Inihain ng mga kandidato mula sa Sandigan ng Mag-aaral para sa Sambayanan PUP (SAMASA-PUP) ang kanilang mga tindig at plataporma sa naganap na Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM) University-wide Miting de Avance (MDA) Martes, Agosto 15, sa South Wing ng PUP Main Building-Mabini Campus.
“Nagkakaisang pamantasan” ang panawagan at panunumpa ng SAMASA-PUP sa pangunguna ni incumbent SKM Secretary-General Miss Kim Modelo, tumatakbong SKM President, kasama si incumbent PUP College of Sciences and Development (CSSD) Student Council President Abbygail Alforque, kumakandidato para sa pagka bise-presidente, at ang sampu nitong SKM councilors.
“Sa matagumpay natin na pagpapatuloy ng laban, ngayon kinakailangan nating ipakita ang lakas ng nagkakaisang pamantasan sa pagpapanalo ng mas malaki nating laban at ipagsilbi ito sa interes ng mas malawak na hanay ng mamamayan. Mula sa kaliwa’t kanang sigalot na ating nararanasan, isusulong natin ang nagkakaisang pamantasan para sa kalayaang pang-akademiko,” ani ni Modelo.
Ilan sa mga platapormang inilatag ni Modelo ay ang pagsulong ng PUP Charter Bill upang punan ang pangangailangan ng konkretong dokumentong magpoprotekta sa karapatan ng bawat PUPian.
Idiniin din ng partido ang kakulangan ng pondo bilang pangunahing ugat ng mga hamong kinakaharap ng pamantasan, kaya naman plano rin nitong bumuo ng PUP Budget Increase Alliance.
Nagkaroon din ng pagkakataong ihayag ng mga kandidato ang kanilang tindig at saloobin sa mga isyu sa loob ng unibersidad hanggang sa mga usaping panlipunan.
Dito kinondena ni Alforque ang administrasyong Marcos-Duterte sa mga tangka nitong panunupil sa kalayaang bumoses ng mga Iskolar ng Bayan.
“Alam naman natin kung gaano kalakas ang tinig ng masang naniningil sa lahat ng pagkukulang ng isang estadong palpak at hindi lapat sa lupa ang mga programang ipinapatupad,” ayon kay Alforque.
Bukod dito, nagkaroon ng fast-talk segment para kina Modelo at Alforque kung saan ipinahayag nila ang kanilang tindig sa ilang isyu.
Nagkaisa ang tugon ng tambalan sa pagiging pabor sa isyu ng pagbuwag sa Presidential Commission on Good Government (PCGG), SOGIE Equality bill, peace talks sa pagitan ng Communist Party of the Philippines-New People's Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), at student activism.
Sa kabilang banda, pareho nilang tinutulan ang mandatory ROTC, Dress Code Policy sa ibang kolehiyo, kasalukuyang pamantayan sa pagkamit ng Latin honor, SIM Registration Act, at Maharlika Investment Fund.
Magkaiba naman ang naging tindig ng dalawa sa pag-amend ng Partylist System Law kung saan sang-ayon si Alforque habang si Modelo naman ay hindi. Ayon kay Modelo, siya ay sang-ayon kung ito ay magsisilbi sa interes ng mamamayan, ngunit titignan ang kasalukuyang konteksto ng politika kung saan maaaring ‘ma-monopolize ang political power sa ating bansa.’
Sa huling bahagi ng programa, nagkaroon ng open forum sa pagitan ng mga kandidato at mga tagapakinig. Ito ang naging daan upang mas makilala ang mga plataporma at adhikain ng mga kandidato at mga dumalong SKM councilors na sina Terrence Tamayosa, Jamella Lacap, Adrian Abeligos, John Reggie Reyes, Marygold Lazaro, Hyacinth Joven, Vince Bingayan, QP Mayor, Rei Domanais, at Danila Johnson.
Matapos ang university-wide MDA, nagsagawa ng lightning rally at nagmartsa mula PUP Main Building papuntang PUP Obelisk ang mga kandidato ng SKM upang idiin ang kanilang kampanya para sa nagkakaisang pamantasan.
Ang naturang MDA, na pinamunuan ng PUP Commision on Elections (PUP-COMELEC), ang hudyat ng pagwawakas ng panahon ng pangangampanya para sa Student Council Elections ngayong taon.
Kasunod ito ng mga idinaos na online MDA ng mga tumatakbong lider-estudyante para sa local student councils ng kani-kanilang mga kolehiyo.
Article: Jhonathan Orlanda
Graphics: Ashley Alba
Comments