Tubo ng Negros: Mapait Dahil sa Pulang Tubig na Pandilig
Sa lupang pawis at dugo ng mga magsasaka ang patubig, kailanman, hindi tatamis ang tubong nakatanim dito. Gaya ng isang matandang tubo na may malagong damo, lumago rin ang bunga sa mga sanga ng problemang naka-ugat sa lupa na nagdala ng iba’t ibang kalupitan sa mga magsasaka.

Sa kabila ng matamis na imahe ng Negros dahil sa tubo, hindi maitatago ng mga berdugo ang mapait na katotohanan sa lupang sakahan na may halong dugo ang tubig na pang dilig.
Ayon sa isang mangunguma—magsasaka sa Hiligaynon—mula sa Negros Occidental na si Rena “Grace” Nabias o si Nanay Grace, makikita ang patuloy na kahirapan, kalupitan, at karahasan na dinaranas ng mga uring magsasaka at manggagawa sa kanilang lugar.
Mula sa pag-agaw ng mga lupang sakahan, pananamantala, hanggang sa paggapas ng mga buhay na lumaki sa sakahan, hindi pa rin nakakamit ang tunay na kapayapaan at katarungan sa Isla ng Negros.
Ang Kasaysayan ng Dugo sa Negros
Mula sa malagim na diktadura ni Marcos Sr. hanggang sa mala-pyudal na administrasyon ni Marcos Jr., patuloy na lumalaki ang mga punlang itinanim sa lupang may nakalibing at dugong panubig. Sa kahit anong tamis na tumutubong tubo, mas nalalasahan ng mga magsasaka ang alat ng kanilang luha at ang pait ng kanilang pamumuhay.
Sa panayam ng The Communicator kay Nanay Grace, nang dumating sa usaping militarisasyon at kaso ng paglabag sa karapatang pantao sa Negros, hindi maitatago ng salamin niya ang mga luhang patuloy na umaagos dahil sa mga buhay na nawala at patuloy na pagpapahirap ng estado sa kanila.
Sa gitna ng kanyang paghihimay, nakakatindig-balahibong marinig ang araw-araw na kanilang kinakaharap sa bukirin ng Negros.
“Binantaan yung mga mangunguma at mamumugon (manggagawa) na [huwag] magprotesta at [huwag] magsasama sa lahat ng diyalogo sa lahat ng mga ahensya ng gobyerno, sabi nila, NPA na raw [kami]. Binabantaan [kami], ni-re-red-tag, riding-in-tandem, yung panghuhuli, pangha-harass, [pagmasaker], [at pagpatay],” malungkot na ibinahagi ni Nanay Grace.
Nang lumalim pa ang usapan ukol sa karahasang hinaharap nila, hindi na napigilan ni Nanay Grace ang pagtulo ng kanyang mga luha. Mula sa pagtalakay ng mga buhay na inalay noong Escalante Massacre, Negros 14, Sagay 9, at hanggang sa kasalukuyang Toboso 19, muling inalala niya ang mga buhay na tumindig para sa lupang sakahan.
“Tulad ng Negros 14…at saka yung Sagay 9, nagbungkalan ’yon, sa hasyenda,” sa pag-alala niya.
Matatandaan na ang Negros 14 ay ang 14 na nasawing magsasaka sa Negros Occidental noong Marso 30, 2019. Ayon sa ulat ng fact-finding team, pinasok umano ng mga kapulisan ang bahay ng mga biktima upang barilin at taniman ng mga baril at bala. Mariing tinanggi naman ito ng mga kaanak ng mga nasawi at inakusahan ang estado na ito ay pag-atake sa mga militanteng grupong lumalaban.
Padamdam namang kinuwento ni Nanay Grace ang mga magsasakang nag-aasam lamang ng lupa ngunit bala ang ibinigay—ang Sagay 9. Sa kanyang malungkot na pagkukwento, binigyang-diin niya ang inisyatiba ng mga magsasaka na bungkalin ang lupang nakatiwangwang at dalhin sa Department of Agrarian Reform (DAR) para makuha ang lupang iyon.
“Kasi [pinoproseso] sa DAR yung CARP nila, in-applyan na ng CARP (Comprehensive Agrarian Reform Program, isang programang namamahagi ng pribado at pampublikong lupain sa mga magsasaka at manggagawang bukid)… hindi ibinigay, nakatiwangwang lang yung lupain, ginalaw nila, ayun, nagbungkalan sila.”
Dagdag pa niya, matapos ang mahabang araw ng pagbubungkal na umabot sa pagsapit ng gabi, sa mga oras na nagpapahinga ang mga magsasaka, bigla silang pinasok ng mga armadong tao at sila ay pinutukan ng baril sa itinayong tolda de kampanya. “[Pagsapit ng gabi], minasaker sila, lahat sila namatay, siyam yung namatay sa Sagay 9.”
Bukod sa pagbibigay-diin ni Nanay Grace sa pagsukli ng bala sa inisytibang pagtatanim ng mga magsasaka sa Sagay, inalala rin niya ang pagpapatahimik sa mga magsasakang lumaban noong panahon ng batas militar—ang Escalante massacre.
“Katulad po ng Escalante massacre… hindi [nila] gusto na mag mataas ng boses [ang mga magsasaka]…na ibigay yung lupa, sahod, at karapatan…” paghambing niya ng Sagay 9 sa nakaraan ng mga magsasaka noong batas militar.
Mahigit 40 ang tinamaan ng bala noon sa malawakang kilos-protesta sa Escalante, Negros Occidental. Kinitil ng estado ang buhay ng 20 na magsasaka habang lubhang sugatan naman ang 24 na iba pa. Tinagurian itong “Bloody Thursday” dahil sa dami ng buhay na nawala sa paglaban para sa lupa at karapatan.
Bagama’t pinagtibay ng Korte Suprema ang hatol na may sala ang tatlong pulis na sangkot, nakalaya rin sila noong 2007 sa pamamagitan ng parole.
Hindi na nga nabigyan ng lupa ang mga magsasaka, ninakawan pa ng hustisya ang mga magsasakang inutangan ng dugo.
Kung may Escalante massacre noong diktadura ni Marcos Sr., may Toboso 19 naman sa administrasyon ni Marcos Jr. Mahigit apat na dekada na ang lumipas, parehong dahilan pa rin ang pagkamatay ng mga lumalabang magsasaka: lupang sakahan, sahod na makatarungan, at karapatan.
Sa gitna ng panayam kay Nanay Grace, hindi na nito napigilan ang kanyang luha tungkol sa Negros 19—lalo na nang kinilala niya ang mga nasawi gaya ni RJ Ledesma, isang community journalist sa Negros na pinatay ng militar.
“Tapos naman, sa panahon naman ni Marcos Jr. ngayon, ang namatay katulad ng Negros (Toboso) 19… kasama sila Alyssa Alano, RJ Ledesma, Errol, at kasamahan nilang iba para magbigay ng kaalaman ang mga tao doon sa Toboso kung paano ang [proseso] ng lupain nila kung sa kanila na ba o hindi pa” maluhang ipinahayag ni Nanay Grace.
Binigyang-diin din niya na kaya naroon sina RJ at Alyssa ay para tumulong sa mga magsasaka na nag-aasam na makuha ang kanilang lupang sinasakahan.
“Mga advocate yon sila, doon nagpunta kasi tumulong, hindi pa naibigay lupa. [Bumisita] lang sila [sa] lupain ng Toboso, yan yung nagawa nila, nag meeting sila kasi may organisasyon nanghingi ng tulong [para] sa mga bukid natin kasi, yun naman yung may ari ng lupa eh.” aniya.
Ayon sa ulat ni Dr. Raquel Fortun, isang independent forensic pathologist, sa likod ang tama ng mga nasawing sibilyan kaya malabong nagkaroon ng sagupaan sa pagitan ng Toboso 19 at ng 79th Infantry Battalion.
Sa kabila ng kasaysayan ng pag-agos ng dugo sa Negros, hindi pa rin binigyang pansin ang numero unong dahilan ng mga mangunguma at mamumugong patuloy na lumalaban sa estado—ang malaya nilang pagkontrol sa lupang sakahan.
Ang Mapait na Tubong Hinarap ng mga Mangunguma at Mamumugon
Para kay Nanay Grace, hindi pa tapos ang militanteng paglaban para sa lupa at paggiit ng karapatan sa makatarungang sahod dahil sa mapang-abusong pyudalismo.
Ayon kay Nanay Grace, matapos kunin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kalahating ektaryang lupa na kanilang sinasaka, dahil parte umano ito ng gubat, lumipat sila sa katabi nitong tubuhan na pagmamay-ari ng isang negosyanteng panginoong may lupa—ang mga Lizares—para ipagpatuloy ang kanilang pagtatrabaho.
Paggagapas ng damo at pag-aani ng tubo ang trabaho nila sa tubuhan. Sa isang ektaryang lupa, 20 na tao ang kailangan para trabahuhin ang mga tubo. At ang bayad sa 20 katao na 'yon? 2,000 na piso lamang, napaghahatian ng 20 mga mamumugon na nagtrabaho.
“Yung isang ektarya, trabahuin [ng] 20 katao, mag-2,000 yung rate niya, hati-hatiin nyo yung 2,000 sa 20 katao,” aniya.
Tinatayang 100 pesos lang ang nauuwi nilang kita sa isang araw—hindi pa nga nila minsan nakukuha ang sahod kapag hindi nila naubos ang isang ektaryang tubuhan—kahit pa konti na lang ang natitira. “Tapos, sa isang araw kapag hindi niyo maubos, hindi niyo makuha ang 100 [kahit] 20 katao yung nagtrabaho, pag ‘di naubos,” ika ni Nanay Grace.
Para kay Nanay Grace, kasama ang kanyang limang anak, hindi talaga kasya ang 100 pesos kada araw o 500 pesos sa isang linggo para matugunan ang kanilang mga gastusin sa bahay.
“Yung isang linggo, hindi kasya ’yon kapag budget-in sa [pamilyang anim ang miyembro] sa loob ng bahay. Sa bigas pa lang, kulang pa yon, hindi kasya. Kaya sobrang hirap ng pagtrabaho sa pagawaan,” pagbabahagi niya ng hirap nila bilang isang pamilya.
Bukod sa pagkait sa kanila ng nakabubuhay na sahod, pinagkaitan din sila ng maayos na benepisyo bilang isang manggagawa sa ilalim ng tubuhan ng mga Lizares. Kahit simpleng benepisyo, hindi pa nila ibinibigay.
“Hindi ‘yon nila pinataasan yung sahod namin. Sa paglalaban namin, nagpunta kami sa kanila, ang dialouge na pataasan yung sahod namin, bigyan kami ng benepisyo tulad ng social amilyar bonus at 13th month, hindi po nila binigay samin,” anang Nanay Grace.
Kaya hindi na nakakapagtaka kung patuloy na babangon at mag-aaklas ang mga magsasaka sa kanayunan dahil sa mga ganitong uri ng pang-aalipin at pang-aabuso. Hindi na nga binigyan ng lupang sakahan at madalas ay inaagaw pa sa kanila ang lupa na kanilang kinalakihan, hindi pa sila bibigyan ng makatarungang sahod at aabusuhin pa ang kanilang lakas.
Hindi talaga kasing tamis ng tubo ang buhay ng mga magsasaka sa kanayunan.
Pagtindig sa Lupa, Patuloy na Pakikibaka
Kaya naman ngayong buwan ng mga magbubukid, iba't ibang programa ang inilunsad ng mga magsasaka. Mula sa kampuhan ng mga magsasaka sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno, hanggang sa pagsasagawa ng malakihang kilos-protesta tuwing Oktubre 21.
Noong Oktubre 15, bilang bahagi ng mga programang inilunsad ng mga magbubukid, nagtayo ng kampuhan sa gilid ng DENR ang mga magsasaka upang manawagan ng maayos na tugon sa papalapit na Super El Niño. Ngunit sa pagsapit ng gabi, binulabog ng mga kapulisan ang mga nagpapahingang magbubukid at sapilitang pinalayas at binaklas ang itinayong kampuhan. Dahil sa bilang ng mga pulis at gabi na rin, sumunod na lang ang mga magsasaka at lumipat sa Vinzons Hall sa UP Diliman para itayo ang kampuhan nila.
Nagsagawa rin ng porum ang mga grupo mula sa iba’t ibang sektor ng agrikultura sa Diliman para pag-usapan ang kasalukuyang nangyayari sa mga magsasaka at ang mas malalang haharapin ng mga magsasaka pagsapit ng Super El Niño. Dito ko nakilala si Nanay Grace. Napansin ko agad ang kanyang kuwento dahil narinig ko ang malakas niyang boses at ang hindi pangkaraniwang lengguwaheng bihira marinig sa kalunsuran.
At noong bumalik sa QC Circle ang mga magsasaka para magtayo ng kampuhan sa harap ng DAR, pasismo agad ang sumalubong sa kanila. Hinablot ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang mga kawayang nagsisilbing pundasyon ng kanilang kampuhan at sinaktan ang mga magsasaka at kabataang dinedepensahan ang kampuhan.
Nakita ko sa mga ulat na bidyo, ang isang matandang may pulang bandana sa ulo na matapang at militanteng hinaharap ang mga pulis—si Nanay Grace. Paggising ba naman ng umaga sa Negros, mukha na agad ng pasismo ang haharap sa’yo—ang malawakang militarisasyon. Kaya hindi na nakakagulat na makita ang isang payat na matanda sa harapan na nilalabanan ang pasismo ng kapulisan. Pinanday ng inhustisya at inekwalidad ang pagtindig ni Nanay Grace para sa karapatan.
At para naman sa Araw ng mga Magbubukid noong Oktubre 21, nagmartsa ang mga magsasaka tungo sa Mendiola para muling kalampagin ang palasyo at ipanawagan ang tunay na reporma sa lupa, pagtaas ng sahod, dagdag na suporta sa agrikultura, at maayos na solusyon para sa darating na Super El Niño.
Hindi pa ako pinapanganak nang ginagawa ang paglaban na ito ng mga magsasaka mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas. Minsan nga’y umaabot ng pitong dekada ang paglaban ng mga magsasaka para sa lupa at karapatan—hindi lang simpleng lupa ang kanilang minamana minsan, pati na rin ang responsibilidad na protektahan ito laban sa mga gahaman.
Gaya ni Nanay Grace na halos apat na dekada nang mangunguma, simple lang naman ang kanilang sinisigaw sa lansangan: tunay na reporma sa lupa, mataas na sahod, pagprotekta sa kanilang mga karapatan, at tunay na kapayapaan sa mga Isla ng Negros at mailayo ang presensya ng militarisasyon.
“Doon sa Negros napakahirap…yung panawagan ko, ihinto [ang] militarisasyon sa bukirin, sahod, lupa, karapatan, at edukasyon ang hinihingi namin. Yun lang po,” aniya.
Ngunit sa kabila nito, pasismo pa rin ang tugon ng estado sa mga magsasakang lumalaban. Kung kaya’t patuloy na lumalago ang pinunlang mala-pyudal na sistema na nagbubunga ng mapait na karanasan sa bawat magsasaka.
At sa patuloy na pagbalewala at hindi pagkilala sa karapatan ng mga magsasaka, lalong-lalo na sa Negros, patuloy na pupula ang mga bukirin, papait ang mga pananim, at uusbong sa paligid ang linga ng paghihimagsik laban sa dambuhalang tubo ng pyudalismo.
“Gusto namin malinaw yung mga magsasaka at mangagawa sa tubuhan. Yun lang po,” huling pagbabahagi ni Nanay Grace.
Artikulo: Klarenz Palomer
Dibuho: Allaine Chesca Arcaya




Comments