Katotohanang 'Di Masusupil: Baluyot at Brillante, naninindigan sa kabila ng subpoena
- The Communicator
 - 7 hours ago
 - 4 min read
 
Habang ang karamihan sa mga estudyante ay abala sa mga klase at proyekto, dalawang lider-estudyante mula sa Polytechnic University of the Philippines (PUP) ang nakatanggap ng dokumentong nagdulot ng pangamba—isang subpoena mula sa Philippine National Police–Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).

Noong Oktubre 7, natanggap ni Jacob Baluyot, third-year student ng Bachelor of Arts in Journalism (BAJ) at kasalukuyang National Chairperson ng Alyansa ng Kabataang Mamamahayag PUP (AKM PUP), ang isang subpoena mula sa PNP-CIDG na pirmado ni Police Major General Robert Alexander A. Morico II.
Ang dokumento ay nag-aatas sa kanya na humarap sa Camp BGen Rafael T. Crame, Quezon City, noong Oktubre 10, bilang bahagi ng imbestigasyon sa sinasabing “violent actions” sa naganap na Trillion Peso March sa Mendiola, Manila noong Setyembre 21.
Nasa gitna ng klase si Baluyot nang matanggap niya ang tawag mula sa kanyang ama. Ayon dito, dalawang kinatawan ng PNP ang bumisita sa kanilang tahanan, bitbit ang subpoena para sa kanya. Dahil sa pangamba, agad na dumulog si Baluyot at nakipagtulungan sa mga paralegal mula sa Defend PUP, kasama ang ilang alyansa mula sa National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), College Editors Guild of the Philippines (CEGP), at AKM.
Iginiit din ni Baluyot ang mga paratang na ibinabato ng PNP sa kanilang inilabas na press statement noong Oktubre 6, hinggil sa alegasyon na nagsasaad sa kanya bilang “leader” at may kaugnayan umano sa mga grupong nagdulot ng kaguluhan sa kilos-protesta noong Setyembre 21.
Dagdag pa niya, ang kanyang presensya sa naturang protesta ay bilang mamamahayag, hindi bilang tagapangasiwa ng kaguluhan.
Sa tulong ng kanyang legal counsel, tumanggi siyang humarap sa imbestigasyon ng PNP-CIDG dahil ito ay sumasailalim na sa custodial investigation, isang paglabag sa Article III, Section 12 ng 1987 Philippine Constitution.
“This Marcosian tactic with the instrumentation, siyempre, of the PNP and the CIDG further justifies the priority of Marcos Jr.’s government to witch-hunt youth leaders to justify the police intimidation and the police harassment that we face,” saad niya sa panayam ng The Communicator.
Bilang Associate Editor ng The Catalyst, naninindigan si Baluyot sa agarang pagpasa ng Campus Press Freedom Bill upang mapangalagaan ang kalayaan at seguridad ng mga kapwa estudyanteng mamamahayag.
“Primary reason natin ba’t tayo tumutunggali at mariing kumukondena sa corruption [ay] dahil ninanakaw nito yung mga bagay, yung pera, yung pondo na supposedly ay sumusuporta sa ating pag-aaral at pagkamit sa isang makamasang tipo ng edukasyon,” ani Baluyot.
Brillante dawit sa mga alegasyon
Makaraan ang ilang linggo, pormal namang nakatanggap ng subpoena noong Oktubre 22 si Tiffany Faith F. Brillante, fourth-year student ng Bachelor of Arts in Political Science (BAPS) at outgoing president ng PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM).
Ayon sa ulat, unang tinungo ng mga awtoridad ang lumang tirahan ni Brillante upang ibigay ang dokumento, kahit pa may Certificate of Non-Residence na ibinigay mula sa barangay. Muli pa rin silang bumalik upang iwan ang subpoena sa parehong lugar, dala ang mga litrato ni Brillante sa mga kilos-protestang kanyang dinaluhan.
Isa rin siya sa mga tinukoy na lider umano sa kaguluhan sa Mendiola. Ngunit sa kanyang tugon noong Oktubre 27, itinanggi ni Brillante ang mga paratang laban sa kanya.
“Malinaw na ito ay isang uri ng political retaliation laban sa mga anti-corruption advocates, at hindi malabo na ganito rin ang gawin nila sa ibang mga kabataang estudyante,” aniya.
Nakatakda ring humarap si Brillante noong Oktubre 27 sa Camp BGen Rafael T. Crame, Quezon City, ayon sa ipinadalang sulat ng PNP-CIDG. Sa kabila nito, tumanggi siyang dumalo sa payo ng kanyang mga paralegal at ng legal counsel na si Atty. Mark Vincent Lim mula sa Public Interest Law Center (PILC).
Nanindigan siyang ang kanyang presensya sa mga protesta ay bilang kinatawan ng mga estudyante, hindi bilang pinuno ng mga agresibong kilos na naganap. Patuloy pa rin siyang nananawagan laban sa panunupil sa mga tulad niyang lider-estudyante.
“Huwag maging kimi at huwag manahimik sa kabila ng nangyayaring kaliwa’t kanang atake sa ating demokratikong karapatan sa loob ng pamantasan at sa ating bansa. Dahil hindi ito ang panahon para umatras.”
Ang sinapit ng dalawang lider-estudyante ay sumasalamin sa patuloy na panunupil sa boses ng mga Iskolar ng Bayan na buong tapang na tumutuligsa sa korupsyon at katiwalian sa pamahalaan. Panawagan nila: Panahon na para managot at makulong ang mga kurakot sa gobyerno.
Bilang mga mulat na kabataan, isinusulong nila ang pagkakaroon ng dekalidad at sapat na pondo sa edukasyon—isang karapatang dapat ipinaglalaban. Sa bawat sigaw ng pagkakaisa, nananatiling buhay ang diwang makabayan sa kanilang puso bilang mga aktibista at tagapagtanggol ng katotohanan.
House Bill No. 5722
Bunga ng apat na subpoena na naipadala ng PNP-CIDG sa loob lamang ng isang buwan sa mga lider-estudyante ng iba’t ibang pamantasan, sina Kabataan Partylist Rep. Renee Co, ACT Teachers Rep. Antonio Tinio, at Gabriela Women’s Party Rep. Sarah Elago ay naghain ng House Bill No. 5722 noong Oktubre 30.
Layon ng panukala na alisan ng kapangyarihan ang PNP at CIDG na mag-isyu ng subpoena—isang kapangyarihang ipinagkaloob sa kanila sa ilalim ng Republic Act No. 10973 noong 2018, sa panahon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon sa mga mambabatas, mahalagang hakbang ito upang maiwasan ang paggamit ng batas laban sa mga kritikal na tinig ng kabataan at mga progresibong organisasyon.
Bagaman kapwa nakaranas ng red-tagging, cyberattacks, at death threats, patuloy na ipinaglalaban nina Baluyot at Brillante ang karapatan ng kabataan sa edukasyon, pamamahayag, at kalayaan sa pagpapahayag.
Sa kabila nito, ang pagiging lider-estudyante at mamamahayag ay hindi nagtatapos sa isang subpoena—ang kanilang layunin ay patuloy na isusulong bilang paninindigan para sa katotohanan at karapatan sa panahon ng panunupil.
Artikulo: Jannine Lagbawan
Grapiks: Ronalyn Hermosa








Comments