Hapag ng Hikahos: Ang Gutom sa Likod ng Kasaganahan
- The Communicator
- 3 minutes ago
- 3 min read
Sa mesa, sa ibabaw ng makukulay na mantel nito, ay nakadambana ang samu’t saring putahe: mga luntiang gulay, ang umuusok na kaning puti, at mga karneng nalulunod sa sarsa. Nag-aagawan ang mga pinaghalong amoy ng pagkain sa hangin. Bawat subo ay puno ng papuri, ngunit sa bawat nguya ay may mapait na panlasa ang hindi napapansin—ang lasa ng tuyong lupa at alat ng pawis.

Bahagi ng kulturang Pilipino ang paghahanda sa pista, kaarawan, kasal, at iba pang okasyon. Minsan ay kahit sa simpleng salo-salo sa bahay o ‘di kaya’y nasa de-aircon at mamahaling restaurant, hindi mawawala ang mga nakagawiang pagkaing Pilipino. Tila ba naging simbolo na ito ng masaya at marangyang pagsasalo-salo.
Pero kasama rin ba sa kagawian ng mga Pilipino ang pagiging makakalimutin? Baka.
Madalas nating makalimutan kung sino ba ang nagpapakain sa masa. Sino ba ang nasa likod ng masaganang hapag-kainan na pinagsaluhan ng mga taong hindi man lang alam ang amoy ng basang lupa. Habang may mga taong nagpapasasa sa bawat butil na isinusubo, may mga balat namang sunog sa ilalim ng tirik na araw ngunit ang sikmura’y walang laman.
Ito ang mapait na katotohanan sa paglunok: lugmok ang sistema sa agrikultura—kung sino pa ang umaani, siya pang walang maihain sa hapag; kung sino pa ang nagbubungkal, siya pang walang sariling lupang matapakan at ang mga magsasaka na ginugol ang buhay sa bukirin ay tila estranghero sa sariling anihan.
At sa kabila nito, marami pa rin ang nakalilimot….
Sa Gitna ng Kasaganahan
Maaalalang nangako noong tumatakbo ng pagka-presidente ang ngayo’y Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gagawing bente pesos ang kada kilo ng bigas. Ilang buwan matapos siyang maupo, personal niyang inamin sa panayam kay Toni Gonzaga mula sa programa nitong Toni Talks na, “it's not realistic.”
Hanggang ngayon ay nakapako sa mga suliranin ang mga magsasaka. Dagdag pa rito ang patuloy na pagtaas ng presyo ng langis na higit pang nagpapababa sa kanilang kita na umaani lang ng sapat.
Sa patuloy na paglubog ng agrikultura, mistulang libingan ang lupang imbes na palay ay gutom ang inaani. Isang sampal sa ating nasyon na ang mga nagtatanim ang isa sa pinakamahirap na sektor sa bansa. At sa kabila ng ating likas na yaman ay maraming pamilyang Pilipino ang nakararanas ng gutom.
Ang problemang ito, kasabay ng tumataas na bilihin, ang rason kung bakit mahalaga sa taumbayan ang usapin ng pagkain sa Pilipinas. Kaya mapapansin na tuwing halalan ay gamit na gamit ang isyu ng food security sa mga adbokasiya. Tulad na lamang noong eleksyon 2025, kung saan tinatayang 90% ng mga botante ang mas pabor sa pagboto ng mga kandidatong ang adbokasiya ay agrikultura at seguridad sa pagkain.
Patunay ito na sa gitna ng pangako na kasaganahan, may mga tao pa ring umaasa ng pagbabago sakabila ng huwad na katotohanang nakatatak sa katagang “not realistic.”
Lawak ng Distansya
Habang nagtatago ang sistema sa huwad na pangako, litaw na litaw ang bunga ng mapang-aping distansya. Paano nga ba naging normal na ang mamahaling produkto sa syudad ay siya namang pambabarat sa sako ng palay sa kanayunan?
Ang sagot ay nasa bulok na sistema ng kalakalan—ang “disparity value” o hindi pantay na tubo. Kung saan nagtitiis ang mga magsasaka sa mumo, habang ang mga middlemen ay kumikita ng malaki dahil sila ang nagdidikta ng presyo sa merkado. Kaya ang siste, hikahos ang kita sa pagsasaka; bilang lang sa mga magsasaka ang nakakakain ng pagkaing may tamang nutrisyon.
Ito, kasama ang hindi mabilang sa daliri na mga suliraning may kinalaman sa lupa, pantay na kita, kakulangan sa makinarya, sa benepisyo, at trabahong nakabubuhay, ang patuloy na nagbabaon sa kanila sa marahas na realidad: ang patuloy na maghirap at magutom.
Karapatan at Hustisya
Hindi nasusupil ng opresibong sistema ang magsasaka, bagkus pinapaliyab lamang nito lalo ang adbokasiya para sa karapatan at hustisya. At mas nangingibabaw ang mga boses kapag nakahanay. Mas dinig ang sigaw, mas ramdam ang puwersang nais iparating—masidhi at inilalantad sa mukha ng sinuman ang salitang hustisya!
Ito rin ang kadalasang naririnig sa Mendiola o kung saan mang kalsada sa Maynila at mga kanayunan. Dahil ang paniningil para sa karapatan ng mga magsasaka ay hindi natatapos sa Mayo Uno; hindi maaaring hindi natin marinig ang mga katagang iyan. Hindi mawawala ang mga boses—hangga’t maingay ang kalsada at mulat ang mga tao, at nananatiling gasgas ang mga pangako at solusyon na panakip butas lamang sa mas malaking sugat.
Mananatili itong alingawngaw ng sikmurang patuloy na nalilipasan ng gutom. Paalala ito na ang bawat butil na sinusubo ng bansa ay palaging may lasa ng tuyong lupa at alat ng pawis.
Artikulo: Jhanizza Thea Rivera
Grapiks: Jaydel Calma



Comments