top of page

BAWAS KONSUMO O DAGDAG KONSUMISYON

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 6 minutes ago
  • 4 min read

Ginhawa man kung titingnan ang “Four-day workweek”, isa itong huwad na polisiya na nagdaragdag lamang ng konsumisyon sa pasanin ng masang Pilipinong apektado ng pagtaas ng presyo ng langis. 



Nitong Marso 9, pinag-utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pansamantalang pagpapatupad ng “four-day workweek”sa mga tanggapan ng executive branch, tulad ng mga nasyonal at lokal na ahensya, government-owned or -controlled corporations (GOCCs), constitutional bodies, at mga pambansang unibersidad at kolehiyo. Itinakda nito na gawing apat na araw na lamang ang onsite na pagpasok, mula Lunes hanggang Huwebes, habang work from home naman ang Biyernes.


Alinsunod ito sa pag-atake at pagpapakawala ng mga missile strike ng imperyalistang US-Israel sa Iran nitong Pebrero, na siyang nagdudulot ng pagkaantala sa mga produktong langis mula sa ibang bansa. Ito rin ang naging pangunahing dahilan ng mas mataas na presyo ng langis, enerhiya, at iba pang batayang produkto na siyang mas nagpapalala sa kahirapang dinaranas ng mga mamamayan. 


Bagama’t nilinaw ng Department of Energy (DOE) na sapat ang ating suplay ng langis hanggang sa katapusan ng Abril, hindi ito dapat maging dahilan upang tayo ay mapanatag. Sa gitna ng lumalalang tensyon sa Middle East, ang krisis na milya-milya ang layo ay ramdam na ramdam na sa ating mga bulsa. Ang banta nito sa Strait of Hormuz, kung saan dumaraan ang 20% ng suplay ng langis sa buong mundo, ay hindi lamang usapin ng pandaigdigang seguridad—ito ay direktang banta sa kumakalam na sikmura ng bawat Pilipino.


Sa pagsirit ng presyo ng langis,isang malupit na domino effect ang sumasagasa sa sambayanan: umaariba ang singil sa kuryente, nagmamahal ang pamasahe, at sumasabay sa pag-akyat ang presyo ng mga bilihin. Ang taya rito ay walang iba kundi ang masang Pilipino na magkukumahog muli sa pagbabanat ng buto para lamang makahabol sa nagliliparang gastusin. Ngunit, ang mga panukalang inihain ng Pangulo ay tila pakong mababaw ang pukpok na bigong ibsan ang bumibigat na pasanin ng masa.


Isang huwad na polisiya ang “four-day workweek” para sa mga ordinaryong manggagawang nasa ilalim ng “no work, no pay”, maging ang mga drayber na kumakayod sa araw-araw na mawawalan ng pasahero, mga nagtitinda sa loob at labas ng mga pamantasan o mga institusyon, mga ‘minimum wage earner’ at ang mga may kitang barya-barya. Dagdag pa na dahil inilipat sa “online set-up” ang mga trabaho at klase tuwing biyernes, diretsang apektado ang mga manggagawa, estudyante at kaguruan na kokonsumo sa kani-kanilang mga sariling kuryente na wala namang natatanggap na electricity fee mula sa kanilang mga kumpanya at institusyong pinapasukan. 


Pinapatay lamang nito ang kabuhayan ng maliliit na tsuper at manggagawa. 


Band-aid solution lamang ding maituturing ang programang “Pantawid Pasada”, kung saan makatatanggap ng P5,000 ang mga drayber dahil sa burukratikong proseso nito na hindi lahat ng pangalan ng mga drayber ay nasa masterlist dahilan upang hindi makatanggap ng nasabing subsidiya dagdag pa nito ang walang katiyakang susunod na ayuda para sa mga drayber.  Hindi rin sasapat ang limang libong piso kung ikukumpara sa presyo ng bilihin at sa nakabubuhay na sahod na P1,200 na dapat tinatamasa ng mga manggagawang Pilipino. 


Malinaw na hindi nito maiibsan ang problemang kinakaharap ng mga Pilipino, dumaragdag lamang ito sa konsumisyong dulot ng mga ganid na lider ng mga bansa at malalaking kumpanya ng langis.


Kung solusyon ang pagbabasehan, dapat lamang makinig sa hinaing ng taumbayan, lalo na sa matagal nang panawagan ng mga tsuper at konsumer na tanggalin ang 12% Value Added Tax (VAT), ang excise VAT at ibasura ang Downstream Oil Industry Deregulation Act of 1998 o OLD, na nagpapahintulot sa mga pribadong kumpanya ng langis na magtakda ng presyo ng langis sa bansa nang walang regulasyon ng pamahalaan. 


Sa kasalukuyan, humataw na sa mahigit P100 kada litro ang presyo ng diesel sa ilang mga gasolinahan at dahil sa proteksyon ng batas na ito, walang regulasyon ang mismong pamahalaan sa pagsasamantala ng mga internasyonal na kartel sa paghihirap ng mga Pilipino kung hindi nito uunahing ibasura ang OLD. Masasalamin din ito sa mga kita at tubo ng mga kumpanya ng langis tulad ng Petron na siyang nagtala ng 9.7 bilyong tubo sa dulo ng taong 2025. 


Ang krisis sa langis na pinaluluhod ang buong bansa ngayon ay isang manipestasyon ng mga palpak na panukala. Mula sa mga batas na hindi tinutugunan ang interest ng masa, hanggang sa pagiging car-centric ng lipunan natin kung saan mas marami pa ang mga pribadong sasakyan kaysa sa aksesableng pampublikong transportasyon, malinis na mga sidewalk, maging ligtas na bike lanes. Dapat na ring puspusin at palakasin ang paghahanap ng mga alternatibong pagkukuhanan ng enerhiya tulad ng mga renewable energy resources nang sa gayon hindi nalulumpo ang mga Pilipino sa tuwing may krisis sa silangan. 


Higit sa lahat, kailangang kondenahin ng gobyerno hindi lamang ang mga korap sa pamahalaan, kundi maging ang pag-atake ng US-Israel sa mga bansang may sariling soberanya upang hindi ang maliliit na bansang katulad ng Pilipinas ang naiiipit sa girian ng mga imperyalista. 


Sa huli, habang nagpapatuloy ang giyera sa silangan, mananatili ang hindi makataong singil sa langis at mga huwad na polisiya lamang ang ihahain sa taumbayan; Pilipino pa rin ang magdurusa. 


Hangga't pinipiling paglingkuran ng mga nasa ahensya ang interes ng mga naghaharing uri na kontrolado ang mga pribadong kumpanya ng langis, mananatiling matibay ang laksa-laksang hanay ng mga tsuper, manggagawa at komyuter sa bawat sulok ng lansangan patungong Malacañang upang kalampagin at singilin ang mga buwayang naglalagi sa trono na siyang para dapat sa mamamayan. 



Article: Roselle Ochobillo

Cartoonist: Kaiser Aaron Caya


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page