top of page
Writer's pictureThe Communicator

Walang Kupas ang Pasko ng Pinas

Pasko na naman, at tunay ngang kay tulin ng araw! Unang araw pa lamang ng ber months ay damang-dama na agad ang lamig ng kapaskuhan sa Pilipinas.



Nariyan na ang mga makukulay na palamuti sa mga kabahayan, ang mga himig ng pamaskong awitin sa kalsada, ang mga matatamis na kakanin sa labas ng mga simbahan, pati na rin ang lihim na mga regalo sa loob ng ating mga tahanan.


Hindi maikakaila na ang ‘Pinas ang may pinakamahabang pagdiriwang ng pasko sa buong mundo. Ngunit, higit pa rito, ang mga natatanging tradisyon nating mga Pilipino ang nagsisilbing puso ng ating kapaskuhan, binibigyang buhay at kulay ang ating panahon ng pagdiriwang. 


Kumukutikutitap, Bumubusibusilak


Setyembre pa lamang, abala na ang mga Pilipino sa pagsasabit ng mga nagniningning na dekorasyon sa paligid. Mula sa garlands at nagliliwanag na christmas lights hanggang sa mga ribbon at naglalakihang christmas tree, mahihimigan na agad ang pasko, ilang buwan pa man ang layo nito. Pero sa kalagitnaan ng lahat ng ito, hindi maaaring mawala ang nag-iisang parol na siyang sentro ng lahat ng palamuti. 


Ang parol ay hango mula sa bituin ng Belen na naging gabay ng Tatlong Hari—ayon sa Bibliya—upang mahanap ang sabsaban ng sanggol na si Hesus. Madalas matatagpuan ang mga ito na nakasabit sa labas ng mga bahay, kumukutitap sa mga bintana, o ‘di kaya’y agaw-pansin sa tabi ng mga kalsada. Ngunit simple man ito o magarbo, para sa mga Pilipino, ang parol ay sumisimbolo sa pag-asa at liwanag na yumayakap sa atin tuwing kapaskuhan. 


Sa May-Bahay ang Aming Bati


Natural na hilig ng mga Pilipino ang umawit, maging sa mga karaniwang araw, at higit lalo na sa mga espesyal na okasyon. 


Isa mga kilalang tradisyon ng mga Pilipino tuwing nalalapit ang kapaskuhan ay ang pangangaroling. Kadalasan, sa unang araw ng Misa de Aguinaldo o Simbang Gabi, pagpatak ng alas-syete ng gabi, magsisimula nang marinig sa labas ng mga kabahayan ang kalansing ng mga tansan, kalabog ng drum na gawa sa goma, lata, at plastik, at kung minsan ang himig ng gitara. Sasabayan ito ng iba’t ibang kantang pamasko sa matitinis at taas-babang tinig ng mga paslit na naghihintay na mang-aawit. 


Mga batang paslit man o matatandang musikero, ang pangangaroling ay kinagigiliwan ng mga Pilipino. Sa paraang ito nila naipamamalas ang kanilang pagmamahal at pagiging malikhain pagdating sa pagtatanghal—sa entablado man ito o sa tabi ng lansangan. Isa rin itong simbolo ng pagbabahagi sa pamamagitan ng paghahandog ng mga awitin na sinusuklian ng iba’t ibang anyo ng regalo. 


Ang Paggising ng mga Kampana


Hindi buo ang panahon ng kapaskuhan sa Pilipinas kung wala ang Simbang Gabi. Ito ay serye ng misa sa loob ng siyam na gabi o ‘di kaya’y madaling araw. Sa mga gabing iyon, mas matingkad ang liwanag ng mga simbahan, buhay na buhay sa pagdagsa ng mga tao gabi-gabi. Ayon sa matatanda, kung makukumpleto mo ang buong serye ng misa, matutupad ang anumang iyong hiling na ibinulong sa huling gabi ng Misa de Aguinaldo o Misa de Gallo.


Hindi alintana ang kakulangan ng tulog at lamig ng panahon, matiyagang dinadaluhan ng mga Pilipino ang siyam na gabi ng misa. Ang kulturang ito ay hindi lamang isang relihiyosong pagdiriwang sa mga debotong Katoliko; sagisag rin ito ng malalim na pananampalataya at pagkakaisa ng mga Pilipino. 


Pamilya man, barkada, o mahal sa buhay ang iyong kasama, ang diwa ng Simbang Gabi ay palaging mananaig. Sa paghahawak ng mga kamay, sa pagsabay sa ritmo ng mga awitin, sa pagpapalitan ng ngiti at yakap, naipakikita ng mga Pilipino ang kanilang pagpapahalaga at gunita sa presensya ng Diyos at ng bawat isa sa kapaskuhan. 


Sindi sa Pugon ng Kapaskuhan


Pagkatapos ng misa, sa ilalim ng mga tala at kumikinang na mga dekorasyon ay matatanaw na ang kumpulang mga tao na nanggagaling sa tindahan ng bibingka at puto-bumbong, ang kakaning pang-pasko ng mga Pinoy na madalas nakikita sa gilid ng kalsada o sa tapat ng simbahan. Bawat paghakbang papalapit sa bilihan pagkatapos ng Simbang Gabi ay pagsalubong ng usok galing sa pugong pinapaypayan upang maihanay ang kakanin sa mesa. Malayo pa lang ay nalalanghap na ang aroma nitong nagpapahiwatig na malapit na ang espesyal na pagdiriwang. 


Sa isang gilid ay matatanaw ang nakatindig na kawayang maliliit na tila ba nakahanay ang mga ito. Paglapit sa tindahan ay kapirasong dahon na paglalagyan ng puto-bumbong ang babati sa mga suki na kadalasang may asukal, latik, niyadyad na niyog, at kondensada. Hindi ito nawawala sa mga handaan o pasalubong, hinahanap-hanap at dinarayo ito ng mga tao sapagkat parte ito ng kinagisnan tuwing ginugunita ang kapaskuhan.


Kasabay naman ng pagdampi sa palad ng dahon ng saging na may lamang mainit na bibingka, kinayod na keso at niyog sa ibabaw ay siya ring pagbukas ng mga masasayang alaala tuwing pasko. Ang malakas na kwentuhan sa gitna ng pila tuwing bumibili, mga halakhak tuwing napapadikit ang daliri sa bagong lutong bibingka, at tawanan pauwi dala ang mga nabili para sa pamilya. Bawat pagbukas ng kakaning ito ay nanunumbalik ang saya ng nagdaang pasko at tamis ng pagbuo ng masayang alaala sa mga susunod.


Namamasko Po!


Nakaugalian na ng mga mag-anak ang magtipon-tipon kapag bisperas o mismong araw ng Pasko. At siyempre, nariyan ang pagpapalitan ng regalo, o madalas ay aginaldo para sa mga bata mula sa mga nakatatanda. Pagkatapos bumati at magmano, isa-isang bibigyan ang mga ito ng malulutong na pera sa pulang ampaw na tiyak ay iipunin hanggang sa pagsapit ng bagong taon.


Bagaman ang tradisyong ito ay mas nakatuon sa mga materyal na bagay, tinataglay pa rin nito ang diwa ng pagmamahalan at pagbibigayan, maliit man o malaki. Tanda ito ng ating pag-alala sa isa’t isa sa isang makulay na pagdiriwang, at sa huli, wala pa ring tatalo sa ngiti ng ating mga mahal sa buhay.


Secret Santa Claus


Tunay na nakasanayan ng mga Pilipino ang pagbibigay ng mga regalo lalo na tuwing kapaskuhan. Isa ito sa hindi nawawala na kahit ang mga simpleng bagay ay nagiging espesyal dahil ito ay marka ng pagbibigay-halaga sa mga mahal sa buhay.


Ang kakaibang istilo ng mga Pinoy ay tinatawag na "Monito-Monita" kung saan ang pagbibigayan ng regalo ay mistulang palaisipan kung kanino manggagaling. Sa sistema nito, ang pagbunot ng pangalan sa isang lagayan nang hindi sinasabi sa kahit na kanino kung sino ito ang siyang nagbibigay-direksyon sa tradisyon. Ito ay kadalasang may tema na ginagawa ilang araw bago ang pasko. 


Madalas itong ginagawa sa mga pagsama-sama ng pamilya, kaibigan, kaklase, at katrabaho bago ang pagdiriwang upang ipakita ang malalim na pagpapahalaga sa mga importanteng taong nakapaligid. Mababakas sa tradisyong ito ang aliw at pananabik sa sorpresang dala ng bawat pagbukas ng regalo galing sa secret Santa Claus. Ang nakagawian ay paraan upang mapanatili ang koneksiyon at malalim na pagsasamahan gamit ang munting regalo ng bawat isa. 


Bisperas ng Bente-Singko


Bago ang mismong araw ng kapaskuhan, isang tradisyon ng mga Pilipino ang pagsasagawa ng noche buena. Pagpatak ng alas-dose ng hatinggabi, sasalubong ang hapag-kainang punong-puno ng mga pagkaing marka ng masayang selebrasyon ng pagkasilang. Saksi ang latag ng mesa sa mga tawanan, kantahan, kwentuhan, kainan, at pag-asang hatid nito sa isang pamilya tuwing noche buena.


Ang bawat putahe at panghimagas na nakahain ay simbolo ng mahalagang pagdiriwang ng paskong Pinoy. Sa tradisyong ito, wala sa garbo ng nakahandang pagkain ang sentro ng noche buena kung hindi sa nag-uumapaw na pagmamahalan, pagbibigayan, at pagpapatawad na siyang tunay na layunin ng selebrasyon. Ito ay pinagyaman upang mapanatili ang pagbibigay importansya sa pagsasama-sama ng isang pamilya sa kabila ng mga dagok sa buhay.


Tunay ngang walang tatalo sa pasko ng Pinas dahil sa kakaibang istilo ng pagdiriwang nito. Ang mga nakagawiang tradisyon na pinagbubuklod ang bawat isa ay umuukit sa pagkakakilanlan ng mga Pilipino. 


Makulay at masaya ang pagdiriwang, hatid nito'y pag-asa at pagkakaisa para sa lahat sa araw ng pasko. Saan man tumingin ay ramdam na ramdam ang diwa at ang pag-ibig na umiiral tuwing sasapit ang araw na ito.


Kabi-kabilang tradisyon at iba't-ibang paraan upang gunitain ito ngunit isa lamang ang punto—maligaya ang pasko ng mga Pilipino.


Artikulo: Ayessa Clamor & Regina De Villa

Grapiks: Ericka Castillo

Commentaires


bottom of page