Expressway o Stress-way: Ano ang sasagasaan ng SALEX?
Ganito pala sa Maynila: maingay, mausok, at may higanteng flyover na haharang sa langit at lulunod sa mga dantaong pamana ng siyudad.

Mabilisang biyahe ang pangakong ibinebenta ng San Miguel Corporation (SMC) Infrastructure sa kanilang 40.65-kilometrong Southern Access Link Expressway (SALEX). Sa disenyo, pagdudugtungin nito ang Skyway Stage 3, Quirino Avenue, Buendia, Roxas Boulevard, at ang mga baybayin ng Manila Bay.
Sa ilalim ng kasunduang Public-Private Partnership (PPP), layunin ng ₱152.39B na proyektong ito na latagan ng mga expressway ang kalunsuran upang pag-ugnayin ang iba’t ibang bahagi ng Kalakhang Maynila patungong Cavite at Batangas.
Subalit sa likod ng konsepto ng kabawasan sa trapiko at “kaginhawahaan” nito bilang alternatibong ruta, umuusok ang pagtutol mula sa iba’t ibang mga sektor. Sa pagtatayo ng SALEX, masasagasaan ang kasaysayan, kalikasan, kalusugan, at Kamaynilaan.
Kasaysayang binabaklas
Pumapatak ang usapin sa SALEX kasabay ng paggunita sa Museums and Galleries Month ngayong Oktubre. Sa panahong binibigyang-diin ang kahalagahan ng pangangalaga sa sining, arkitektura, at kasaysayan, tahasang sumasalungat ang dambuhalang elevated expressway sa Historic Core ng Maynila.
Ayon sa heritage mapping ng grupong Manileños for Heritage (M4H), tinatayang aabot sa 50 historic structures at heritage sites ang masasagasaan ng SALEX sa kahabaan ng Paco, Malate, Ermita, at Roxas Boulevard.
Sa ilalim ng Republic Act No. 10066 o ang National Cultural Heritage Act of 2009, itinuturing na protektado ang mga estrukturang may edad na 50 taon pataas bilang Important Cultural Property (ICP) maliban na lamang kung may deklarasyon ang pamahalaan na taliwas dito.
Kabilang sa mga pangunahing pook na tinukoy na masasagasaan ng SALEX ang mga sumusunod:
Paco Park: Isang 19th-century Spanish colonial municipal cemetery na naging unang libingan ni Jose Rizal at ng GomBurZa bago naging pampublikong parke.
Malate Church (Our Lady of Remedies Parish): Isang centuries-old church na saksi sa Battle of Manila noong 1762 at sa pananalasa ng World War II.
Fort San Antonio Abad: Isang makasaysayang Spanish colonial-era military fortification na nakasaksi ng Seven Years’ War (1764), Battle of Malate (1898), at World War II.
Elpidio Quirino Monument: Isang public monument para sa dating pangulo sa kahabaan ng Rotonda.
Casa Tesoro at Jose P. Laurel Foundation Building: Mga heritage commercial at institutional structures na nagtataglay ng architectural at political significance sa Paco at Ermita.
UP Manila at Philippine General Hospital (PGH) Grounds: Makasaysayang sentro ng medical at academic training sa bansa na naglalaman ng mga protektadong pre-war buildings.
Cultural Center of the Philippines (CCP) Complex: Pambansang institusyon ng sining at kultura na idinisenyo ng National Artist for Architecture na si Leandro Locsin.
Supreme Court at Department of Justice (DOJ): Mga key judicial at legal institutions na nagtataglay ng historic pre-war at post-war neoclassical architecture.
Ramon Magsaysay Center: Isang iconic mid-century modern architectural landmark sa Roxas Boulevard na ipinangalan sa dating pangulo.
Adamson University at St. Vincent de Paul Parish: Makasaysayang educational at religious grounds sa kahabaan ng San Marcelino.
Para sa mga heritage advocate, dalawang pangunahing banta ang kinakaharap ng mga pook na ito. Una, ang structural vibration mula sa malawakang paghuhukay ng lupa at tuloy-tuloy na mabigat na daloy ng trapiko sa viaduct ay maaaring magdulot ng bitak sa mga lumang pader na gawa sa adobe at apog, gayundin sa mga estrukturang yari sa lumang kahoy na hindi sumailalim sa modern seismic engineering. Ikalawa, ang pagkasira ng visual corridors dulot ng visual blight o ang pagtatayo ng makakapal na concrete slabs ay maaaring humarang sa sikat ng araw at sa natatanging tanawin ng paglubog ng araw sa Manila Bay.
Kalikasang kinakalbo
Kamakailan lang, hindi bababa sa 617 mature trees sa kahabaan ng Quirino Avenue ang pinutol o minarkahan para sa SALEX Quirino Extension.
Ayon sa mga kontraktor, gagamit sila ng earth-balling kung saan huhukayin at ililipat ang puno sa ibang lokasyon upang maiwasan ang tuluyang pagpatay sa mga ito.
Ngunit para sa mga eksperto, napakababa ng survival rate ng dantaong punong binubunot sa pamamagitan ng earth-balling, dahilan upang ituring ito ng mga environmental groups bilang tahasang pagkakalbo sa natitirang green canopy ng lungsod. Direktang pinalalala ng pagkalbong ito ang urban heat island effect sa panahong pumapalo na sa 42 hanggang 45 degrees Celsius ang heat index sa kalakhang Maynila.
Pinalalaki rin nito ang banta ng pagbaha. Isang mababang alluvial plain at natural flood basin ang Maynila na sumasalo sa agos ng tubig-ulan bago ito makarating patungong Manila Bay. Ang malalalim na ugat mula sa mga dantaong puno ang nagsisilbing natural sponge na humihigop sa ulan. Sa oras na sementuhin at takpan ng isang kongkretong hindi tinatagusan ng tubig ang lupa, batay sa mga hazard assessment sa lungsod, maaaring lumubog sa baha ang hanggang 40 porsyento ng road network ng lungsod.
Higit na nakakabahala ang proseso ng proyekto sa mga pamantayang pangkapaligiran. Bagama’t isang 40.65-kilometer network na nagkakahalaga ng ₱152 bilyon ang SALEX, lumalabas sa ulat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na hinati-hati ang proyekto sa magkakahiwalay na bahagi.
Sa halip na sumailalim sa masusing Environmental Impact Statement (EIS) na kinabibilangan ng pagtukoy sa mga isyung dapat saklawin ng pag-aaral kaugnay ng proyekto at pagsusuri ng mga eksperto, pinroseso ng Environmental Management Bureau (EMB) ang tatlong magkakahiwalay na Environmental Compliance Certificates (ECCs) noong 2025 gamit lamang ang Initial Environmental Examination (IEE) Checklist.
Lumitaw din sa mga monitoring report ng Philippine National Construction Corporation (PNCC) na may isinagawa ng paunang gawaing konstruksyon tulad ng bored piles at column works sa R10 sa Tondo, Maynila noon pang Pebrero 2025, dalawang buwan bago opisyal na inilabas ang kaukulang ECC.
Kalusugang nilalason
May posibilidad din na makaapekto sa kalusugan ang proyekto. Sa ilalim ng dambuhalang viaduct, nagbabadya ang tinatawag sa urban planning na street-level decay dahil sa elevated expressway na humaharang sa sikat ng araw at natural na sirkulasyon ng hangin.
Dahil dito, lumilikha ito ng street canyon effect kung saan naiipon sa kalsada ang nakalalasong carbon monoxide, nitrogen dioxide, at particulate matter (PM2.5) mula sa tambutso, preno, at pudpod na gulong mula sa mga dumadaang sasakyan.
Ayon sa pag-aaral, hindi nakaliligtas maging ang mga motorista sa ibabaw ng expressway dahil tatlo hanggang sampung beses na mas mataas ang konsentrasyon ng nakalalasong aerosol sa loob mismo ng kanilang mga sasakyan kaysa sa background air levels.
Napakabigat ng singil ng maruming hangin sa bansa. Ayon sa datos na sinipi ng parehong pag-aaral, pumapalo sa ₱2.32 trilyon hanggang ₱4.5 trilyon taon-taon ang kabuuang economic cost ng air pollution sa Pilipinas.
Higit pa sa hangin, nagdudulot ang viaduct ng mapanganib na environmental noise pollution. Ang tuloy-tuloy na ugong at kalabog ng mga rumaragasang sasakyan ay nagdudulot ng chronic stress, pamamaga ng mga daluyan ng dugo, vascular dysfunction, pagkasira ng tulog, altapresyon, at mas mataas na peligro ng diabetes.
Direkta ring tinatamaan ng proyekto ang ilang mga pamantasan. Sa kahabaan pa lamang ng San Marcelino Street, tinatayang 57,000 mag-aaral mula sa Adamson University, Emilio Aguinaldo College (EAC), Philippine Normal University (PNU), at Technological University of the Philippines (TUP) ang direktang maaapektuhan.
Bukod sa alikabok at ingay ng konstruksyon, kakaharapin nila ang patuloy na traffic noise na sumisira sa konsentrasyon sa klase, pati na ang banta ng road crashes mula sa mabibigat na sasakyan.
Kamaynilaang isasakripisyo
Bumabangga ang proyekto sa pinakapundamental na konsepto ng transport economics: ang induced demand, kung saan ang pagdadagdag o pagpapalapad ng expressway ay hindi lumulutas sa trapiko, kundi humihikayat lamang sa mas maraming tao na gumamit ng sariling sasakyan hanggang sa muling mapuno at bumara ang kalsada.
Ang pagdaragdag ng road capacity para sa mga pribadong sasakyan nang walang kaakibat na mass transit ay panandaliang lunas lamang. Sa loob ng tatlo hanggang limang taon, aakitin lamang ng bagong flyover ang mas maraming kotse hanggang sa muling magbara ang trapiko.
Nasa ugat ng krisis na ito ang matinding structural inequity. Sa bansa, anim na porsyento lamang ng mga kabahayan ang nagmamay-ari ng pribadong sasakyan na may kakayahang magbayad ng mahal na toll fees.
Samantala, 94 porsyento ng populasyon ang umaasa sa patuloy na mabagal at bulok na pampublikong transportasyon. Sila rin ang mayoryang iniiwan sa madilim, binabaha, at maruming espasyo sa ilalim ng expressway.
Sa ilalim ng Supplemental Toll Operation Agreement (STOA), inaprubahan ng Toll Regulatory Board (TRB) ang SALEX noong Hunyo 2022 bilang "mere extension" ng SLEX sa halip na ituring itong bagong mega-project na may 40 kilometrong haba.
Dahil sa STOA loophole, naiwasan ng proyekto ang bukas at mahigpit na competitive bidding, gayundin ang masusing pagsusuri ng Investment Coordination Committee (ICC) para sa mga proyektong lumalagpas sa ₱5 bilyon.
Bahagi ito ng duopoly kung saan ang San Miguel Corporation (₱1.2 trilyon) at Metro Pacific (₱482 bilyon) ang may hawak sa halos 79 porsyento ng buong pipeline ng mga expressway sa bansa.
Habang ang mga lungsod tulad ng Seoul, Boston, at San Francisco ay nagbabaklas na ng kanilang elevated highways upang ibalik ang mga ilog at protektahan ang heritage, patuloy namang nagtatambak ng semento ang Maynila.
Ang tunay na modernisasyon ay sumusukat sa kakayahan ng estadong maglatag ng inclusive mass transit, magpanatili ng luntiang mga espasyo, at magpanatili sa mga pook-kasaysayan, hindi ang pagbabaon sa mamamayan sa ilalim ng dambuhalang stressway.
#
Article: John David Parol
Graphics/Illustrations: Justine Ceniza





Comments