top of page

Sa huling pahina ng aking kwento

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 2 hours ago
  • 2 min read

Mahal kong Sinta,

 

Matagal din tayong nagsama at sadyang kay bilis ng panahon. Akalain mo, apat na taon na pala ang nagdaan? At sa buong panahon na nanatili ako sa ‘yo,, hindi ko maiwasang itanong sa sarili—Sinta, naging tahanan ka nga ba para sa akin?


ree

Aaminin ko, may kirot sa aking puso habang sinusulat ang liham na ito, marahil hindi ko tiyak kung ano ang pinaka dahilan. Maaaring dahil hindi pa handa ang sarili na lisanin ang nakasanayan o sadyang mabigat ang bawat buntong hininga dahil nasasariwa ang mga hinagpis ko habang ginugugol ang oras at lakas mairaos lang bawat danas sa iyo. 


Sa tuwing naaalala ko ang bawat saglit na ako’y nasa iyong piling. Sa loob man ng mainit na silid o sa mga pasilyo kung saan iba’t ibang kwento ang nabuo, bumabalik ang sigla at pagkasabik ko bilang isang estudyante. Pumasok akong uhaw sa karunungan ngunit hindi ko lubos isipin na lalabas pa rin akong uhaw sa maraming aspeto.


Sa unang taon ko sa iyo, ang tanging pangarap ko lang ay pagyamanin ang aking kaalaman at kakayahan, ngunit higit pa rito ang ipinakita mo sa akin. Tinuruan mo akong matuto ng may mas malalim na layunin. Higit sa pagiging maalam, ipinaunawa mo sa akin ang kahalagahan ng pagiging mulat.


Minulat mo ako sa maraming bagay kaya’t hindi na nakapagtataka na lalabas ako ng pamantasan na uhaw sa hustisya. Ipinakita mo sa akin ang tunay na anyo ng estado, ipinaunawa ang kasalukuyang kalagayan ng lipunan at ngayo’y tangan ko sa aking mga pangarap ang pag-aasam ng magandang kinabukasan hindi lamang para sa sarili, pati na rin  sa sariling bayan. 


At sa paglisan ko, ako ay mananatiling uhaw sa pagkatuto. Patuloy na aaralin ang lipunan at huhubugin ang sarili upang magamit ang karunungang ipinamana mo. Dito man nagtatapos ang buhay ko bilang isang mag-aaral, hindi magwawakas ang pag-iral ng aking hangarin na matuto pa.


Bakit ko nga ba naitanong kung naging tahanan ka nga ba sa kabila ng paghubog mo sa akin? Dahil minsan, naaalala ko ang pagkakataong hindi ka nakasandig sa pangangailangan ko. Hindi ko itatanggi, nawawalan ako ng pag-asa sa tuwing naririnig ko ang mga isyu na ang mga estudyante ang dehado. 


May mga desisyon na ang sabi ay para sa ikauunlad ng pamantasan. Mga planong ang sabi ay tunay na makakatulong ngunit kung susuriin, hindi lahat ay mabibigyan ng pantay na pagtrato. Kung para sa amin ang mga iyan, bakit kami ang nailalagay sa alanganin?


Gayunpaman, salamat pa rin dahil ang mga hamon na ipinaranas mo ang naging daan upang kilalanin pa ang sarili sa mas malalim na lente. 


Sana sa mga susunod na taon ay mas matutunan nang pakinggan ang mga hinaing ng sangkaestudyantehan. Sana sa mga susunod na taon ay tunay na makita ang pangangailangan ng mga mag-aaral na pilit naghahanap ng paraan upang tugunan ang iyong pagkukulang. Sana sa mga susunod na pagkakataon, ang espasyo sa loob at labas ng paaralan ay tunay na magsilbing kanlungan ng mga estudyante kung saan sila ay malayang nakapagpapahayag.


Kung ang aming sigaw ay kami’y para sa bayan, sana ang pamantasan ay tunay na para sa mga isko at iska na minsa’y naging tulad ko.


Nagmamahal,

Ang iyong iskolar


Artikulo: Yzabelle Jasmine Liwag

Grapiks: Alyssa San Diego

Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page