top of page

Tunay na State of the Nation, idineklara ng mga iskolar ng bayan

Writer's picture: Alec Marc ReguyaAlec Marc Reguya

Dalawang araw bago ang paghahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ng kanyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA), nauna na ang deklarasyon ng mga iskolar ng bayan sa “Deklarasyon ng mga Iskolar ng Bayan: PUP State of the Youth Address (SOYA)” sa PUP Main Gate kahapon, July 22.

Nagkaisang nagtipon ang mga iskolar na nagmula sa iba’t ibang mga grupo at organisasyon ng kabataan sa unibersidad. Unang sigaw sa pagsisimula ng programa ay ang paglaban para sa academic freedom. Natalakay rin ang iba pang mga isyu na kinakaharap ng kabataan sa loob at labas ng pamantasan.


Kinondena ni PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM) Vice President Kirchhoff Angala ang malawakang pangre-redtag sa mga progresibong estudyante at mga grupo na mayroon ang sintang paaralan.


"Tatanggapin po natin ang hamon na ito [at] kinakailangan nating mapagpasiyahang [ipaglugod] ang isang ligtas na pamantasan at bayan," dagdag pa niya.


Binigyang-diin din ang isyung pumapalibot sa press freedom na kung saan tinalakay ang represyon na ginagawa ng estado sa mga alternatibong midya tulad ng Bulatlat na kung saan ipina-block ng National Telecommunications Commission (NTC) ang website nito, at pagtawag ng ligtas na pagbabalik-operasyon sa mga publikasyon.


"Mananatili ang mga kampus-mamamahayag sa mandato nitong magsilbi sa interes ng mga mamamayan at ipagpapatuloy [ang] paglaban sa ngalan ng malayang pamamahayag," saad ng Alyansa ng Kabataang Mamamahayag ng PUP (AKM-PUP).


Tampok din ang tambalang Marcos-Duterte nang ilang beses na ipinahayag ng mga iskolar ang kanilang pagtutol sa pagpapabaya ng mga ito sa usaping ligtas na pagbabalik-eskwela, pagwawalang-bahala o hindi pag-seryoso sa lagay ng ekonomiya matapos pilit na itanggi ni Bongbong na malaki itong problema ng bansa matapos na tumaas ang grado ng implasyon.


Naging bahagi rin ng mga deklarasyon ang mga suliraning bumabalot sa bansa patungkol sa malawakang disimpormasyon at ang panawagang itigil ang pagsuko sa interes ng mamamayan laban sa Tsina at sa mga isyu ng sining, pampalakasan, at sa LGBTQIA+ community, at iba pa.


Nagbigay naman ng pahayag si Kabataan Party-list (KPL) Representative Raoul Manuel bago tapusin ang programa kung saan binigyang-pugay niya ang isinagawang SOYA 2022, sapagkat patotoo aniya ito na “ang kabataan ay lumalahok at may pakialam sa nagaganap sa ating bayan.”


Ipinakita naman ni KPL Rep. Manuel ang resibo (patunay) ng mga nai-file nilang mga panukalang batas at resolusyon na hango mula sa itinatag nilang 9-Point Youth Agenda at naglalayon na masagot ang ilan sa mga matitinding isyu na kinakaharap ng mga kabataan.


Sa pagtatapos ng programa, inihayag ng mga iskolar ng bayan ang pagtatag sa DEFEND PUP. Isa itong multi-sektoral na alyansa na binubuo mula ng mga mag-aaral, kaguruan, mga organisasyon, alumni, at iba pang mga bahagi ng komunidad ng pamantasan.


Layon ng bagong tatag na alyansa na "maitaguyod at maipaglaban ang demokratikong karapatan at kalayaan ng mga PUPians," ayon kay Angelo Mamis, convenor ng DEFEND PUP.

Comments


bottom of page