top of page
Writer's pictureThe Communicator

PUVMP TO PTMP: Bagong Pangalan, Lumang Pangako

Grapiks: Kent Bicol

Taong 2017 nang inilunsad ng Department of Transportation (DOTr) ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), kilala ngayon bilang Public Transport Modernization Program (PTMP), na may layuning gawing mas “mabisa,” “ligtas,” “komportable,” at “makakalikasang alternatibo” ang pampublikong transportasyon ng bansa sa taong 2020.


Pangunahing puntirya ng programa ang mga tradisyunal na dyip, bus, at iba pang mga public utility vehicle. Isa rin sa tunguhin nito ang pag-obliga sa mga tsuper at operator na bumuo o sumali sa kooperatiba na siyang mag-aalis ng kanilang karapatan sa kani-kanilang mga prangkisa.


Kahit pitong taon na ang programa, makailang beses itong naudlot bunsod ng pandemya at pag-urong ng deadline para sa konsolidasyon kasabay ng patuloy na pagtututol dito at pakikipaglaban ng libo-libong tsuper para sa kanilang kabuhayan.


Noong Abril 30 ang pinakahuling itinakdang deadline para sa mga dyip na makapag-consolidate ng kani-kanilang mga prangkisa. Samantala, ang mga hindi sumunod dito ay itinuturing na kolorum at hindi na pinapayagan pang bumiyahe sa kani-kanilang mga ruta.


Dalawampu't dalawang senador ang pumirma sa Senate Resolution No. 1096 nitong Hulyo na naglalayong isuspinde pansamantala ang programang aniya’y “minadali” at “walang konkretong plano.” Ayon kay Senate President Chiz Escudero, hindi tutol ang Senado sa modernisasyon ngunit nararapat itong maisakatuparan nang maayos at nang may sapat na tulong sa mga tsuper at operator.


Agad namang tinanggihan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mungkahi ng Senado, “I disagree with them because sinasabi nila minadali. The modernization has been postponed for seven times.” Matatandaang pinagpilitan din ni Marcos Jr. noong Disyembre na ang mga tumututol lamang sa programa ay tanging mga “minority” at hindi papayag ang pamahalaan na maging sanhi pa ito ng “karagdagang pagkaantala.”


‘Minority lamang’


Ayon sa Land Transportation Franchise Regulatory Board (LTFRB), 83% na diumano ang mga tsuper na nakapag-consolidate na ng kani-kanilang mga prangkisa. Kaya ani Marcos Jr., nararapat lamang umanong makinig sa “majority.”


Ngunit ayon kay Manibela chair Mar Valbuena, aabot pa sa 8,000 traditional jeepneys at UV Express ang hindi pa nakakarehistro at ang ilan ay bumibiyahe nang patago upang magkaroon ng kabuhayan.


Sa isinagawang dalawang araw na strike noong Setyembre 23 at 24, 85-90% ng mga pangunahing ruta ang naparalisa sa NCR, ayon sa Piston.


Agad naman itong minaliit ng LTFRB kahit sa kabi-kabilang ulat ng mga stranded na pasahero sa iba’t ibang lugar. Anila, “normal” lang daw ito sa tipikal na rush hour tuwing Lunes.


Gastos sa modernisasyon


Ayon sa Landbank at Development Bank of the Philippines, nagkakahalaga ng P2.8 milyon ang isang modern jeepney unit–isang napakalaking halaga sa P650 kada araw na karaniwang kita ng mga tsuper. Ayon din sa Piston, nasa P40 milyon ang kailangan upang mapagsama-sama ang 15 jeepney units na hindi kakayanin ng mga maliliit na operator. Sa laki ng halaga, limang porsyento lang sa kabuuang presyo o tinatayang nasa P280,000 lamang ang subsidiyang ipinapamahagi ng gobyerno.


Ang mga traditional jeepneys na nagkakahalaga lamang ng P200,000 hanggang P400,000 kada unit ay nananatiling mas murang solusyon para sa mga tsuper at operators. Giit ng Piston, mas mura kung i-uupgrade na lamang ang kanilang mga jeep sa halip na mag-angkat ng bagong unit at materyales sa China at Japan na siyang ipinagpipilitan ng pamahalaan.


Kaya naman ang ilang operator na hindi nakapag-consolidate, napilitang katayin na ang kani-kanilang mga jeepney sa kawalan ng kakayahang pinansyal para sumunod sa PUVMP.


Implikasyon sa komyuter


Ayon sa Philippine Institute of Developmental Studies, mistulang domino effect ang magiging implikasyon ng napakataas na gastos sa modernisasyon. Batay sa pag-aaral, ang napakataas na halaga ng modernong jeepney at mas pahirap na pag-abot ng “quota” sa bilang ng mga pasahero ay ilan sa mga maaaring maging sanhi ng patuloy na pagtaas ng pamasahe para sa mga mananakay.


Tinatantiyang ang P15 na minimum fare ngayon ay maaari pang umabot sa P40 upang mabayaran ng mga operator ang kanilang buwanang pagkakautang, ayon sa UP Center for Integrative and Development Studies.


Tricycle phaseout?


Sa ilalim ng bagong PTMP, nilalayong mas palawigin ang programa sa pagsakop ng iba pang pampublikong moda ng transportasyon para gawin itong “electric-centric,” kasabay ng patuloy na pag-angkat ng mga modernong behikulo sa iba’t ibang bansa. 


Kaya naman pinangangambahang susunod ang mga tricycle sa maaaring maapektuhan ng PTMP na isa rin sa pangunahing transportasyon sa Pilipinas.


Sa pagtataya, hindi rin Euro-4 compliant ang karamihan sa mga tricycle units sa bansa na nagsisilbing bagong pamantayan sa programang modernisasyon.


Kasabay nito ang patuloy na paglago ng mga motorcycle taxis at pag-angkat ng mga “alternatibong” e-trike units na pinasisigla at pinopondohan ng pamahalaan.


Nagkakahalaga ng tinatayang P455,000 ang isang e-trike unit–—malaking halaga kumpara sa mga tricycle units na umaabot lamang sa P50,000 hanggang P200,000.


Pinasinayaan na sa iba't ibang lugar ang pag-rollout ng mga unit na ito at kapansin-pansin ding dumarami ang presensya nito sa Kamaynilaan.


Moderno at makamasa


Patuloy na iginigiit ng mga tsuper at operator na sila ay pabor sa modernisasyon, ngunit ang kanilang panawagan ay gawin itong makamasa. 


Nais nilang gawing optional ang pag-consolidate ng mga prangkisa at bigyang pansin ang mga local manufacturers na hanggang ngayon ay hindi pa rin naaaprubahan. 


Ilan sa mga pinaugong sa isinagawang transport strike nitong nagdaang Setyembre 23 at 24 ay ang pagbasura sa hindi makamasang PTMP, bagong prangkisa para sa mga PUV operators pati ang mga hindi nagawang makapag-consolidate, pagpayag sa mga nakapag-consolidate ng prangkisa na mag-withdraw, at zero budget sa mga phaseout programs na dapat ilaan sa rehabilitasyon ng traditional jeepneys at tulong para sa mga local manufacturers.


Artikulo: John David Parol

Kommentare


bottom of page