ago
  • 2 min read

Mali ba na mamundok?

Na akyatin ang kataastaasan,

Para abutin ang pinakalaylayan?

Na kilalanin ang mga taong iniwan, 

Ang mga sinampay ng naghaharing-uri

Sa bingit ng kamatayan.



Mali ba na mamundok?

Na saliksikin ang bawat sulok,

Punuin ang lingid na kaalaman

Patungkol sa kadiliman

Upang ibalik ang liwanag

Kay Inang Kalikasan.

Bakit ba buhay ang kapalit

Para alagaan ang ating tahanan?

Bakit ba sa susi ng edukasyon,

Ay kabaong ang binubuksan?


Ano ba ang mali sa pamumundok?

Na dayuhin ang ating kapwa:

Ang mga mag-uuma’t magsasaka,

Ang mga katutubo—

Ang rason ng paglago at pagyabong

Ng mga lupang kinakamkam

Ng mga gahaman. 

Sa Diyos na ating sinasamba,

Hindi ba’t mas makasalanang maging sakim,

Na pumatay para lamang mang-angkin—

Kaysa akyatin ang kabundukan, 

Para sa ating kapwa,

Na siyang dapat labis na mahalin?


Bakit ba maling piliin ang kabundukan kaysa sa kapatagan?

Bakit ba mali ang kapit-bisig, 

Sa mga pamayanang kinalimutan ng Kamaynilaan.

Paano iiwasan na dalawin ang mga bundok,

Kung ang kampo ng kadiliman, ng kasamaan,

Ay nasa syudad, nakabarong, sa malamig na opisina—

Habang ang masa’y nakikibaka sa initan,

Habang sila’y pinapaulanan ng mga bala?


Hindi mali na mamundok.

Kundi mali ang mga diyos-diyosan 

Ang mga buwayang nagkukunwaring mesiyas,

Mga Hudas na nagpapanggap na tagapagligtas,

Ang mga Pontio Pilato na naghuhugas-kamay sa dugo ng mga sibilyan.


Hindi kailanman mali na akyatin ang tuktok,

Kung mas mataas pa rin ang trono ng nakaupo—

Ang trono na gawa sa mga bundok-bundok na buto.

Hindi kailanman mali na kalabanin ang panunupil,

Kung baluktot ang konsensya ng nagsisimula nito.


Dahil anuman ang palusot

Hindi kailanman mali ang mamundok.

Hangga’t hindi binabaliktad 

Ang namamayaning Tatsulok.


Artikulo: Alexis Cantuba

Dibuho: Raeka Grace Alcaraz

Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page