top of page
Writer's pictureThe Communicator

BALITA | Dagdag sahod, regularisasyon at anti-imperyalismo, sentro ng panawagan sa Mayo Uno 2023

Sama-samang nagkilos-protesta ang mga manggagawang Pilipino sa pagdiriwang ng Araw ng mga Manggagawa, kaisa ang hanay ng mga kabataang estudyante, guro, kababaihan, at iba pang progresibong grupo sa bansa sa Maynila para isigaw sa lansangan ang kanilang hinaing na sahod, karapatan, trabaho, at pagtutol sa imperyalismo nitong Mayo 1.



Nahati sa dalawang parte ang pagtitipon-tipon–sa Mendiola at sa Kalaw Avenue o sa United States Embassy–ang selebrasyon ng Mayo Uno, kung saan nagsimula ang pagkilos sa Welcome Rotonda bilang assembly point at pagmartsa ng iba’t ibang sektor mula España hanggang Mendiola habang bitbit ang mga panawagan hinggil sa pagtaas ng sahod at pagbaba ng presyo ng mga bilihin. 


Nagtipon ang mga unyon, progresibong grupo, at organisasyon sa Mendiola kung saan ginanap ang pangunahing programa sa pangunguna ng All Philippine Trade Union na binubuo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP), Kilusang Mayo Uno (KMU), Nagkaisa Labor Coalition (NAGKAISA) at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP). 


Sentro ng pagkilos ngayong taon ang pagtaguyod at paglaban para sa 750 pisong national minimum wage, tiyak na trabaho o regularisasyon, pagsusulong ng mga karapatan ng mga manggagawa batay sa tinatakda ng Labor Code, Saligang Batas at International Conventions, at paghamon sa gobyerno na bigyang representasyon ang mga manggagawa na pangunahing biktima ng pamamaslang, red-tagging, at iba pang mga kriminal na atake sa kilusang paggawa sa binuong Inter-Agency Commission.


“Pangunahin ang pagtataas ng sahod sapagkat kitang-kita na hindi na makaabot yung kinikita ng mga manggagawa sa walang patubangbang pagtataas ng presyo ng bilihin at yung pangtuos ng implasyon ay tuloy-tuloy na tumataas,” pahayag ni Bong Labog, taga-pangulo ng KMU.


Nagpahayag din ng suporta sa laban ng mga manggagawa sa kanilang mensahe ang ilang kinatawan sa sektor ng paggawa na sina Laya Ferrer ng ALU-TUCP, Atty. Luke Espiritu ng BMP at Atty. Sonny Matula ng NAGKAISA. Binigyang-diin nila ang pagkadismaya sa pamahalaan sa nananatiling malaking bilang ng mga Pilipinong hindi nabubuhay ang pamilya dahil sa kawalan ng hanapbuhay at sahod-alipin na tinatanggap ng mga manggagawa maging sa pagsasamantala at paglabag sa kanilang mga karapatan.


Panawagan ng isang manggagawa na si Edcel Salinas, miyembro ng Philippine Trade and General Workers Organization (PTGWO), ang karampatang benepisyo at pagrespeto ng mga abusadong kumpanya sa karapatan ng mga manggagawang Pilipino.


Matapos tumapak sa Mendiola, nagtuloy-tuloy ang pagdiriwang ng Mayo Uno nang lumakad ang mga uring manggagawa mula Maria Orosa St. patungong Kalaw Avenue habang isinisigaw ang panawagang palayasin ang mga Amerikanong imperyalista kung saan pinangunahan ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) ang pangalawang bahagi ng pagkilos dala-dala ang anti-imperyalismong pagtawag na ipinaabot sa US Embassy bilang pagkondena sa pag-alis ng bansa ni Pangulong Bongbong Marcos upang makipagpulong sa Amerika sa gitna ng Araw ng mga Manggagawa. 


Ilan sa itinampok sa diskusyon ang mga neoliberal na polisiya at mga kasunduang dikta ng imperyalismong US na nagpapahirap sa mga manggagawang Pilipino, kagaya ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA), Visiting Forces Agreement (VFA), Mutual Defense Treaty (MDF) at Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).


Ipinahayag naman ni Debie Faigmani, pangulo ng Wyeth Philippines Workers Union DFA-KMU na dagdag-sahod at hindi mga base militar ang kanilang kailangan sapagkat sa halip na harapin sila ng pangulo at tugunan ang kanilang mga panawagan, mas inuna pa ng gobyerno ang bilyon-bilyon na balikatan exercises habang ang mga manggagawa ay tinitiis na wala nang makain at naghihirap. 


“Nagpupugay tayo sa mga manggagawang lumalaban sa imperyalismo. Kasi alam nila sa buong mundo ngayon, ang numero unong salot, nagpapahirap, nagdadala ng giyera, nagdadala ng pandarambong, nagdadala ng pagpapahirap sa manggagawa sa buong mundo ay walang iba kung hindi ang imperyalismo,” wika ni Renato Reyes, Presidente ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN).


Isa si Elmer Cordero, isang manggagawang jeepney driver at miyembro ng KMU sa nakiisa sa anti-imperialist call habang itinataas niya ang sariling panawagan na pagtutol sa jeepney phaseout, pagtaas ng suweldo at pagbaba ng mga bilihin. Ayon sa kanya, hindi lang para sa drayber at sa phaseout kung hindi para sa lahat ang laban na kanyang sinasamahan.


“Ngayon nandito kami sa Embassy para manawagan eh wala siya, nakipag-coordinate siya doon sa U.S. Dapat asikasuhin niya yung mga Pilipino katulad natin dahil tayo naman mga bumoto dito sa Pilipinas, hindi naman Estados ang nagpanalo sa kanya,” giit ni Cordero.


Kabilang din sa hanay na sumuporta sa matinding pagtutol sa naghaharing-uri ang PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (PUP-SKM) at PUP College of Communication Student Council (PUP-COC SC) na tumindig sa tabi ng mga manggagawa sa matinding pagtutol sa naghaharing-uri kadikit ang kanilang tawag sa dekalidad na edukasyon. 


“Huwag silang mangialam sa mga economic policy natin; huwag silang mangialam sa pulitika natin. Dahil sa totoo, hindi naman natin kailangan ng U.S. para maipagtanggol natin ang kalayaan,” ani COC SC president Ronjay-C Mendiola. 


“Malinaw na mairehistro 'yung agad na panawagan lalo na sa gitna ng tumataas na bilihin, barat na pasahod, 'yung edukasyon natin [ay] nananatiling hindi dekalidad. Sa pamamagitan ng produktibo nating pagkilos, mas magugulantang at mas mapapadambon natin yung mga panawagan natin lalo ngayon na si Marcos ay nasa U.S. sa gitna ng Araw ng mga Manggagawa,” diin ni Benhur Queqquegan, bise-presidente ng PUP SKM.


Nagtapos ang pangalawang parte ng pagkilos sa pagbibigay-diin ni Elle Buntag, Deputy Secretary-general ng League of Filipino Students (LFS) na dapat gumawa ang Pilipinas ng sarili nitong independent foreign policy at wakasan na ang pagsandig sa naghaharing-uri maging sa imperyalismo.


Artikulo ni: Arlin Fabaliña

Grapiks: Aldreich Pascual

Comments


bottom of page