top of page

Kalagayang Panlipunan, Hindi Kawalang-Muwang

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 3 days ago
  • 5 min read

Matapos ang 2025 midterm elections, muling bumalot sa publiko ang kakarampot na tuwa, inis, at higit sa lahat, pagkadismaya. Sa social media, balita, at usapan sa kanto, mabilis na bumalik ang dating lintaya: “Kaya hindi umuunlad ang Pilipinas dahil sa napakaraming bobotante.” At sa gitna ng resulta kung saan muling nanalo ang mga kilalang apelyido—mga batikang trapo, anak, o kaalyado ng trapo—gaya ng inaasahan, ang sisi ay ibinabato sa karaniwang mamamayan: Sa tindera, sa construction worker, sa jeepney driver, sa mga taong hindi "marunong pumili nang maayos." Na para bang ang pagkabigo ng demokrasya ay dahil lamang sa kanilang maling boto.


Dibuho: Lara Denise Tinos
Dibuho: Lara Denise Tinos

Ngunit ito nga ba ang buong katotohanan? Sa ilalim ng mga insulto, may mas malaking tanong ang hindi natutugunan: Bakit tila laging taliwas sa interes ng bayan ang resulta ng halalan? Ignorante nga ba ang mga botante, o sadyang matagal nang pinagsasamantalahan ang mga Pilipino ng sistemang hindi kailanman dinisenyo para sa kanilang kapakanan?


Ang salitang "bobotante"—isang mapanglait na salitang pinagsama mula sa bobo at botante—ay tila ba naging pambansang libangan na ginagamit hindi para maayos na unawain ang naging resulta ng halalan ngunit maliitin, husgahan, at dungisan ang dangal ng mga kapwa botanteng Pilipino—lalo na ang mahihirap. Sa halip na ituring ang pagboto bilang anyo ng pag-asa o protesta, ginagawa itong kasalanan ng kamangmangan ng taumbayan. Ayon nga kay Eric Gutierrez, ang ganitong klaseng wika ay bahagi ng isang malupit na politics of humiliation—isang diskursong elitista na hindi naghahanap ng ugat kundi naghahanap ng masisisi at kukutyain.


Higit pa rito, ito ang masakit: tinatanggap ang salitang ito na para bang wala itong kaakibat na panganib. Sapagkat sa bawat pagbigkas ng insultong ito, pinapalalim lamang ang pagitan ng mga salitang "tama" sa at ng "nakakaintindi" sa "nauto." Ngunit sa isang bansang hindi maayos ang sistema ng edukasyon, saan nga ba ibinabatay ang panghuhusgang ito? Ano ang batayan na sinasabing hindi alam ng masa ang kanilang ginagawa, kung sila mismo ang araw-araw na nakararanas ng bunga ng mali at nabubulok na pamahalaan?


Ito ay kaso ng kalagayang panlipunan, hindi kawalang-muwang. May mga nagsasabing, “Ang boto ng mahihirap ay madaling bilhin.” Pero ang tanong: Bakit may kailangang tumanggap ng bayad para sa boto sa isang sistemang dapat ay malaya at makatarungan? Ayon sa pag-aaral ng Ateneo School of Government, bagama’t may mga tumatanggap ng pera sa panahon ng kampanya, hindi ito awtomatikong nangangahulugang susunod sila sa kagustuhan ng kandidato. Marami ang kumikilos ayon sa sariling lohika—kadalasan, tinatanggap ang ayuda dahil ito na lang ang natitirang benepisyo mula sa isang estadong bigong tumugon sa kanilang mga pangangailangan, ngunit pinipili pa rin nilang bumoto batay sa sarili nilang paniniwala. Ang tinatawag nating “boto ng masa” ay hindi simpleng kilos ng pagkakamali; ito ay kilos ng pagninilay sa gitna ng kawalan. Hindi ito kamangmangan—ito’y lohika ng nabubuhay sa sistemang mapang-abuso.


At kung may mga bumoboto man sa mga kandidatong kilala ng trapo o tiwali, hindi ito laging dahil sa suhol. Sa isang estadong patuloy ang pagkabigo sa pagbibigay ng batayang serbisyo—kalusugan, edukasyon, hanapbuhay—napipilitan ang ilan na umayon sa kung sino ang may “kakayahang tumulong,” kahit pansamantala. Hindi ito pagpili ng katiwalian—ito ay taktika ng mga nasa bingit ng kahirapan. Sa maraming lugar, may sindikato ng takot: na kapag hindi mo sinunod ang napagkasunduan o ang inendorso ng kapangyarihan, maaari kang pagbantaan, tanggalan ng ayuda, o tuluyang mawalan ng kabuhayan. Kaya’t ang pagboto sa ilalim ng ganitong kondisyon ay hindi kamangmangan kundi bunga ng takot, kahirapan, at kawalang-laya.


Dinadala nito ang masa sa isang nakatatakot na konsepto: Ang demokrasya sa bansa ay ilusyon lamang na madalas ipinalalabas na malaya at bukas. Ngunit sa likod ng bawat balota ay mga pangalang matagal nang nakaukit sa pader. Sa Kongreso, halos 80% ng mga mambabatas ay mula sa dinastiya. Sa mga lalawigan, ay mas malala pa rito—halos siyam sa 10 gobernador ay mula sa mga angkan ng may kapangyarihan. Hindi ito tsamba; ito ang disenyo ng sistema. Kung sino ang may matunog na apelyido, siya ang panalo.


Sa ganitong bulok na sistemang pampulitika, mas madali ang panlilinlang kapag kulang sa armas ng pag-unawa ang mamamayan. At ang kakulangang ito ay hindi lamang isyu ng mababang reading comprehension—ito ay resulta ng sistematikong pagkakait ng pampulitikang edukasyon. Ayon sa World Bank, siyam sa sampung batang Pilipino ay hirap umintindi ng binabasa. Ngunit ang mas malala, tinanggal ng Commission on Higher Education o CHED noong 2017 ang mga general education subjects sa kolehiyo gaya ng Filipino, Panitikan, at ang Saligang Batas—mga asignaturang sana’y nagpapalalim ng pagkaunawa sa demokrasya. Sa ilalim ng K–12, itinuturo ang Philippine politics halos eksklusibo sa HUMSS strand. Sa kolehiyo naman, wala ng sapat na espasyo para sa muling pagtalakay nito, kahit pa nasa edad na ng pagboto ang mga estudyante. Habang pinapabayaan ang edukasyon, bilyong piso naman ang inilalagak sa disimpormasyon. Sa ganyang kalakaran, paano aasahang magiging mulat ang elektorado?


Habang ipinapalaganap ang katagang "vote wisely,” anong pagkamapanuri ang maaasahan kung ang balita’y tsismis, ang plataporma’y meme, at ang katotohanan ay sinusukat sa dami ng likes? Sa midyang hawak ng iilang pamilya at social media na sinasakop ng disimpormasyon, ang katotohanan ay nauupos bago pa man marinig ng taumbayan. 


Ayon sa mga ulat, 88% ng mga Pilipino ay nalantad sa pekeng balita, at sa 2025 elections, 45% ng online diskurso’y pinalobo ng pekeng account. At sa hanay ng uring manggagawa—ang laging tinatawag na mga “walang alam”—ay wala nang oras para suriin ang plataporma ng mga kandidato. Para sa kanila, ang araw ng halalan ay tila pagsusulit na hindi man lang nila napaghanda. Kung sino ang kilala, sila ang naaalala. At kung ito ang realidad, paano natin maaasahang pipili sila ng tama, kung hindi nga kailanman malaya ang kanilang pagpili?


Kung ang layunin ay buwagin ang mapanlinlang na naratibong isinisisi sa mamamayan, kailangang gibain ang mga estrukturang nagpapatatag sa ilusyong ito. Kailangang agarang maipatupad na ang Anti-Dynasty Law. Kailangang gawing patas ang laban tuwing eleksyon—tanggalin ang monopolyong pinansyal sa kampanya. Bukod pa rito, mahalagang palakasin ang pampulitikang edukasyon sa bawat paaralan at komunidad. At higit sa lahat, kailangang tanggalin ang kontrol ng mga elite sa midya upang magbukas ng espasyo para sa kritikal at makabuluhang diskurso.


Sa halip na ipahiya ang mga kapwa botante, tulungan silang mas maintindihan ang kapangyarihang tangan ng kanilang boto. Suportahan ang mga kilusang nakikibaka para sa karapatang pang-edukasyon, ang mga independiyenteng kandidato, ang mga lider na hindi takot gibain ang nakasanayan upang magtayo ng bago at progresibong pamahalaan.


Sapagkat ang halalan ay hindi dapat maging sukatan ng intelihensya. Ito’y nararapat na maging karapatan ng isang mamamayan upang bumuo ng kinabukasan. Kung patuloy lamang kukutyain ang mga botanteng bumoboto ng mga trapong pulitiko, lalo lamang lilihis ang direksyon ng pakikibaka: ang bulok na sistemang nagpapatahimik sa boses ng nakararami upang mapanatili ang kapangyarihan ng iilan.


Hindi ignorante ang mga Pilipino. Hinubog lamang upang  manatiling alila ng sistemang nilikha para ipagsawalang-bahala ang kapangyarihan ng kanilang pasya.  Ang eleksyon ay hindi lamang laban ng kandidato sa kandidato—ito ay banggaan ng estrukturang mapang-api at taumbayang patuloy na binobola at inuuto.


Sa isang bansang kontrolado ng mga dinastiya, disimpormasyon, at desperasyon, ang bawat boto ng masa ay hindi kamangmangan kundi sigaw ng kaligtasan. Kaya’t kung pagbabago ang hangad, huwag kalabanin ang isa’t isa—kung hindi gibain ang sistemang paulit-ulit na nang-aapi, nangliligaw , at gumagawang pipi sa mga tinig na nais makalaya mula sa pagkakatanikala upang ipaglaban ang malayang kinabukasan.


Artikulo: Ariane Claire Galpao


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page