top of page

Sino nga ba ang Tunay na Oposisyon?

  • Writer: The Communicator
    The Communicator
  • 8 minutes ago
  • 6 min read

Mahalagang demokratikong hakbangin ang paglulunsad ng mga survey at mock elections ng iba't ibang progresibong organisasyon sa unibersidad, sapagkat naipapakita nito ang mga posibleng mahalal sa puwesto, mapa-lokal man o nasyonal na antas. Sa pamamagitan din nito, nasisiyasat ang tindig ng bawat Iskolar ng Bayan.


Kamakailan lamang, inilabas na ang resulta ng ISKORBOARD 2025, isang mock poll na isinagawa mula Abril 12-18 sa pangunguna ng The Communicator, ang opisyal na pahayagan ng Polytechnic University of the Philippines - College of Communication (PUP-COC). Mula sa 805 na voter turnout, nanguna si Kiko Pangilinan ng Liberal Party (LP) na may 697 na boto para sa pagka-senador, na siyang sinundan nina Bam Aquino (IND) na nakakuha ng 681 at Arlene Brosas ng Makabayan (MKBYN) na may 661 na boto. Samantala, nanguna naman sa mga party-lists ang Akbayan na nakatanggap ng 322 na boto, habang hindi nalalayo ang Kabataan na pinili naman ng 303 COCians. 


Ngayong paparating na ang midterm elections, importanteng nagsisimula na tayong maging mabusisi sa mga kandidato at maging handa para sa matalinong pagboto ng mga nais nating mahalal. Batay sa Commission on Elections (COMELEC), 66 na indibidwal para sa pagka-senador at 156 naman na mga party-lists ang kumakandidato sa nasyonal na antas. Sa dami ng mga ito, 12 lamang ang bakanteng pwesto sa senado at 63 naman sa kamara. 


Hindi maitatangging naging maganda at katanggap-tanggap ang resulta ng isinigawang mock poll para sa mga kabataang alagad ng midya sapagkat ang mga kandidato sa pagka-senador na nakapasok sa Magic 12 ay talaga namang may maaayos na track record at mga plataporma. Nariyan ang nangungunang si Pangilinan na noon pa man ay ipinamalas na ang kaniyang mga adhikain sa sektor ng agrikultura, si Aquino para naman sa sektor ng edukasyon, at Brosas para sa kababaihan. Idagdag pa ang ibang mga kandidato mula sa Koalisyong Makabayan na sila namang naglalayong dinggin sa senado ang hinaing ng taumbayan upang tiyakin ang estadong nakabubuhay sa lahat.


Tiyak din sa Akbayan at Kabataan ang representasyon para sa mga katulad naming kabataang estudyante at miyembro ng LGBTQIA+ community na nagpapatunay ng kanilang tunay na representasyon at pagtugon sa pangangailangan ng iba't ibang sektor sa ating lipunan. Nagpapakita lamang ang naging matalinong pagbotong ito ng mga kabataan na may pag-asang magkaroon ang ating bansa ng mga kawani sa gobyernong mayroong malinaw at maayos na hangarin para sa ating mga Pilipino.


Bukod pa rito, ang pangunguna sa survey ng mga nasabing kandidato ay katiyakan din ng pagkakaroong muli ng mas maraming oposisyon sa pamahalaan. Ngunit sa kanilang lahat, sino nga ba ang maituturing na tunay na oposisyon?


Mula nang maupo si dating Pangulong Rodrigo Duterte, ang LP umano ang nangungunang partido-oposisyon na kumakatawan sa ideyolohiyang taliwas sa pinaniniwalaan ng administrasyon. Dito mas nakilala si Pangilinan at Aquino bunsod ng kanilang ugnayan sa LP. Sa kasalukuyan, si Pangilinan lang ang tumatakbo sa ilalim ng nasabing partido habang si Aquino naman ay isang independent candidate.


Kung titignan ang naging resulta ng mock poll, maaaring isa sa rason bakit ang Kiko-Bam tandem ang pinili ng COCians ay dahil sa layunin nilang wakasan ang bulok na sistema ng pulitika—dikit sa rason ng bawat mamamayan na gusto ng pagbabago. Ngunit noong Pebrero ngayong taon, naglabas ng pahayag si Aquino hinggil sa terminong binansag sa tandem na mukha umano sila ng oposisyon laban sa mga kandidatong suportado ng kasalukuyang administrasyon. Mariin ang pagtanggi ni Aquino rito sapagkat ang midya lang umano ang nagbabansag sa kanila nito pero sa kasalukuyang pampulitikang klima, bakit tila nilalayo ng Kiko-Bam tandem ang kanilang sarili sa pagiging mukha ng oposisyon kung ang layunin naman nila ay baguhin ang bulok na pulitika ng kasalukuyang sistema? Mayroon ba silang rason upang hindi yakapin nang buong-buo ang pagiging ‘oposisyon’?


Ngayon, kung hindi ang Kiko-Bam tandem ang mukha ng oposisyon, ang tanong muli ay sino ba talaga ang tunay na magiging oposisyon ng bayan?


Sa resulta ng pareho pa ring survey, kalakhan ng ibinoto ng COCians ay mula sa Koalisyong Makabayan, partikular kina Arlene Brosas, Danilo Ramos, Teddy Casino, Ronnel Arambulo, France Castro, Liza Maza, at Mimi Doringo. Ang Koalisyong Makabayan ay isang pambansa-demokratikong koalisyon na binubuo ng 12 party-lists. Sa kasalukuyan, 4 na party-lists lamang ang kumakandidato sa ilalim ng nasabing koalisyon, partikular ang Bayan Muna, Kabataan, Gabriela, at Alliance of Concerned Teachers o kilala bilang ACT Teachers.


Inanunsyo ng Makabayan ang kanilang kandidatura sa pagka-senador noong Hulyo ng nakaraang taon na may temang #TaumbayanSaSenado kung saan 11 sa kanila ang tumatakbo. Binansagan nila mismo ang koalisyon bilang ‘oposisyon ng bayan’ na kumakatawan sa interes ng sambayanang Pilipino.


Sa oras ng kanilang pangangampanya, sumesentro ang Makabayan sa pagsusulong ng makabagong tipo ng pulitika kung saan taumbayan ang nakaupo sa kongreso at hindi galing sa angkan ng mga pulitiko. Pareho sa layunin at adhikain ng Kiko-Bam, ngunit hindi lumalayo sa pagiging oposisyon.


Matatandaan na pinangunahan ng Makabayan ang pangalawang impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte na ngayo’y napatalsik na sa mababang kapulungan ng kongreso noong Enero. Ang koalisyon din ang nakapaglathala ng mga anomalya sa loob ng tanggapan ng Bise Presidente, partikular sa usapin ng confidential funds.


Magulo ang kasalukuyang sistema ng gobyerno bunsod ng makalumang tipo ng pulitika. Kung hindi magbibigkis ang mga may layunin magsilbi sa sambayanan upang wakasan ang bulok na sistema, paano na lamang ang kinabukasan ng bawat Pilipino?


Talagang napakahalaga at kailangan na muling magkaroon ng matitino, tunay na mga lingkod-bayan, at mas maraming oposisyon sa ating pamahalaan, sapagkat sila ang tiyak na maaasahan nating tutugon sa ating mga pangangailangan, magbibigay solusyon sa ating mga problema, at siyang magsisiyasat at pupuna sa bawat mali at palpak na mga hakbang ng kasalukuyang administrasyon. Subalit, sa kasalukuyang lagay ng mga nangungunang kandidato sa mga national surveys, nakababahalang malaki pa rin ang posibilidad na hindi ang mga nasa listahan nating mga kabataan ang mahalal sa puwesto.


Ayon sa pinakabagong ulat ng OCTA Research noong Abril 30 hinggil sa iboboto ng taumbayan sa kongreso, nangunguna si Bong Go ng PDP Laban na sinundan ni Erwin Tulfo ng LAKAS. Malayong-malayo sa resulta ng mga pagsisiyasat ng kampus pahayagan at konseho. Bagama’t kasama ang Kiko-Bam tandem sa ulat na may ranggong 9-18, laksa ang layo ng Koalisyong Makabayan sa resulta at mas mataas pa rin sa kanila ang mga kandidatong sina Ben Tulfo, Tito Sotto ng NPC, at ilan pang nag-aagawan ng pwesto sa ranggo 3-10.


  Sa kabilang banda, ang mababang turnout ng mga boto sa mock election, hindi lamang ng mga COCians, kundi pati na rin ng iba pang mga Iskolar sa PUP—ang lalong nagpapahina sa resulta ng ating mga surveys.


Sa COC, datapwa’t naabot ang sample size ng mga estudyante ay hindi naman ito nangalahati sa kabuuang bilang ng mga COCians na nasa mahigit 2,000. Mababa at hindi man lamang din nga umabot sa 25% ng populasyon ng PUPians ang mga lumahok sa PULSO PUP, isang university-wide mock polls. Maaaring ang naging rason nito ay ang pagsabay ng paglabas ng survey sa Semana Santa, kung saan ay nasa bakasyon ang karamihan at ang iba naman ay tambak ang mga gawaing pang-akademiko. Ngunit kung tutuusin, hindi naman kalabisan at malaking abala ang paglahok dito. Isa pa, maraming araw ding nakabukas at hindi nagsasara ang mga survey forms.


Kung susumahin, tagumpay man at nagkaroon ng maayos na resulta ang  ang mga mock polls sa pamantasan, hindi naman katanggap-tanggap ang mababa at mahinang partisipasyon ng mga Iskolar ng Bayan dito. Paano tayo magkakaroon ng mga maaayos na lider at oposisyon sa pamahalaan kung iilan lamang naman sa atin ang aktibong nakikilahok sa mga survey na dapat sana ay magpapakitang ang mga pinili nating kandidato ang karapat-dapat na maluklok sa puwesto?


Huwag sana nating kalimutang tayong mga kabataan ang may hawak ng pinakamalaking populasyon ng mga botante ngayong halalan, kung kaya’t lubhang mahalaga ang partisipasyon at matalinong pagboto natin sa araw na ito. Dito, malaki ang posibilidad na kung hindi man lahat ay marami sa mga kandidato at partidong ating pinipili ang mahahalal, bagay na magiging daan upang tuluyan na muli tayong magkaroon ng oposisyon na napakaimportante ngunit matagal nang kulang sa ating gobyerno.


Sa mga pangalan ng mga kandidato at partidong nakalagay sa resulta ng ISKORBOARD 2025, rinig na rinig ang boses nating mga kabataan na nagnanais ng pagbabago, pag-unlad, at pag-angat nating mga Pilipino, kaya naman lalo pa sana natin itong palakasin sa pamamagitan ng pagkampanya sa mga karapat-dapat na kandidato at tunay na oposisyon sa pamahalaan, gayundin sa pagboto nang matalino ngayong darating na halalan.




Artikulo: Earies Porcioncula & Elijah Pineda

Dibuho: Glaciane Kelly Lacerna


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page