top of page

USL Basketball: Lady Radicals, kinapos sa Lady Red Warriors, babawi sa pag-arangkada sa Semis

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • Apr 13
  • 2 min read

Bumandera ang katatagan ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) Lady Radicals sa nalalabing apat na minuto ng laban upang burahin ang kanilang mabagal na entrada kontra University of the East (UE) Red Warriors, ngunit napurnada ang kanilang huling ratsada matapos magtala ng  11-0 run ang mga taga-Recto upang selyuhan ang 64-51 panalo sa Union Sports League (USL) sa Hoops Haven Gymnasium, Pasay City, noong Linggo, Abril 12.



Sinandalan ng Red Warriors ang Player of the Game na si Rachel Lacayanga sa opensa na may kabuaang 16 na puntos sahog ang siyam na boards, apat na assists, at dalawang steals.


Sa kabila nito, hindi basta bumigay ang PUP at inangkin ang momentum matapos dahan-dahang lustayin ang 18-puntos na kalamangan ng UE sa ikatlong frame upang muling buhayin ang laban sa pagpasok ng ikahuling quarter.


Hindi nagpatinag ang prized guard ng Lady Radicals na si Karen Francisco matapos bumalandra ng agarang apat na puntos para ibaba ang kalamangan ng Red Warriors sa pitong markers, 51-44.


Bumawi kaagad ang UE sa epektibong pasa at hook nina Lacayanga at Roshelle Lumibao para subukang tuldukan ang scoring run ng PUP.


Samantala, bumida pa rin ang solidong depensa at opensa ng Lady Radicals matapos magtala ng 7-0 scoring run sa bisa ng mid-range shots at 3-pointer ni 3-level scorer na si Gladymae Casupang upang idikit ang laban sa 53-51.


Matapos pwersahin ang matinding paghabol, ipinako na ng UE ang PUP sa iskor na 51 at bumirada ng 11-0 na kampanya sa huling minuto dahilan para masikwat at mapigilan ang late comeback bid ng PUP.Gayunpaman, naging positibo si coach Buboy Rodriguez ng PUP Lady Radicals dahil sa ipinakitang depensa at hustle ng kanyang koponan. “Kayang-kaya natin makasabay at manalo sa mga susunod pa nating mga laban specially sa next level of competition which is the Stepladder Semifinals,” wika ni Rodriguez.


“Lagi namang may lesson every setback… [we must] not give up in every possession, work as a team pa on both offense and defense, [at] continuous communication lang all the time para maiwasan ang miscommunication,’ dagdag pa niya.


Pinatunayan ni Casupang na sa kabila ng pagkatalo, kayang makipagsabayan ng Lady Radicals at bumwelta siya ng 13 puntos, limang steals, dalawang rebound, at ang clutch three sa huling frame.


“Mas lalo pa po kaming hoping para sa mga upcoming games namin… Kaya naman po [pala] namin makipagsabayan specially sa mga UAAP players [kahit] mabibigat at magagaling po talaga,” wika ni Casupang.


Minamata ngayon ng PUP Lady Radicals na ibagahe ang kanilang unang panalo kontra sa UAAP teams sa paparating na stepladder semifinals ng USL, kung saan bitbit ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers ang bentahe matapos walisin ang elimination round.


Article: King David Manghi

Graphics/Illustrations: Kent Bicol


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page