top of page
Writer's pictureThe Communicator

Pasko sa Lente ng Pelikulang Pilipino: Mga ‘Must-Watch’ Ngayong Christmas Season!

May iba’t-ibang paraan ng pagdiriwang sa Pasko ang bawat pamilyang Pilipino—may naghahanda nang magarbo, may ilan na nagdiriwang sa ibang lugar, may iba naman na pinipiling maging simple sa pamamagitan ng pasasalamat sa lahat ng bagay na mayroon sila. Kasabay ng malamig na simoy ng hangin, nag-aalab ang pag-ibig sa bawat isa.

Ngunit, bukod sa pananabik sa samu’t saring mga handa, regalo, at pagkakataon na makasama ang mga mahal sa buhay sa Noche Buena, maaari rin naman ibahin ang takbo ng pagsalubong sa kapanganakan ni Kristo. Ito ay sa pamamagitan ng pagbababad sa mga pelikulang Pinoy na siguradong magpaparamdam sa atin ng tunay na diwa ng kapaskuhan. Anu-ano nga ba ang mga ito? Halina’t ating alamin!


Magikland (2020)


Talaga namang dadalhin ang mga manonood sa mundo ng mahika sa ating unang pelikula. Sa direksyon nina Peque Gallaga at Lore Reyes, ipakikilala ang apat na batang magiging tagapagligtas ng Magikland—isang mahiwagang mundo kung saan nagmula ang lahat ng mga laruan sa mundo, at magbibigay sa kanila ng mahiwagang karanasan. Sapilitan silang napadpad dito habang kanya-kanyang nagdaraos ng Noche Buena ang kanilang mga pamilya.


Kabilang sa mga karakter ay sina Boy Bakunawa, Mara Marapara, Pat Patag, at Kit Kanlaon. Kaya naman, tiyak na maeengganyo ang mga batang panoorin ito dahil pangalan pa lang ng mga karakter ay nakakaaliw na. Siyempre, mas lalo pa na kaabang-abang dito ang mga aral ng pagkakaibigan, katapangan, at pagbibigayan—ang tunay na diwa ng Pasko.


Ang Tanging Ina


Isa sa mga klasikong pelikulang Pinoy ay ang Tanging Ina na pinagbibidahan ni Comedy Queen Ai-Ai delas Alas. Sa direksyon ni Wenn V. Deramas, tinatalakay ng pelikulang ito ang wagas na pagmamahal ng isang ina sa kanyang mga anak.


Bilang pangunahing tema ang gampanin ng isang ilaw ng tahanan, talaga namang magniningning ang Pasko ng sinumang manonood nito lalo na kung kasama ang mga nanay na nais bigyang pugay. Bukod sa katatawanan, siguraduhin din na handa ang kalooban sa mga makabagbag-damdaming mga eksena na siguradong paluluhain ka.


Shake, Rattle, and Roll 9, Episode 1: Christmas Tree


Hindi pa huli ang lahat para magkatakutan kahit nasa gitna ng kapaskuhan!


Gaya ng Tanging Ina, ito rin ay isa sa mga klasikong pelikulang Pinoy. Pinagbibidahan nina Gina Alajar, John Prats, Boots Anson-Roa, Nash Aguas, Lovi Poe, at Sophia Baars, ang kwento ng kahindik-hindik na Pasko ay maaaring matunghayan sa palabas na ito.


Ngunit, higit sa makatindig-balahibong mga eksena, binibigyang ningning din nito ang kahalagahan ng tiwala sa pamilya. Saktong-sakto ito para sa quality time kasama ang mga mahal sa buhay ngayong kapaskuhan.


Family Matters


Paniguradong mapapa-#relate ka sa bawat eksena lalo na’t tampok ng pelikulang Family Matters ang tunay na mga pinagdaraanan ng isang pamilyang Pilipino. Mula sa direksyon ni Nuel Naval, ang kwento ng pamilyang Florencio na pinagbibidahan nina Noel Trinidad, Liza Lorena, Nonie Buencamino, Mylene Dizon, Nikki Valdez, at JC Santos, ang magpapatunay na hindi perpekto ang isang pamilya—may pagkakataong nagkakalabuan at hindi nagkakaunawaan. Ngunit, dahil sa dalisay na pagmamahal para sa isa’t isa, sa mata nila’y ang kanilang pamilya ay wala pa ring katulad.


Ipinakita rin ng obrang ito ang kahalagahan ng pagpapatawad at ang pagpapanatili ng matatag na relasyon ng isang pamilya.


Bilang patunay sa husay ng pelikulang ito, pinarangalan itong Best Picture at Best Editing sa nagdaang 2023 Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS). Nagwagi rin na Best Actor si Noel Trinidad at Best Supporting Actress naman si Nikki Valdez. Kaya naman, isama na ito sa inyong movie list ngayong kapaskuhan!


Tayo sa Huling Buwan ng Taon


Bago matapos ang taon, hindi maikakaila na muli nating inaalala ang mga nakalipas na sandali. Masaya man o malungkot, binabalikan natin ang mga alaalang nabuo sa mahabang panahon. Kaya naman huwag palampasing matapos ang buwan nang hindi napapanood ang pelikulang ito!


Ang Tayo sa Huling Buwan ng Taon ni Nestor Abrogena ay sumunod sa naunang pelikula nito na Ang Kwento Nating Dalawa. Mula sa nakamamanghang sinematograpiya at mayamang dayalogo, paniguradong tagos sa puso ang bawat tagpo nina Sam (Nicco Manalo) at Isa (Emmanuelle Vera). Bagaman tungkol sa muling pagtatagpo ng dating magkasintahan, ipinamalas ng pelikulang ito ang isang aral—ang kahalagahan ng pagpapalaya sa sarili sa nakaraan at pagtuklas ng sarili sa hinaharap.


Sa pagtatapos ng buwan at taon, muling alalahanin ang kahapon bilang aral ng buhay at bigyan ng pagkakataon ang sarili na tuparin ang mga pangarap sa darating na bukas.


Kung Paano Hinihintay ang Dapithapon


Nakaugalian na natin na ipagdiwang ang Pasko nang magkakasama—mapa-buong angkan man, kasama ang mga kaibigan, pati mga kapitbahay dahil sabi nga nila, “mas marami, mas masaya!”


Sa pelikula ni Carlo Catu, tiyak na mas mauunawaan kung gaano katamis ang bawat sandali na kapiling ang mga taong malapit sa puso sa kabila ng mapait na kalagayan sa buhay.


Ang pelikulang ito ay tungkol sa dalawang matandang mag-asawa na sina Celso (Menggie Cobarrubias) at Teresa (Perla Bautista). Nagsimula ang kwento nang makatanggap ng tawag si Teresa mula sa dating asawa na si Bene (Dante Rivero). Siya ay humihiling na may makasama sa kanyang mga huling sandali.


Bagaman hindi pangkaraniwan ang mala-love triangle na sitwasyon ng mga tauhan, ipinakita nito ang kahalagahan ng pagpapatawad, pagtanggap, at pagmamahal, hindi man bilang magka-ibigan pero bilang magkaibigan.


Tuwing sasapit ang ika-siyam na buwan ng taon, nagliliwanag na ang paligid—tanda na umpisa na ng ika nga’y “Christmas countdown” ng mga Pilipino. Sadyang kay bilis ng araw; hindi natin namamalayan na panahon na naman ng awitan, pagbibigayan at pasasalamat. Kaya’t habang hinihintay ang araw ng Pasko, sulitin natin ang bawat araw na kasama ang mga natatanging tao sa ating buhay habang pinapanood ang mga pelikulang tatak Pinoy—mga repleksyon ng mayamang kwento ng pag-ibig, kabiguan, pamilya, at pagkakaibigan.


Artikulo: Lovely Camille S. Arrocena & Yzabelle Jasmine Liwag

Dibuho: Rick Andrei


Comments


bottom of page