top of page

Ang mga extraterrestrial at ang espasyong binago

Writer: The CommunicatorThe Communicator

Nagbago bigla ang takbo ng mundo, lalo na para sa mga babae.


Sa isang iglap, binago ng “evil” Women’s Union League Above the Hierarchy of Love and All Hatred (WULAHLAH) ang Earth. Grupo sila ng mga kababaihang galing sa extraterrestrial na mundo. Mula sa kanilang mundo, dinala nila sa Earth ang kanilang ideolohiyang, “Ang bawat espasyo ay para sa babae.” Kahit saang larangan, babae ang nakatataas, ang masusunod, at titingalain.



Kung saan man ang eksaktong lugar na pinagmulan ng WULAHLAH sa libo-libong kalawakan, walang kahit na sinumang researcher o scientist sa mundo ang nakadiskubre dito. Hindi rin ito, kahit minsan, binanggit ng kahit sinong miyembro ng WULAHLAH sa kahit anong interviews, billboards, biographies, at movies nila. Ang mga impormasyon lang na kanilang nababanggit ay ang vital statistics, menstruation dates, cravings, fashion choices, skin care routines, make-up tutorial, at kanilang mga paborito na bagay.


Sa kanilang pananatili sa Earth, marami ang nagbago—lalo na ang takbo ng buhay ng kababaihan.

Ang mga nakaupong lider ngayon ay mga babae—mula sa mataas na posisyon hanggang sa baba. Sila na ang may hawak ng mundo ng politika. Wala nang maririnig na komentong, “Hindi dapat maging lider ang babae,” o kaya’y “Masyadong emosyonal ang mga babae para maging presidente.” Ang sino mang marinig na magsabi nito ay mapaparusahan.


Isa pa, hindi basta-basta nakaboboto ng mga lider ang kalalakihan. Usap-usapan na tatanggalin ang karapatan nilang bumoto at makapag-aral dahil, “Lalaki lang naman sila. Ang lugar nila ay sa bahay at magbantay.”


Kahit sa trabaho, kahit ano pang larangan iyan, babae ang magdedesisyon kung paano ito tatakbo. Dahil dito ay nabibigyan na rin ng pansin ang dating tila normal na patakaran ukol sa sitwasyon ng kababaihan. Tulad na lamang ng kung dati ay napaka-ikli lamang ng maternal leave at minsa’y wala pa itong bayad, ngayon ay may sapat ng panahon—mula sa pagbubuntis, panganganak, at pag-adjust sa bagong buhay—ang kung sino mang kukuha nito, at sila ay may sahod pa rin. 


Kapag naman dumating na ang menstrual cycle ay may karapatan na ang kahit sinong babae na hindi pumasok sa paaralan at trabaho. Hindi ito dapat kwestyunin ninuman—lalo na’ng mga lalaki.


Dahil na rin sa pagpasok ng WULAHLAH, mas nakikilala ng karamihan ang legacy ng mga kababaihan sa kasaysayan na hanggang sa kasalukuyang panahon ay relevant dahil sa pagpaprayoritisa at pagroromantisa na rin dito ng linya ng mga babaeng pinuno ng sektor ng edukasyon. Ebidensya ang nakasabit na Frida Kahlo art pieces sa bawat bahay, sold out na meet-up ng angkan ni honorable Marie Curie na si Marie Curie VI, at libo-libong movies tungkol sa buhay ni Mary Wollstonecraft.


Kahit saang larangan pa man ‘yan, nabibigyan na ng pagkilala ang mga kababaihang nag-alay at nagpamalas ng kanilang katalinuhan at kakayahan. Hindi na sila nagagamit o nananakawan ng pagkilala. Hindi na sila napupunta sa likod ng mga lalaki—sila na ang nasa harap, pangalan na nila ang nakasulat at binabanggit.


Sa mundong ang babae ang nagdodomina sa lahat, ang masaklap na katotohanan sa mga lalaki ay ang pagbabago ng trato sa kanila sa lahat ng sektor partikular sa politika, edukasyon, ekonomiya, oportunidad, at mga pamantayang panlipunan.


Ang mga damit ng lalaki ay laging napupuna. Mas gusto ng WULAHLAH na ito ay mas maikli o kaya’y hapit sa katawan—at kung may mangyari man sa kanila ay sila pa rin ang may kasalanan dahil, “Bakit gan’yan ang suot mo?”


Binuboses na rin ng karamihan ang hindi nila pagkagusto sa katawan ng isang lalaki tulad na lamang sa kanilang timbang, laki ng dibdib, buhok sa katawan, at hubog ng katawan. Kapag hindi gusto ng isang babae, sinasabi nila ito, “Para sa amin kasing mga babae, ayaw namin ng gan’yan.”


Sa pampublikong sakayan naman, ipit na ipit na ang upo ng mga lalaki dahil sa “womanspreading” ng mga babae kung umupo—nakabukaka sila at hindi pinapansin ang masikip na espasyo ng mga katabi.

Sa interview naman para sa trabaho, hindi pumapasa ang karamihan sa mga lalaki sa “female intuitions” ng opisyal na kababaihan sa departamento ng human resource, executive at managerial positions. Isa pa sa mga dahilan ay ang kawalan ng mga kalalakihan ng emotional intelligence at pagkakaroon ng anger issues na nakaaapekto sa working environment ng lahat.


Dagdag pa rito, patuloy na tumataas ang porsyento ng mga lalaking nakararanas ng kaso ng sexual harassment, catcalling, stalking, husband beating, force marriage, at rape. Bago pa kasi makarating ang kaso sa mataas na hukuman ng WULAHLAH, sa kamay pa lamang ng mga Female Police ay binabasura na ang kaso kung nagkaroon ng body reaction ang isang lalaki o may matagpuang sperm cells sa babae. Kapag kasi ganito ang nangyari, para sa mga Female Police, consensual ang nangyari o walang halong pagpipilit ng sarili. May mga binabato ring dahilan tulad ng ginusto rin ito, dapat na lamang magtiis, wala pa namang nangyayari, at baka kasalanan din naman ng mga lalaki dahil sa kanilang suot o pag-uugali. 


Hinulma rin ng WULAHLAH ang katagang “Babae kasi!” na isang nakalalasong justification sa bawat kasong pangkasarian sa mundo.


Kung kaya ang mga lalaki ay napipilitang itikom na lamang ang bibig, kapag lumaban mas lalala ang isyu. Tuwing nakararanas ng pang-aabuso, ang mga lalaki ay umiinom na lamang ng alak o litro ng protein shakes. Kahit mas malakas ang kalalakihan sa pisikal na aspeto, wala silang laban sa aphrodisiac elements na galing sa WULAHLAH na sangkap ng bawat pabango ng isang babae. Sa pamamagitan nito nanghihina sila rito at ang “taboo masculine libido” nila ay nati-trigger, dahilan kung bakit sila nakokontrol ng mga babae.


Ang dominasyon ng mga kababaihan sa pangunguna ng WULAHLAH ay tahasang ikinahon ang mga kalalakihan sa mga pamantayan na walang kahit anong kapaki-pakinabang sa estadong maaari nilang makamit sa kabila ng kanilang pagsusumikap.


Ang mga boses ng mga lalaki na sumisigaw ng paglaban sa hindi pantay na pagtrato ay natatabunan ng daan-daang mga magazine ng kanilang katawan; industriya ng gym at protein shakes; kasuotang cropped shirts, ties, at jorts; kanilang anger issues at limitadong emotional intelligence; natural nilang body reactions at libido; at iba pa.


Maingay ang mga lalaki ngunit nagbibingi-bingihan at nagbubulag-bulagan ang WULAHLAH. Kahit ano pang samahan o organisasyon ng mga lalaki, dahil nga hawak na ng kababaihan ang desisyon lalo na sa politika, hindi ito makalulusot—kahit may batas para sa proteksyon ng kalalakihan, hindi ito sapat at lagi itong malulusutan ng kababaihan upang mas idiin ang mga lalaki.


Dahil dito, marami na ring lalaki ang tumatahimik at tinanggap na lamang ang trato sa kanila ng mundo.


Kung saan man nanggaling ang motibasyon o inspirasyon ng WULAHLAH na sakupin ang mundong ito, walang nakakaalam. Ang hula sa online community ng mga lalaki na ngayon ay censored na, ang mga miyembro ng WULAHLAH ay umalis sa sarili nilang planeta dahil sa patriarchal na lipunang kanilang kinalakihan pagkatapos nila itong baguhin tulad ng kanilang ginawa sa Earth. Samakatuwid, paghihiganti sa mga lalaki ang dahilan ng kanilang itinakdang trato at ekspektasyon sa mga kalalakihan dito sa planetang Earth na walang kahirap-hirap nilang nagagawa dahil sa kanilang extraterrestrial na abilidad.


Dahil sa trauma na natamo ng WULAHLAH sa mga kalahi nilang lalaki, na kahit ilang taon na ang nakalipas, ay hindi pa rin natatapos ang paghihiganti. Umabot pa sa puntong kahit ibang planeta, kanila itong binago. 


Kung kaya kabaligtaran ito sa pagtratong pinararanas nila sa mga kababaihan sa planetang ito. Kita sa pagkiling ng kapangyarihan at karapatan sa mga babae—nasa katuwiran man o wala. Sa pamamalakad ng WULAHLAH higit ang kalayaan ng mga kababaihan na maipakita ang mga potensyal nila sa lipunan sa pamamagitan ng hindi mabilang na oportunidad na mayroon sila. Hindi ito nadidiktahan sa paraan ng pananamit, pagkilos, at ekspresyon—malaya ang mga babae.


Mapalad na maging babae sa espasyong disenyo ng extraterrestrial na WULAHLAH. Nilapat ng mga miyembro nito ang kanilang buong pagmamahal sa kaparehas nilang kasarian. Samantalang walang katapusang paghihiganti naman sa mga kalalakihan na nagdudulot ng diskriminasyon, opresyon, at kawalan ng karapatang pantao. 


Sa mundong ito, ang babae ay lalaki; at lalaki ay ang babae. Mas pabor ang kapangyarihan sa kung sino ang may hawak nito—at sa mundong ito, mga babae ang nakaupo sa trono at umuukupa ng mga espasyo.


Hanggang nasa Earth ang WULAHLAH.


Sana.


Artikulo: Jessica Mae Galicto at Jossa Rafoncel

Dibuho: Jamie Rose Recto

Comentarii


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page