USL Basketball: Lady Radicals, winakasan kampanya ng Lady Dolphins; abante sa susunod na step-ladder encounter
- The Communicator
- 2 days ago
- 2 min read
Tuluyan nang pinauwi ng PUP Lady Radicals ang Philippine Christian University-Manila (PCU-M) Lady Dolphins matapos itong lunurin sa do-or-die game at i-ukit ang dominanteng 77-64 panalo sa step-ladder route ng Union Sports League (USL) Season 2 sa Hoops Haven Center noong Abril 19.

Pinangunahan ni 3-level scorer at Player of the Game (POG) Gladymae Casupang ang opensa matapos bumwelta ng all-around performance, 25 puntos, anim na boards, tatlong assists, at walong steals.
Ayon kay Casupang, tiwala sa isa’t isa ang naging susi sa kabila ng matinding pressure ng do-or-die game.“Grabe yung binitawan nilang depensa sa amin, [pero] nakinig lang kami sa coaches and specially nag-focus talaga kami kasi do-or-die game,” wika ni Casupang.“Hindi lang po ako yung POG dito, pati rin po yung buong team ko dahil hindi lang po ako ‘yung nagtrabaho, kasama ko po sila as a team,” dagdag pa niya.
Tangan ang kumpiyansa mula sa tiwala ng kanilang team captain, nag-ambag din ng 14 markers at limang rebounds sa loob lamang ng 15 minuto si Hasme Ema para sa PUP.
Inagos at hindi na napakinabangan ng Lady Dolphins ang 21 puntos at 12 boards ni Merry Paderes matapos maunsyami ang kanilang tangkang paghabol.
Hindi na lumingon pa ang PUP at tinangay ang 10-puntos na bentahe sa kabuuan ng laban.Ayon kay Coach Buboy Rodriguez, doble-kayod pa ang inaasahan niya sa kanyang mga iskolar-atleta para sa susunod pang mga laro. “We will double our defensive lock in para mas mapigilan namin ang scorers ng kabilang koponan… Discipline ourselves [pa] and make good decisions in every possession of the game,” wika ni Coach Rodriguez.
Dahil sa dominanteng panalo, makakaharap muli ng Rank 4 Lady Radicals ang Rank 3 Lady Red Warriors ng University of the East (UE), na siyang huling nagpataob sa koponan,sa susunod na yugto ng step-ladder match sa Abril 26.
Article: King David Manghi
Graphics/Illustrations: Justine Ceniza




Comments