𝗛𝗮𝗻𝗴𝗴𝗮𝗻𝗴 𝘀𝗮𝗮𝗻 𝗮𝗸𝗼 𝘀𝘂𝘀𝘂𝗻𝗱𝗮𝗻 𝗻𝗴 𝗽𝗶𝘁𝗼?
- The Communicator
 - 49 minutes ago
 - 7 min read
 
Buong buhay ko, palagi akong sinusundan ng pito.
Ika-pito ng Hunyo ako pinanganak, unang beses akong nakapagsuot ng magarbong gown noong ika-pito kong kaarawan, noong ika-pitong baitang ako unang lumipat sa ibang paaralan, at pitong piso lang noon sa tindahan ang paborito kong chichirya. Masaya na ‘ko sa 7UP na naging paborito kong soft drinks habang lumalaki—hindi masyadong matamis, hindi masyadong masakit sa lalamunan, sakto lang sa panlasa ng isang batang uhaw pagkatapos maglaro. Pang-pitong taon ko na rin bilang isang manunulat, at ayun, tulad ng lagi, nandyan na naman ang pito.

Swerte raw akong bata dahil nakasunod sa ’kin lagi ang maswerteng numero, pero swerte pa rin kaya ang pito sa mga huling araw ko sa mundo?
Ayon sa siyensya, sa pitong minuto bago pumanaw ang isang tao, magkakaroon siya ng ‘memory surge’ at makikita niyang muli ang mga mahalaga at hindi malilimutang pangyayari sa kaniyang buhay. Magsisilbi itong huling palabas na mapapanood bago mamaalam at tuluyang pumikit dahil hindi na kailanman masusundan pa ang mga eksena. Daig pa ang TikTok videos at YouTube reels sa haba, pero bitin para ipakita ang lahat ng mahalaga para sa taong mawawala.
Hindi man lagi, pero laging nakasunod ang pito sa lahat ng tao. Hindi lantaran tulad ng sa akin—pero nariyan lalo na sa huling sandali. Kung mabibigyan ng pagkakataon ang lahat ng tao na maging direktor ng sarili nilang ‘last seven minutes reel’, ano kaya ang gusto nilang nilalaman nito? Masasayang alaala mula sa pagkabata? Unang beses na makakuha ng medalya sa paaralan? Mga alaala kasama ang barkada at mga kaibigan? Kung ako ang papipiliin, iba ang nais kong nilalaman.
0:00-1:00 - Baby steps
Hindi ito para sa ’kin, ngunit para sa aking mga magulang. Nakita nila kung paano ako unang naglakad patungo sa kanila kahit na hindi ko pa kayang tumayo nang mag-isa gamit ang sarili kong mga paa. Nais kong balikan ang alaalang ito sa unang parte ng huli kong pitong minuto dahil ilang taon matapos ng mga naunang hakbang, hindi na ’ko muling humakbang papalapit sa kanila. Hindi mawawala ang gabay at alam kong nandyan sila, pero lumaki ang kagustuhang tumayo gamit ang sariling mga paa.
Dumami lang ang gustong patunayan hanggang sa hindi na namalayang malayo na pala ang tinatahak na daan sa pamilya. Palayo sa nakasanayang sarap at ginhawa ng tahanan pero papalapit naman sa mga pangarap na nais kong makamtan. Sa unang bahagi ng huling sandali, babalikan ko ang mga unang hakbang na nagbigay ng lakas ng loob sa batang ako na suungin ang bukas nang mag-isa.
1:00-2:00 - Out of my comfort zone
Isa ako sa mga batang palagi lang nakasilip sa gate tuwing may mga naglalaro sa tapat ng bahay namin. Hindi ako lumaking palaging napagbibigyan na maglaro sa labas ng bahay dahil alam na alam ni mama na lampa ako at mabilis madapa. Mahalaga sa kaniya na hindi ako magkaroon ng sugat dahil importanteng makinis lang ang kutis ko habang lumalaki. Kabaliktaran nito si papa na walang pakialam kung masaktan ako—palagi ba naman siyang nandyan para saluhin at puntahan ako tuwing uwian na at sa mga panahong pinipikon ako ng mga pinsan ko.
Hindi ako pinapayagang makipaglaro sa kapitbahay pero pinapayagan akong makipaglaro sa aking mga pinsan. Minsan lang kami magkita, halos bilang sa isang kamay kung ilang beses lang kami nagkikita-kita sa isang buwan. Sa tuwing darating ang araw ng muli naming pagkikita, para akong aso na nakawala sa kulungan at hindi na talaga ako napapatigil sa oras na magsimula na ang takbuhan.
Dito ko unang naramdaman kung paano makihalubilo, makipaglaro, at makisama sa ibang tao. Sa simpleng paglalaro sa labas ng bahay, natutuhan kong ang kalayaan ay pansamantala at maaaring mawala kapag hindi mo iningatan. Bilang huling palabas na maaalala ng aking isipan, nais kong maramdaman sa bawat alaala ang hampas ng hangin sa aking mukha habang tumatakbo palayo sa mabababaw na problema.
2:00-3:00 - First award
Hindi ko man malilimutan ang unang beses na umakyat ako sa stage para tanggapin ang unang medalya na hindi ko na nakita pang muli, nais ko pa ring balikan ang pakiramdam ng aking unang karangalan at kung paano nito naimpluwensyahan ang pagsusumikap na hanggang ngayon ay dala-dala ko pa rin sa araw-araw. Nagkaroon ako ng inspirasyon na galingan sa bawat pagsusulit at ayusin ang bawat takdang-aralin dahil sa dulo ng bawat taon ay may naghihintay para sa akin na pagkilala. Ang unang medalya ay nasundan at kahit tila ba sumpa na ang pagsunod sa akin ng numerong pito, hindi natigil sa pang-pito ang natanggap kong mga medalya.
Minsan lang natin makita ang mundo mula sa itaas. Kaya naman tuwing nandoon ako sa stage—grabe ang ngiti sa aking labi at talagang tumitingin ako sa mga kapwa estudyante kong nasa ibaba. Hindi para mang-inggit, ngunit dahil alam kong balang-araw ay makikita rin naming lahat ang mundo mula sa perspektibong ito. Sa huling pagkakataon ay nais kong masilayan ang unang malaking ngiti sa aking labi at nais kong malasap muli ang tamis ng unang tagumpay.
3:00-4:00 - First Love
Bukod sa tagumpay, wala nang mas tatamis pa sa unang pag-ibig. Iyong tipo na binabase pa ang type sa lalaki sa mga nakikita sa palabas at ‘Total Girl’ magazines. Nagkakahiyaan pa tuwing magkatabi sa silya ng klasrum at kulang na lang ay sumulat pa sa papel para lamang makapag-usap. Walang kasawaang FLAMES at pagpapakipot tuwing inaasar ng mga kaklase. Isa ito sa paborito kong uri ng pag-ibig. Wala pang bahid ng karanasan, pag-ibig na puro galing sa puso at hindi hinahaluan ng utak dahil wala namang kailangang isipin bukod sa kung nag-uusap pa rin ba kayo kinabukasan.
Pag-ibig ito na walang pagmamadali, walang pag-aalinlangan, at walang kahit na anong pagdududa. Marahil ay dahil hindi naman ito yung klase na inaabangang magtagal at manatili. Ito ‘yung pag-ibig na ginawa lang para maging aral, para dumaan sa ating buhay at bigyan tayo ng batayan sa kung ano ang mga dapat at hindi dapat gawin ng isang taong umiibig. Patikim lang at kinalaunan ay malilimutan din kung sakaling hindi mapabilang sa mga pinalad na makatuluyan ang kanilang minahal sa yugtong ito.
Kasunod ng unang tagumpay, nais kong makita muli ang unang taong minahal ko bukod sa aking pamilya. Dahil sa kaniya, natutunan kong hindi lang pala puro pag-ibig ang kailangan para magmahal. Kailangan ng tiyaga at oras dahil ang totoong pag-ibig ay hindi kailanman dapat madaliin. Nakakatawa na hindi nga ako naging isa mga taong pinalad na makatuluyan ang kanilang first love. Wala pala talagang laban ang swerte ng pito sa tadhanang tila ba ay nakasulat na para sa akin.
4:00-5:00 - First Heartbreak
Pagkatapos ng pinakaunang pag-ibig na hindi naging huli, pipiliin ko pa ring balikan ang sakit dahil iba ang hapdi ng sugat na hindi mo inaashang makuha. Naging ugali na nating mga Pinoy ang maghangad nang sobra. Tipong yung relasyong alam naman nating pang samantala ay pinipilit pa nating magtagal. Tayo ang humahanap ng sarili nating problema at tayo ang dahilan ng sarili nating pagkabasag.
Sa unang heartbreak mararamdaman ang unang sampal ng reyalidad na hindi lahat ng darating ay nakatadhanang manatili. Hindi man tayo habang-buhay na iibig at matututo, masasabi naman nating naranansan nating masaktan nang dahil sa pag-ibig. Hindi lang tao ang nakakapagpalungkot sa atin, pwede rin ang ating mga alaga na matagal na nating nakasama. Maraming dahilan para masaktan pero hindi ibig sabihin nito ay dapat na rin tayong tumigil sa pag-ibig.
Sa pagbabalik-tanaw ko sa eksenang ito, hindi lang puro iyak ang gusto kong makita. Gusto ko ring makita ang unti-unting panunumbalik ng aking sigla at ang tuluyang pag-usad palayo sa sakit na dinulot nito. Katapangan ang umalis at katapangan din ang pagbabalik-tanaw sa masasakit na bahagi ng ating buhay. Sa huling sandali ay nais kong alisin na ang hapdi ng mga sugat na hindi pa pala tuluyang naghihilom. Hindi pala sapat ang pag-usad upang makalimot.
5:00-6:00 - Happy Ending
Sa career, sa buhay, at kahit sa pag-ibig, iba-iba tayo ng happy ending. Nakikita ko na ‘yung akin sa isang malaking bahay sa probinsyang hindi gaano malayo sa Maynila—para malapit pa rin sa sibilisasyon, pero hindi gaanong malapit sa ingay ng siyudad para mapanatili pa rin ang katahimikan at kapayapaan sa paligid. Hindi na mahalaga kung may kasama, dagdag na lang ‘yun, dahil siguradong kakasya naman kami sa pangarap kong bahay.
Hindi na puro unang beses ang nais kong makita sa huling dalawang minuto ng sarili kong palabas. Nais ko nang makita ang lagay ng buhay ko matapos ang ilang dekadang pag-aaral at pagtatrabaho para mamuhay ng payapa at komportable. Natupad ba ang pangarap kong maging tanyag na manunulat? Nabigyan ko ba ng maayos na tahanan ang aking mga magulang? Masaya ba ako?
6:00-7:00 - Last Moments
Sa huling minuto, nais kong bumalik sa reyalidad. Nais kong makita ang mga taong umiiyak na nakapaligid sa akin kahit na nakapikit ang mga mata ko. Imbes na mga boses, ang kanilang iyak lamang ang manatili sa aking isipan. Gusto kong makita ang mga mukhang tumutumbas sa hikbi na naririnig ng aking tenga. Gusto kong makita at maramdaman ang bawat haplos ng kamay at mahihigpit na kapit sa aking braso. Gusto kong maramdaman ang lahat ng huli ultimo huling pagbulong at pagsamo na huwag muna akong umalis.
Isang minuto para sa kasalukuyan at anim na minuto para sa nakaraan. Mas mahaba ang oras para sa pagbabalik-tanaw dahil iba ang ligaya na idinulot nito sa aking buhay. Gustuhin ko mang pumanaw bitbit ang lahat ng masasayang alaala, nasa una ng aking listahan ang unang anim na parte ng huli kong palabas. Nais kong makita ang nangyari pagkatapos ng lahat ng sakit at kung nadala ba sa hinaharap ang mga aral na nakuha mula sa nakaraang karanasan. Natuto ba ako at natupad ko ba ang aking mga pangarap?
Kung matutupad ang huling hiling na masundan pa rin ng swerte ng pito hanggang sa aking huling hininga, ang hiling ko’y mapagbigyan na iyan ang makita sa huling beses na kayanin pa ng aking mga mata na makakita at ng aking utak na umintindi. Sa huling pagkakataon ay nais kong balikan ang mga unang beses na nagbukas sa mas maraming pinto at oportunidad. Nais kong maramdaman muli ang sakit at ligaya mula sa unang pag-ibig na kailanman ay hindi ko naging huli.
Para sa swerte ng pito na tila ba naging kaibigan ko na sa mga lumipas na taon, isa lamang ang aking nais hilingin: Bilang pamamaalam na regalo, ang hiling ko ay mabuhay sa mga alaalang hindi ko na masisilayan at mararamdaman muli.
Huling yakap at huling sulyap, sa wakas, kaya ko nang mamaalam.
Artikulo: Jolyn Audrey A. Madrilejos
Grapiks: Justine Ceniza







Comments