top of page
Writer's pictureAxell Swen Lumiguen

BALITA | PNR, 5 taong suspendido para sa NSCR project; COCians, umalma


Upang bigyang-daan ang pagsasagawa ng North-South Commuter Railway (NSCR) Project, inaasahang limang taong magtitigil-operasyon ang Philippine National Railways o PNR, saad ni Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Cesar Chavez sa isang public hearing ng House Committee on Transportation nitong Huwebes, Pebrero 16.







Kabilang sa mga rutang magsasara ay ang Governor Pascual station sa Malabon hanggang Calamba station sa Laguna sa darating na Mayo, habang ang riles naman ng Alabang station patungong Tutuban ay isasara bandang Oktubre ngayong taon.



Saad ni Chavez, mas makatitipid ang gobyerno at mas mapabibilis ang pagsasagawa ng proyekto sa hakbang na ito.



“Kailangang ihinto ang operasyon ng PNR sapagkat gusto nating matapos ang proyektong ito. To contextualize, we need to stop the operation of PNR because our objective is to construct the South Commuter Railway in sustainable focus and speed based on the timeline and at a minimal cost,” wika ni Chavez.



Hangarin din ng DOTr ang makatipid ng P15 bilyong piso sa pagpapatupad ng pansamantalang suspensyon ng naturang railway line.



“Sabi ho ng pag-aaral ng ating mga consultant, we [can] save P15 billion by stopping the operation of PNR para nang sa ganoon, imbis na marami kang utilities na i-re-relocate, doon ka na mismo sa sentro ng linya ng PNR gumawa ng riles,” dagdag pa ni Usec Chavez.



Nakikipagtalakayan na rin ang DOTr sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang magbigay ng alternatibong ruta sa mga maaaring maapektuhan ng panukala.



Mithiin ng NSCR Project na idugtong ang mga probinsya sa Luzon, partikular ang New Clark City sa Pampanga, patungo sa National Capital Region at mga karatig-bayan sa Laguna sa pamamagitan ng linyang sakop ng PNR.




𝗣𝗮𝗻𝗴𝗮𝗺𝗯𝗮 𝗻𝗴 𝗖𝗢𝗖𝗶𝗮𝗻𝘀



Ayon sa datos, higit-kumulang 30,000 na mga pasahero ang maaaring maantala sa pansamantalang pagpapasara ng PNR, kabilang na rito ang mga kapwa-Iskolar ng Bayan na sumasakay dito upang makarating sa Sta. Mesa Station - istasyon na sa mismong tapat lang ng PUP Main building nakatayo.



Sa napipintong pagbabalik ng face-to-face classes sa pamantasan, hindi rin maiwasang mangamba ang ilang mga COCians sa hakbanging ito ng DOTr.



Isa na rito si John Patrick Allere ng BAPR 2-1D na bumibiyahe mula Sucat station papuntang unibersidad. Paliwanag niya, makaka-apekto ito hindi lang sa tagal, kundi sa gastusin niya sa pamasahe.



“Sobrang nakakakaba po kasi magiging triple ‘yong pamasahe ko kapag araw-araw na ‘kong bumyahe sa alternative route. Kapag PNR kasi, ₱32 lang ang pamasahe ko balikan mula Sucat hanggang Sta. Mesa samantalang ‘pag nag-LRT at dyip ako, magiging ₱126 na ang pamasahe tapos hirap pa mag-abang ng dyip sa Baclaran ngayon,” pahayag ni Patrick.



Isa pang may alinlangan ay ang fourth-year Broadcasting student na si Elfred Dalde, na nag-aalala sa mabigat na traffic na maaari niyang madatnan kung bibiyahe siya sa mga alternatibong ruta.



“PNR talaga yung fastest way ko papuntang PUP kasi isang sakay ko lang, nandoon na agad ako. If ever na matutuloy ang pagsasara nito, wala akong option but to go sa other routes which is risky dahil maaring maipit ako sa matinding traffic sa EDSA at sa malalang transportation system ng bansa. Sa dating dalawang oras na nilalaan ko para sa biyahe ‘pag sa PNR ako sasakay, need ko na gawin itong tatlo or apat na oras para masigurado na hindi ako mahuhuli sa klase,” saad ni Dalde.



Naghayag din ng hinaing ang Journalism student na si Alleli Dionisio sa krisis na maaaring niyang kaharapin kung maisasakatuparan na ang mungkahing ito ng DOTr.



“Malaki ang magiging epekto nito kung sakaling matutuloy ang F2F classes dahil nga mas mabilis and convenient ang daan ko pauwi kung PNR ang mode of transportation na gagamitin. Malamang ay mas maaga na naman ng tatlo o dalawang oras ako aalis ng bahay,” bulalas ni Dionisio.



Artikulo ni: Axell Swen Lumiguen

Grapiks: Cathlyn De Raya


Comments


bottom of page