top of page

HITODA drivers, hinuli ng MTPB; mga estudyante sa PUP, nagprotesta

38 minutes ago
3 min read

STA. MESA, MANILA — Humigit-kumulang 70 miyembro ng Hipodromo Tricycle Drivers Association (HITODA) sa Pureza Street ang hinuli at pinagmulta ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) nitong Biyernes, Oktubre 17, dahil sa hindi pagpapaskil ng opisyal na fare matrix at kawalan ng permit sa pamamasada.


Bilang pagkondena sa sinapit ng mga drayber, nagprotesta nitong Sabado, Oktubre 18, ang mga progresibong estudyante ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) mula sa loob ng pamantasan patungo sa harap ng Dali Pureza.


Sa panayam ng The Communicator kay HITODA President Tomas Miranda, ipinaliwanag niyang nag-ugat ang hulihan sa hindi pagkakabit ng opisyal na taripa sa ilang unit at kawalan ng Motorized Tricycle Operator's Permit (MTOP) ng dalawa sa kanilang mga miyembro. Paglalahad niya, itinali ng mga enforcer ng MTPB ang ilang tricycle na nakaparada sa Pureza sa kanilang van gamit ang lubid upang dalhin sa himpilan nito sa Central Market.


Batay sa Section 31 ng Manila Tri-wheel Vehicle Ordinance of 2012, dapat nakapaskil sa loob ng unit ang fare matrix kung saan agad itong makikita ng mga pasahero.


Kalaunan, nagtakda ang City Ordinance No. 8979 noong 2023 ng bagong opisyal na flat rate para sa unang kilometro ng biyahe sa tricycle at pedicab: ₱16 sa regular na pasahero at ₱13 sa mga estudyante, senior citizen, at persons with disability.


Larawan 1. Polyeto ng ng fare matrix na ipinag-uutos na ipaskil sa loob ng bawat tricycle 


Giit ni Miranda, “dapat hindi na sila nanghuli nang ganun, dapat ako na lang kinausap…kaso nga lang, 'yon na nga pinaka-ano nila na wala daw ganito [nakapaskil na fare matrix].” Samantala, hindi aniya nagtaas ng singil sa pamasahe ang asosasyon noong 2023 dahil sa pagkonsidera sa mayorya ng kanilang mga pasahero na mga estudyante. Nitong Oktubre 1 lamang nang magdesisyon silang itaas sa ₱12 ang pasahe mula sa dating ₱10, matapos timbangin ang parehong kapakanan ng mga drayber at komyuter sa gitna ng pagsirit sa presyo ng petrolyo. "Naaawa naman ako sa mga estudyante na mga bata. Kaya hindi ko pinatupad 'yan [₱13-₱16]. Para kahit papaano 'yong mga estudyante namin nakakabawas sila [sa gastusin]," saad ni Miranda.


Nakabalik din aniya sa pamamasada ang mga drayber pagsapit ng tanghali sa pagtutulungan na mabayaran ang multang ₱500 sa bawat unit na walang nakapaskil na taripa at ₱1,000 sa bawat unit na walang permit.


Ayon kay Miranda, nag-ugat ang operasyon ng MTPB matapos maghain ng sumbong sa ahensya ang isang lokal na residente matapos ang taas-pasahe. Gayunpaman, mananatili aniya sa ₱12 ang singil sa bawat pasahero sa rutang Pureza hanggang PUP Main at pabalik; ₱20 sa PUP hanggang El Pueblo, Maui, o Futura; ₱20 sa PUP hanggang Jasmin o Graduate School; at ₱60 naman para sa special trip.

Kasalukuyang mayroong 132 miyembro ang HITODA na nakabase sa kahabaan ng Pureza, mula sa harap ng Dali Grocery Store hanggang sa PUP College of Engineering and Architecture (CEA), pati na rin sa labas ng PUP Main Campus.

Samantala, matalim namang kinalampag ng mga estudyante ang pamahalaang lungsod at ang MTPB sa ginanap na protesta.


"Dahil sa konsiderasyon ng ating mga tricycle driver na mayorya ng sumasakay ay mga estudyante, ₱12 po ang kanilang in-implement—malayong-malayo doon sa nakabubuhay na ₱16. Tapos itong kapulisan at enforcer ng Maynila, ang kapal ng apog para pagdadamputin ang mga tricycle driver natin," ani PUP Student Regent JP Azusano.

Bukod sa pagkondena sa ginawang panghuhuli, itinampok din ng mga estudyante sa protesta ang iba pang panawagan gaya ng pagpapatupad ng rollback sa presyo ng langis, at pagbabasura sa Oil Deregulation Law at Value-Added Tax (VAT) sa petrolyo.

Sinubukan ng The Communicator na makuha ang panig ng MTPB, ngunit wala pa rin silang tugon sa oras na ito. 


Artikulo: Rhada Amarila

Grapiks: Justine Ceniza

Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page