top of page

LATHALAIN | Bakit Kulay Pula ang Pasko?

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Minsan ba ay naitanong mo sa iyong sarili kung bakit kulay pula ang sumisimbolo sa kapaskuhan?



Makukulay na dekorasyon, malinamnam na mga pagkain, at palitan ng mga regalo ang madalas na pumapasok sa ating isipan kapag naririnig natin ang salitang “pasko.”


Nang dumungaw ako sa bintana, tila isang karagatan ng pula ang bumungad sa akin. Ang mga parol ay tila pusong nag-aalab at naglalayag sa hangin, habang ang makintab na pulang kulay ay nagbabaga sa dilim. Bawat kislap ng Christmas lights ay tila mga bituing kumikislap, sumasayaw sa ritmo ng awit mula sa mga nangangaroling. Ang eksenang ito ang nagbibigay ng init at liwanag sa malamig na gabi.


Tuwing bisperas ng pasko, laging bilin sa akin ang magsuot ng pulang damit, ternuhan ko rin daw ng pulang sapatos. Aniya, pula ang kulay ng pasko dahil senyales ito ng kaligayahan at pagmamahal. Ngunit sa kabila ng mga pulang dekorasyon, damit, at pagkain, makikita rin ang mapait na katotohanan: ang pulang dugong dumanak mula sa mga biktima ng giyera kontra droga ng administrasyong Duterte, ng mga nasawi mula sa patuloy na pambobomba ng Israel sa Palestine, at ng lahat ng pinatay dahil sa kasalatan at kawalan ng katarungan.


Ang tatlong taong gulang na si Myca Ulpina ang tinuturing na pinakabatang biktima ng Oplan Tokhang ng administrasyong Duterte. Napatay siya sa gitna ng isang buybust operation kung saan target ang kanyang ama na si Renato Ulpina at ang houseboy nilang si Enrique Cahilig.


Ang kasong ito ay isa lamang sa tinatayang mahigit 6,000 napatay sa mga lehitimong drug operations ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula 2016 hanggang 2022. Hindi kasama sa naitala ang mga pinatay ng mga vigilante groups o unknown killers at natagpuan ang bangkay na nakagapos, balot ng tape ang mukha, at may karatula na naglalaman ng mapanlait na salita gaya ng “drug addict ako, salot sa lipunan.”


Gaya ng kwento ni Jennelyn Olaires at ng kanyang asawa na si Michael Siaron, isang pedicab driver at pinaghihinalaang drug pusher na binaril ng hindi kilalang motorcycle-riding men sa Pasay City. 


Malamig ang gabi, ngunit hindi ito alintana ni Jennelyn, hagkan niya ang walang buhay na katawan ng asawang si Michael sa tabi ng madilim at maruming kalsada. Ang kanyang mga luha, na parang mga perlas ng hapis, ay patuloy na umaagos habang ang naghihinagpis na boses na tinatawag ang pangalan ng minamahal. Hiling niya sana’y masamang panaginip lamang ang lahat. 


Sa kabilang bahagi ng kordon, naroon ang mga awtoridad at publiko, nakamasid, tila ba normal na lamang sa kanila ang ganitong tagpo. 


Ang eksenang ito ay nilitratuhan ni Raffy Lerma at nailathala sa Philippine Daily Inquirer noong Hulyo 24, 2016 kung saan pumukaw ng pansin dahil sa pagkakahawig nito sa eskultura ni Michelangelo na Pieta. 


Mabibilang pa lamang sa daliri ang mga nabigyang-hustisya kabilang ang 17-year-old na si Kian delos Santos, natunghayan sa surveillance footage ang pagkaladkad sa kanya ng mga pulis at kalauna’y natagpuang patay sa babuyan. 


Ngunit sa kabila ng ebidensya na dumidiin sa mga berdugong kapulisan sa pagkitil ng buhay ng inosenteng si Kian, hustisya nga ba itong maituturing kung ang puno’t dulo ng pangyayaring ito ay malaya pa ring naglalaboy, namumuhay ng simple “raw”, at patuloy na pinasasahod ng taumbayan? 


Tunay ba itong hustisya kung patuloy pa rin ang pamumuhay na normal nina Duterte, Go, at Dela Rosa?


Gaya nila Myca, Michael, at Kian, karamihan sa mga napatay sa gera kontra droga ay mga mahihirap na mamamayang Pilipino. Kung kaya’t tinawag ito ng mga eksperto na “war against the poor”. Ang mga kasong ito ay nagpapakita ng kawalan ng paggalang sa buhay ng tao at pagtapak sa karapatan at kalayaan ng mga Pilipino. 


Ang mailap na hustisya para sa mga kaso ng karahasan ay nagpapalala lamang sa mga umiiral na alitan.  Tulad ng sa kung paanong patuloy na nilalabag ng Israel ang karapatang pantao sa Palestine. Kung saan mahigit 45,000 na ang naitalang namatay, 107,338 ang sugatan habang 11,000 naman ang hindi pa natatagpuan mula nang magsimula ang genocide, ayon sa Palestinian Health Ministry. 


Walang natira kundi mga gumuhong gusali, sirang kagamitan, at usok mula sa apoy ‘di kalayuan matapos ang bombahin ng Israel ang Gaza. “I wish it was a dream, my mom and dad would still be alive.” nanginginig ang boses ng batang lalaki, bakas sa pamumula ng kanyang mukha ang pighati sa video mula sa Al Jazeera English. Kabilang ang kanyang mga magulang sa nasawi sa pambobomba ng Israel. 


Ang kanyang pahayag ay isang paalala na ang malalim na sugat dulot ng karahasan ngayon ay nakamarka na sa puso’t isipan ng mga biktima, higit pa sa sakit ng pisikal na pinsala. 


Ang pasko ay daan upang mas tumibay ang relasyon natin sa isa’t isa, sa bata man o matanda ito’y naghahatid ng kaligayan at pinupuno ng pagmamahal ang ating mga puso. Kahit abala tayo sa pagpapalitan ng mga regalo, nawa’y makapaglaan tayo ng maikling katahimikan at dalangin  para sa kapayapaan at hustisya sa lahat ng mga pinaslang ng walang katarungan. Ika nga nila, “Ang pagbibigay ng oras at pagmamahal ang mga tunay na sangkap ng maligayang pasko.”


Kulay pula ang pasko dahil senyales ito ng kaligayahan at pagmamahal, ngunit isa ring paalala na kahit sa gitna ng kaligayahan, may mga sugat pa rin mula sa nakaraan ang hindi naghihilom, umaasang balang araw ay makakamit ang hustisya.  


Artikulo: Lovelie Risha Camilao

Grapiks: Kent Bicol

Comments


bottom of page