top of page

ICU: Iwasan ang Custody Unit

Writer: The Communicator
The Communicator
7 minutes ago
5 min read

Tila may nauusong hakbang ang ilang mga akusadong politiko bago sila tuluyang maaresto: ito’y maghanda ng mahabang listahan ng kung anu-anong sakit ang maaari nilang maramdaman, kasunod ng  paghahanap ng ospital kung saan may nakahandang kama upang mapagpahingahan. At hindi na bago ang ganitong pangyayari sa Pilipinas, imbis na sa custody unit ang diretso ng isang nasasakdal—sa ospital muna.



Ang bawat akusado ay may karapatan sa kanilang medikal na pangangailangan, ngunit may karapatan din ang taumbayan sa patas na proseso nito. Kaya kung ospital ang nagiging ruta upang hindi muna humarap sa kustodiya, dapat lang na magkaroon ng pagsusuri na nagpapatunay na agarang gamutan talaga ang kailangan; at hindi lamang ito pribilehiyong dulot ng kapangyarihan.


Ganito ang muling umeksena sa kaso ni dating House Speaker at Leyte 1st District Representative Martin Romualdez. Matatandaan na noong Setyembre 7, inihatid sa kaniya ang warrant of arrest habang siya ay naka-confine sa Cardinal Santos Medical Center sa San Juan City. Nakasaad sa warrant of arrest ang ₱7.4 bilyon na plunder case na may kinalaman sa umano’y kickbacks na natanggap ni Romualdez galing sa mga proyektong kontra-baha na isinampa ng Office of the Ombudsman.


Sa parehong araw, ilang oras lamang matapos inihain ang warrant of arrest laban kay Romualdez, lumabas din ang ulat tungkol sa iba’t ibang kondisyong medikal na iniinda ng akusado. Dalawang manifestation letter ang isinumite ng kaniyang kampo sa Sandiganbayan na naglalaman ng mga kondisyon gaya ng Hypertensive Atherosclerosis Cardiovascular Disease, Unstable Angina, Coronary Artery Disease, at iba pang kondisyong may kinalaman sa kaniyang kalusugan. Ginamit ito ng kaniyang kampo bilang batayan sa paghiling na manatili ang akusado sa ospital. 


Dahilan na lamang upang ang tanong na “kailan kaya siya haharap sa proseso ng batas?” ay naging “kailan kaya siya madidischarge?”


Bukod pa rito,  ayon naman kay Dr. Kurt Allen Sibayan, isang physician mula sa ospital kung saan dinala at nanatili si Romualdez. Sa parehong araw umano na isinugod ang akusado sa ospital, ay hindi siya nagkaroon ng pagkakataon na makita at puntahan ang pasyente sapagkat pinagbawalan di umano siya ng hospital “team manager” na si Dr. Rosalio Torres. Bunsod nito, mas  lalong umingay at naging usap-usapan kung ano ba talaga ang nangyari kay Romualdez sa araw na iyon.


Dahil sa pangyayari na nabanggit ni Sibayan, hindi maiiwasan ng iilan na ituring ang sitwasyong ito bilang isang anyo ng harap-harapang pananamantala sa sitwasyon, na nakapagdudulot ng pagkadismaya sa publiko na ang tanging hiling ay hustisya para sa mga naging biktima ng mga palpak na prokyektong kontra-baha. Gayong hindi na ito ang unang beses na nag-iba ng ruta at ginawang stopover ng mga makapangyarihang akusado ang ospital.


Ngayon, kung ang taong dapat na humarap sa batas ay kailangang manatili na nakahiga sa kama, paano natin masisiguro na patuloy na gumagalaw ang mismong proseso ng kaniyang pananagutan?


Sa kabilang banda, sa isang manifestation at urgent motion na inihain ng kampo ni Romualdez sa Sandiganbayan, hiniling ng kaniyang mga abogado na manatili ang akusado sa Cardinal Santos Medical Center hangga’t kinakailangan ang kaniyang confinement at maabisuhan siya ng mga doktor na maaari na siyang lumipat sa detention facility. Kasabay nito, iminungkahi rin ng kaniyang kampo ang isang custody at security protocol na nagsasaad ng tuloy-tuloy na pagbabantay, paghihigpit sa sinumang bibisita, at pagbabawal sa pag-alis o paglipat kay Romualdez nang walang pahintulot ng korte.


Ngunit iba ang naging tugon ng Sandiganbayan sa hiling ng kampo ni Romualdez. Ayon kay 3rd Division Clerk of Court Dennis Pluma, “If there are concerns regarding the accused’s medical condition, it is only the court that can determine whether such condition affects the implementation of the warrant.” Nabanggit din ni Pluma na kailangang maayos na maidokumento at maiharap sa korte ang anumang medikal na usapin. “Until the Court orders otherwise, the warrant remains in force and must be implemented,” dagdag niya.


Binigyang diin din ng Office of the Ombudsman ang pagtutol nito sa naturang kahilingan ng kampo ni Romualdez. “There's nothing here that says that the patient requires confinement.” ani Deputy Special Prosecutor Omar Sagadal noong Setyembre 10. Nais ng panig ng Office of the Ombudsman na magkaroon ng pagtataya mula sa pangkat ng government doctors; para pangunahan ang pagsusuri kung talaga bang kailangan pang manatili ng akusado sa ospital.


Parehong punto ang binitawan ni Sandiganbayan Third Division chairperson Associate Justice Karl Miranda, “The letter dated September 13 of the Philippine General Hospital (PGH), as well as the testimony of Dr. Legaspi, provides that accused Romualdez no longer requires a continued stay in an acute care hospital.” Ito ay batay sa resulta na inilabas ng University of the Philippines-Philippine General Hospital (UP-PGH), at sa testimonya ng direktor nitong si Dr. Gerardo Legaspi. 


Hindi rin pinalampas ni Miranda ang mas malawak na usapin tungkol sa kalagayan ng iba pang Persons Deprived of Liberty (PDLs), na maaaring mas nangangailangan ng atensyong medikal. “I can tell you now that there are many more, maraming, maraming PDLs that have worse medical conditions compared to Congressman Romualdez,” ani Miranda.


Kaugnay nito, matatandaan na noong 2021 iniulat ng Bureau of Corrections (BuCor) na 1,166 ang namatay sa correctional facility na ayon sa Commission on Human Rights (CHR) ay pinakamataas na bilang sa loob ng 32 taon. Kabilang sa mga pangungahing sanhi ay katandaan at mga karamdaman. At sa ganitong sitwasyon, lalong nagiging mahalaga ang tanong kung pantay ba at makatarungan ang pagtingin sa pangangailangang medikal. 


Sa umiiral na ganitong klase ng pananagutan, nauumay na rin ang taumbayan sa ilang beses na pagbagal ng proseso nito. Hindi naman sinasabi rito na walang karapatan na magpagamot ang isang akusado. Ngunit hindi rin dapat na tanging ang karamdaman lamang ang gawing basehan upang maantala ang proseso gayong wala naman natalang masusing pagsusuri. 


Sapagkat kung may pagkakataong ang warrant of arrest ay nasusundan ng medical report, marahil kailangan na masagot kung talaga bang patas, at para kanino ba talaga ang sistemang ito? Lalo na at mistulang ang may kapangyarihan ay tila may mas madaling daan palabas ng kustodiya.


Kung ating babalikan, hindi nalalayo ang kaso ni  Romualdez kay Sen. Jinggoy Estrada, na noon ay nasa kustodiya ng Quezon City Jail kaugnay ng kinakaharap na kasong plunder. Matatandaang nagkaroon umano ng problema sa kaniyang tuhod nang magtungo siya sa Cardinal Santos Medical Center para sa isang check up—ang mismong ospital kung saan ay naka-confine si Romualdez.


Noong 2011 naman, nangyari din ang katulad na sitwasyon kay dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, nang inihatid sa kaniya ang warrant of arrest habang siya ay nananatili sa St. Luke's Medical Center. Pinagayan siyang manatili roon sa ilalim ng hospital arrest dahil sa kaniyang kondisyon, matapos sabihin ng kaniyang kampo na kailangan niya ng pangangalaga para sa kaniyang kalagayan. 


Naging maingay ang nangyari noon kay Arroyo dahil kinuwestyon ng mga awtoridad kung kinakailangan ba niyang manatili sa ospital. “There is nothing in her medical abstract stating that her condition was worse at the time she asked for an allow-departure order. That’s why I denied it,” ani dating Department of Justice (DOJ) Secretary Leila De Lima sa isang panayam  patungkol sa naging kondisyon ni Arroyo.


Maaaring magkakaiba ang mga kaso at karamdaman na iniuugnay sa kanila, ngunit kapansin-pansin ang pamilyar na pangyayari—kapag kumatok na ang kamay ng batas, tila biglang nagiging kanlungan ang ospital.


Gaya ng nabanggit ng Office of the Ombudsman, masusi at maingat na pagsusuri sa mga may karamdaman na akusado ang kinakailangan upang matiyak ang patas na pagtrato sa mga ito—kung nararapat bang manatili at magpahinga sa isang ospital, o nasa maayos namang kalusugan at naaayon ang kalagayan para harapin ang proseso gaya ng ibang nasasakdal.


Marapat  na ugatin ang mga pangyayaring nakapaligid sa kanilang pagka-ospital, kung ano ang mga naging batayan ng mga resulta. Dahil kung tutuusin, kapag pera ng taumbayan ang pinaguusapan, tila napakalakas at napakatatag ng mga makapangyarihan; ngunit kapag panahon na upang humarap sa batas at pananagutan sa mga alegasyong ibinabato sa kanila, bigla silang nagiging marupok at walang kakayahan na kumilos. 


Malinaw na hindi sakit ang dapat maging sukatan ng pananagutan, kundi ang patas na pagpapatakbo ng batas. Sapagkat ang hustiyang nakayuko sa harap ng kapangyarihan ay hindi nakapagbibigay ng hustisya para sa lahat.


Ang ospital ay kanlungan para sa mga kailangan ng lunas—hindi para sa mga umiiwas.


Artikulo: Ashley Ibañez

Dibuho: Kaiser

Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page