top of page

Anim na PUP campus, nanindigan sa malawakang walkout kontra-korapsyon

Writer: The Communicator
The Communicator
39 minutes ago
2 min read

Libo-libong estudyante mula sa anim na kampus ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) system ang lumahok sa malawakang ‘walkout para sa edukasyon at pananagutan’ na ikinasa noong Biyernes, Setyembre 18.



Suot ang itim na damit, kabilang sa mga ipinanawagan ng mga progresibong grupo ng Iskolar ng Bayan ang mas mataas na pondo para sa pamantasan, pagtutol sa National Polytechnic University (NPU) Bill, at pagkondena sa inisyatibang Pax Silica, ilang araw bago ang ika-54 anibersaryo ng deklarasyon ng Batas Militar. 


Giit ni PUP Student Regent JP Azusano, kinatawan ng 107,000 mag-aaral ng PUP sa Board of Regents, ang walkout ay pagkilala sa paulit-ulit na laban at pagkakait ng dapat aniya’y sapat na badyet ng unibersidad.


“Taon-taon na lang po kaming nananawagan ng sapat na budget sa edukasyon, pero taon-taon din po kaming pinagdadamutan,” ani Azusano.


Matatandaang ₱3.5 bilyon lamang ang inilaan para sa PUP System sa ilalim ng National Expenditure Program para sa Fiscal Year 2027, malayo sa ₱15.7 bilyong panukalang badyet ng pamantasan.  Dagdag ni SAMASA PUP Education and Research Officer Sunora Ampatua Buleg, ang pondong magbebenepisyo sana sa sektor ng edukasyon ay napupunta sa mga anyo ng represyon at sa mga ahensyang nadadawit sa korapsyon. 


“Walang budget na nakalaan [para] sa edukasyon, pero bilyon-bilyon naman ang napupunta sa militarisasyon, pasismo, at mga ahensyang tulad ng DND, DPWH, Office of the President, at NTF-ELCAC na matagal nang nakaugnay sa korapsyon at naniniktik sa ating mga kabataan,” saad ni Buleg. 


Para kay PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM) Vice President Tracy Ramos, mahalagang dumalo ang mga kabataan sa mga pagkilos upang makiisa sa laban para sa pagbabago. “Importante na ‘yong mga kabataan ay dumalo at magpadalo sa mga ganitong klaseng pagkilos dahil, katulad sa kung paano ang mga kabataan noong panahon ng batas-militar, tungkulin din natin na lumaban at makibaka para sa isinusulong nating pagbabago.”


Ang anim na kampus na lumahok sa protesta ay ang Maynila, Taguig, Quezon City, Maragondon (Cavite), Sto. Tomas (Batangas), at Sta. Rosa (Laguna), ayon kay PUP SKM Councilor Dave Bolima.


Sa Maynila, nagsagawa ng mga lokal na programa ang iba’t ibang kolehiyo na dumugtong sa ikinasang mobilisasyon ng College of Communication (COC) sa tarangkahan nito, habang idinaan naman sa noise barrage at snake rally ang unang bugso ng protesta sa Main Academic Building.Bumuhos man ang malakas na ulan sa kalagitnaan ng sentralisadong programa sa kahabaan ng University Avenue sa Main Campus, ipinagpatuloy ng mga estudyante ang pagkilos.Mapayapang nagtapos ang programa sa isang kultural na pagtatanghal ng Panday Sining PUP, kasabay ng pagbabato ng putik ng mga lider-estudyante sa watawat ng Estados Unidos bilang simbolo ng pagtutol sa proyektong Pax Silica.


Article: Samuel Dexter Eneluna

Graphics: Nicole Beverly Maniego


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page