Ang Pakiki-BEKI ng mga Karakter sa Pelikula
- The Communicator
- Jun 27
- 5 min read
Sa pakiki-beki sa mahabang panahon, patuloy na pinapanday ng mga bakla o bading na karakter at friend of the pod na direktor at manunulat ang identidad ng mga bakla sa lipunan. Mula sa katatawanan hanggang sa repleksyon ng sosyo-kultural na reyalidad ng mga bakla sa lipunan, itinayo ang bahagharing barikada na nagpoprotekta at nagpapakilala ng kanilang tunay na identidad sa iba’t ibang sulok ng lipunan.

Isa sa mga tanyag at kilalang artistang gumagampan ng iba’t ibang uri ng baklang karakter ay si Jose Marie Borja Viceral o mas kilala bilang Vice Ganda. Isang host, komedyante, aktor, at asawa.
Kilala si Vice bilang isang baklang komedyante sa industriya. Madalas siyang makita sa noontime show na It’s Showtime bilang isa sa mga host ng programa. Sa tuwing hahawak siya ng mikropono at magsasalita, halakhak ang laging naririnig sa likod ng kamera mula sa mga manonood ng live show o kahit sa tahanan ng bawat Pilipinong sumusubaybay.
Gaya na lamang ng maraming representasyon ng mga bading sa pelikula noong dekada ‘80 hanggang sa pagtatapos ng ika-20 siglo, madalas silang ginagamit bilang karakter para sa purong katatawanan lamang.
Ngunit para sa mga batang bakla na nanonood ng telebisyon sa kanilang mga bahay at nakikita ang isang tulad ni Vice—isang baklang sikat at minamahal ng tao—hindi lang pagiging komedyante ang nakikita nila, kundi isang pag-asa. Isang pag-asa sa kabila ng pangungutya at pananakot na huwag maging bading dahil ito ay kahinaan at kalapastanganan umano ayon sa macho-pyudal na sistema.
Noong 1980 hanggang 1999, bukod sa isa lamang kasangkapan sa katatawanan sa pelikula at magkaroon ng mahinang karakter na palaging naghahabol sa o kailangan sagipin ng ng pogi at machong lalaki, tanging kalamyaan, kahinaan, at kalandian ang ipininta ng sistemang macho-pyudal sa mga bakla—o kahit ang mga babaeng karakter din.
Hindi matapang. Malamya. At pagpapatawa lamang ang gampanin sa lipunan. Ganiyan kung ilarawan noon ang mga bading sa pelikula.
Ngunit sa pagtagal ng panahon at pamumulaklak ng mga bakla sa bansa, nagkaroon ng mga pelikulang bumabago sa maling kaisipan, pagkatao, at gampanin nila sa lipunan.
Gaya ng Markova: Comfort Gay ni Gil Portes na ginampanan ni Dolphy na nagpapakita ng malagim na sinapit ng mga bakla noong panahon ng mga Hapon. Ibinida rin nito kung paano lumaban pabalik ang mga bakla para sa katarungan, pati na rin ang pagtutulungan ng komunidad sa kanilang pagtanda. Ang pagtutulungang ito ay ang unang bumasag sa bulok na paniniwalang tatanda mag-isa at walang magiging katuwang ang mga bading.
Sinundan pa ito ng ilang pelikula tulad na lamang ng Die Beautiful ni Jun Robles Lana na pinagbidahan ni Paolo Ballesteros. Ibinida nito ang makulay na istorya ng isang trans woman na si Trisha na nagnanais manalo sa isang pageant, at inilaban ang kaniyang identidad, oryentasyon, at simpleng pamilya. Tinalakay rin nito ang malagim na sinapit ng mga baklang lumaki sa istrikto at konserbatibong pamilya na ibinabasura ang identidad at oryentasyon ng kanilang mga anak.
Iba’t iba man ang kwento at tema ng mga pelikulang ito, iisa lang ang ipinapakita nitong layunin: ipaglaban ang identidad at basagin ang maling pagkakakilanlan sa mga bakla.
Gaya ni Vice, bilang isang artista at may impluwensya, hindi niya pinalampas ang mga pagkakataon para maipakita ang iba’t ibang uri ng bakla sa lipunan. Ang mga karakter at palabas niya ang nagsisilbing barikada para sa pagprotekta ng identidad ng mga bakla sa lipunan, at siya ring babasag sa macho-pyudal na paniniwala.
Hindi lang para sa katatawanan ang mga karakter ni Vice. Inilabas at itinawid din nito ang iba’t ibang uri ng bakla sa lipunan. Mula sa matapang na indibidwal, hanggang sa mapag-arugang magulang, itinaguyod niya sa tulong ng mga direktor at manunulat ng pelikula ang tunay na identidad ng mga bading sa Pilipinas.
Matapang, mapagmahal, at may karapatan.
Tulad ng mga karakter ni Vice na sina Benjamin Santos sa pelikulang Praybeyt Benjamin 1 & 2 at si Gandarra ng The Revengers Squad na ipinakita ang kapangyarihan ng lipstick, maaari ding maging tagapagtanggol ng bayan ang mga bakla. Ang mga karakter na ito, parehong bading—parehong matapang at ipinagtatanggol ang kapwa nila laban sa mga masasama.
Maaari din silang maging isang mabait, mapagmahal, at mapagbigay na anak at kapatid tulad ni Belat ng Fantastica at si Moira sa The Mall the Merrier! sa kabila ng hindi pagkakaunawaan at pagkakaroon ng hindi maayos na pagsasama. Inuna ng mga baklang karakter na ito ang kalagayan ng kani-kanilang pamilya kaysa sa sarili. Ganito rin ipinakilala ang karakter ni Mark sa pelikulang Girl, Boy, Bakla, Tomboy.
Hindi rin mailalayo ang kultura ng pagiging “breadwinner” ng mga bakla sa kanilang pamilya.
Gaya ni Bambi na isang overseas Filipino worker (OFW) sa And the Breadwinner is… na ibinigay ang kaniyang buhay at oras para sa ikabubuti ng kaniyang pamilya kahit pa sariling buhay at potensyal na pagkakaroon ng sariling pamilya ang nawala sa kaniya. Bukod sa kaniyang kadakilaan, ibinahagi rin ang kwento ni Boy—kaniyang kapatid na isa ring bading—na nais kumawala sa kultura ng pagiging “breadwinner” ng mga bakla.
Mag-isa man o may kinakasama, ang pagbuo ng isang masayang pamilya ang pangarap ng maraming bading sa Pilipinas. Ang maging isang magulang gaya nina Eric sa Beauty and the Bestie, si Twinkle mula sa Call me Mother, at syempre si Ninang Arci sa The Super Parental Guardian na pare-parehong kumupkop ng mga batang kanilang ginabayan, sinuportahan, at minahal nang lubos na parang tunay na anak.
Ang mga pelikulang ito ang nagtayo ng bahagharing barikada na nagpoprotekta at kumikilala sa mga baklang nagnanais magkaroon ng pamilya. Binuwag nito ang paniniwalang hindi magkakaroon ng sariling pamilya at anak ang mga bading na pinili ang kanilang tunay na identidad at oryentasyon.
Ang mga istorya ng mga nasabing karakter ang bumuo at patuloy na bumubuo ng identidad ng iba’t ibang uri ng bakla at ng mga problemang kanilang kinakaharap.
Ang mga karakter na ginampanan ni Vice ay hindi lamang para sa pelikulang pakikibaka. May personal na koneksyon ito sa kaniyang tunay na buhay bilang isang Pilipinong baklang nagnanais magmahal ng kung sino ang gusto niyang mahalin, kilalanin at tanggapin ang kaniyang identidad at oryentasyon, at magkaroon ng sariling pamilya na may pantay na proteksyon at karapatan sa mata ng batas, sistema, at lipunan.
Ngunit sa dami ng bilang ng mga pelikulang nagsisilbing representasyon ng mga bading, marami pa ring mga likhang pelikula ang nakaranas ng hindi pagtanggap na nagdulot ng patuloy na pag-iral ng maling paniniwala sa mga bakla.
Isang halimbawa nito ay ang pagbibigay ng “X rating”—na nangangahulugang hindi puwedeng ipalabas sa mga sinehan ang isang pelikula—sa pelikulang Dreamboi ni Rodina Singh na tumatalakay sa isyu at reyalidad ng mga trans woman at bakla sa lipunan. Bagama’t iniba at ginawang Rated 18 o R18 ang pelikula, hindi mawawala sa kasaysayan nito na muntik na itong hindi maipakita sa publiko.
Sa bansang patuloy na hindi binibigyang pansin ang karapatan ng mga bakla at ng buong komunidad ng LGBTQIA+, hindi madali at hindi singtamis ng mga katapusan ng pelikula ang reyalidad ng mga bading sa bansa. Kung kaya’t patuloy ang paglikha ng mga ganitong uri ng pelikula na nagtatatag at nagdadala ng boses ng mga bakla sa mas malawak na sektor sa ng pamayanan.
Dahil kung patuloy na magkakaroon ng iba’t ibang kwento ng karahasan at diskriminasyon ang mga bakla sa lipunan, paulit-ulit na masasalamin ng mga pelikula ang reyalidad, paghihirap ng LGBTQIA+ community, at ang kakulangan ng estado sa pagtugon sa panawagan ng mga bakla. Ano pa man ang mangyari, dadalhin at dadalhin nila ang laban na ito sa larangan ng midya—sa pamamagitan ng pelikula—upang iparinig at ipakita ang kanilang mga hinaing at panawagang nagsimula at hindi lamang natatapos sa lansangan.
Artikulo: Klarenz Palomer
Grapiks: Kent Bicol



Comments