“Bloom Where You Are Planted,” kinundena ang red-tagging at panunupil sa mga aktibista
Kinundena ng dokumentaryong A Bloom Where You Are Planted, ang red-tagging at panunupil sa mga aktibista sa naganap na film screening at talkback session noong Setyembre 24 sa PUP College of Communication (COC).

Sa direksyon ni Nonie Abao, tampok sa dokumentaryo ang buhay at pakikibaka ng tatlong aktibista na sina Makabayan Cagayan Valley Coordinator Agnes Mesina, Amihan National Federation of Peasant Women organizer Amanda Echanis, at NDF Peace Consultant Randy Malayao na nagsusulong ng karapatan ng mga magsasaka sa Cagayan Valley sa kabila ng naranasang red-tagging, panunupil, at pagkakakulong dahil sa mga gawa-gawang kaso na ipinataw laban sa kanila.
Kasunod ng screening, nagkaroon ng talkback session kasama ang ilan sa mga bumuo ng dokumentaryo na sina Direktor Abao at Erica Nabong, production coordinator ng dokumentaryo at miyembro ng Taripnong Cagayan Valley. Sa isinagawang Question and Answer, ibinahagi nila ang mga hamon at karanasan nila sa pagbuo ng dokumentaryo.
Binigyang-diin ni Nabong ang mahalagang gampanin ng mga estudyante sa pagbabago ng lipunan.
“Ang pagiging active participants sa ating lipunan ay hindi lang [isang] choice, isa siyang obligasyon. Mayroon tayong obligasyon para sa kapwa natin. May obligasyon tayo sa henerasyon na ito at sa susunod pa para magluwal ng isang lipunan kung saan kaya nating mabuhay ng malaya, disente, ligtas, at makatarungan,” pagpapahayag ni Nabong.
Sa kabilang banda, ibinahagi naman ni Abao na layon ng dokumentaryo na isiwalat ang karanasan ng mga aktibista sa pakikibaka para sa karapatan sa lupa at tutulan ang red-tagging at propaganda na pinapakalat umano ng mga militar laban sa kanila.
Sinagot naman ni Abao sa kaniyang naging panayam sa The Communicator ang kanyang saloobin matapos kanselahin ng administrasyon ng Isabela State University-Echague ang film screening na nakatakda sanang ipaalabas noong Setyembre 21.
Sa inilabas na pahayag ng pamunuan ng Bloom Where You are Planted sa kanilang Facebook page, bagama’t kumpleto at aprubado ang mga kinakailangang dokumento upang ipalabas ang dokumentaryo, tiningnan itong isang potensyal para sa isang politikal na pagtitipon at kilos-protesta laban sa pamahalaan pagsapit ng ika-54 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law..
“Nakakalungkot na mismong administration o school yung nag-cancel. Pinapakita lang nito na may ganoon pa ring kaisipan na conservative pa rin yung mga school administration para maliitin yung pagtingin nila sa critical na pag-iisip ng mga estudyante sa Isabela State University,” giit ni Abao.
Hindi naman inaasahan ni Yzza Pineda, isang estudyante mula sa Bachelor of Arts in Broadcasting (BABR), ang mga sitwasyong nararanasan ng mga aktibista na tinampok sa dokumentaryo.
“Hindi ko ma-imagine na ganoon talaga 'yung ginagawa ng estado sa mga aktibistang gusto lang naman na magkaroon ng magandang kinabukasan sa bawat komunidad.”
Naging opisyal na entry ang Bloom Where You Are Planted para sa 21st Cinemalaya Independent Film Festival kung saan nakatanggap ito ng parangal na “Best Film at Best Editing.” Makasaysayan din ang pagkapanalo nito dahil ito ang kauna-unahang dokumentaryong nagwagi ng pangunahing gantimpala sa nasabing festival.
Tatlong buwan matapos ipalabas ang dokumentaryo noong 2025, nakalaya na si Amanda Echanis, isa sa mga tampok na aktibista, matapos ang halos limang taong pagkakakulong. Pinawalang-sala siya ng Regional Trial Court (RTC) Branch 10 sa Tuguegarao City noong Enero 14, 2026, sa kasong illegal possession of firearms and explosives matapos mabigong patunayan ng prosekusyon ang mga paratang laban sa kaniya.
Article: Mark Jay T. Tarrobago and Sherri Mae Fernandez
Graphics: Justine Ceniza




Comments