top of page

Pandarahas ng QCPD vs midya sa DAR protest, kinalampag ng media groups; 3 pulis, sasampahan ng reklamo

4 minutes ago
3 min read

10 araw matapos maganap ang naiulat na pandarahas sa mga miyembro ng midya sa kilos-protesta ng mga magsasaka noong Oktubre 19, magsasampa ang National Police Commission (NAPOLCOM) ng motu proprio administrative complaint laban sa tatlong kawani ng Quezon City Police District (QCPD).



Sa inilabas na pahayag ng komisyon nitong Oktubre 29, natapos na nito ang paunang fact-finding process upang irekomenda ang pormal na administrative charges laban sa tatlong natukoy na pulis.


Kasunod ito ng agarang pangangalampag ng media groups para sa mga nasaktang mamamahayag, kabilang ang Bulatlat reporter at dating kampus mamamahayag ng The Communicator na si Aaron Ernest Cruz, isang intern sa AlterMidya Network, at community journalist mula sa Far Eastern University na si Robie Matias.


Naganap ang insidente sa labas ng Department of Agrarian Reform (DAR) - Central Office sa kahabaan ng Elliptical Road kung saan nagkokober ang mga peryodista nang masangkot sa pamimisikal at pananakit ng mga pulis.


Pangha-harass sa midya


Naganap ang insidente kay Matias alas-12:34 ng tanghali nang buwagin ng pulisya ang kampuhan ng mga magsasaka, ayon sa pahayag ng College Editors Guild of the Philippines (CEGP). 


“...[P]ilit pong idiniin ng pulis ang paa niya sa akin,” komento ni Matias sa bidyong ipinost ng Matanglawin Ateneo, isang pahayagang pangkampus. 


Muling sumiklab ang gulo alas-5:00 ng hapon kung saan si Cruz naman ang nasangkot sa marahas na insidente sa bidyong kuha ng CEGP. Naiulat na nagkapunit-punit ang kaniyang damit, nawala ang bag, at paulit-ulit siyang siniko ng mga pulis.  


Sa kaniyang panayam sa Rappler, sinabi ni Cruz na nakatakas lamang siya matapos siyang hilahin ng isang paralegal palayo sa gulo. Batay sa kaniyang medico-legal, nagtamo siya ng sugat sa kanang kilay at mga galos.


Mariin din niyang kinondena ang patuloy na panggigipit at karahasan ng mga puwersa ng estado sa mga mamamahayag at nanawagan ng pormal na pananagot ukol dito.


Ayon sa Tanggol Magsasaka, umabot sa 28 ang sugatan, kabilang si Cruz at ilang mga tagapagtaguyod ng karapatan ng mga magsasaka.  


Depensa ng QCPD sa kanilang Facebook post noong Oktubre 20, humantong sa gulo ang mainit na sagutan nang magbitiw umano ng masasamang salita at manipa si Cruz.


Giit pa ng pulisya, nagpatupad sila ng maximum tolerance at nasugatan din ang kanilang hanay sa girian. Patuloy din nilang iimbestigahan ang pangyayari upang matukoy ang mga detalye ng insidente.


Tindig ng Bulatlat, media groups


Pinasinungalingan ng Bulatlat ang mga alegasyon ng QCPD at sinabing bagamat walang pinangalanan ang pulisya sa kanilang pahayag, maliwanag na pinili pa nitong isisi kay Cruz ang insidente.


“It appears that the QCPD is violating the Philippine National Police’s own regulations in dealing with the media,” giit ng network, habang idiniing hindi sila titigil sa panawagan hangga't hindi napapanagot ang mga sangkot.


Nakiisa rin ang CEGP at National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa Bulatlat sa pagkondena at nanawagan sa Commission on Human Rights (CHR) na imbestigahan ang insidente upang mapanagot ang mga sangkot na pulis.


Mga inilunsad na imbestigasyon


Noong Oktubre 22, inilahad ng CHR na nagsagawa sila ng Quick Response Operation sa mismong araw ng insidente at nagkasa na rin ng motu proprio (sariling inisyatiba) na imbestigasyon.


Sa panig ng pamahalaang lungsod ng Quezon, naipagkaloob nitong Oktubre 30 ang summons sa mga inirereklamong pulis na binigyan ng pitong araw upang tumugon.


Isang hindi pinangalanang mamamahayag na nakasaksi sa insidente ang naghain ng ‘Manifestation in lieu of a Complaint’ upang ipaabot ang kagustuhang tumayo bilang testigo sa kaso.


Kasunod ito ng paghahain ng reklamong administratibo ng mga sangkot na organisasyon sa Quezon City People’s Law Enforcement Board (QCPLEB) matapos mag-utos ng sariling imbestigasyon si Quezon City Mayor Joy Belmonte noong Oktubre 20.


‘Not the first time’



Inalala din ng NUJP sa kanilang pahayag noong Oktubre 19 ang iba pang mga kaso ng pananakit at panggigipit ng mga pulis sa mga peryodista. 


Nitong Hulyo 26, tinangkang dakpin ang mga photojournalist na sina Bullit Marquez at Rene Dilan habang nag-uulat sa isang protesta sa Pasay City.


Noong Setyembre 21, 2025, inulat din ng ilang mamamahayag na sila ay sinaktan, hinarang, at naapektuhan ng tear gas habang nagkokober sa malawakang protesta kontra-korapsyon.


Kasunod nito, inisyuhan ng subpoena ng Philippine National Police - Criminal Investigation and Detection Group at pinuntahan sa tahanan ang PUP student journalist na si Jacob Baluyot matapos iugnay sa mga umano’y marahas na grupo sa protesta, sa kabila ng kaniyang paninindigan na dumalo siya bilang peryodista.


Bagamat ibinasura nitong Abril ng Quezon City Regional Trial Court ang petisyong indirect contempt laban kay Baluyot kaugnay ng kasong sedition at inciting to sedition na isinampa noong Enero, wala pang pinal na petsa ang korte para sa susunod na pagdinig sa iba pa niyang kinahaharap na reklamo.


“How many more journalists must be harassed or hurt before the police are held accountable?” giit ng NUJP.


Article: Khloe Recreo at Mark Jay Tarrobago

Graphics: Justine Ceniza


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page