top of page

404: (De)Code Me Not

5 days ago
8 min read

Updated: 4 days ago

May mga multong hindi galing sa namatay, at may mga pagluluksa na walang bangkay. Gaya ng mga taong matagal nang wala sa ating buhay, ngunit sa kung anong dahilan, nananatili pa rin sa ating puso't isipan. Nananahan sila sa mga kantang minsan nating pinakinggan, sa mga salitang bigla na lang sumasagi sa ating isipan, at sa mga munting bagay na para sa iba’y ordinaryo lamang. 



Marahil, sila ang mga multong hindi tulad ng nakasanayan. Wala sila sa abandonadong bahay o lumang libingan, kundi sa mga bakas na minsang naging bahagi natin. Siguro, tulad sila ng isang code na naghihintay na ma-decipher—mga palaisipang patuloy nating binabalikan sa pag-asang may mabuong sagot mula sa mga alaala ng nakaraan. At kung may clues mang dapat sundan, marahil naroon ito sa mga ordinaryong bagay na minsan nating binigyang-kahulugan. 


Code #1: Source Clues 


Minsan, ang mga bagay na tila walang halaga sa iba ay nagiging makabuluhan sa atin—na para bang sikretong wika na tayo lang ang may alam. Ngunit ang bawat lihim na ito ay may unang salitang binigkas; ang bawat kahulugang nabuo ay may pagkakataong pinagmulan. At ang amin ay nagsimula sa isang gabing hindi ko inakalang magiging kuwentong ibabahagi ko ngayon. 


Naalala ko pa, malamig noong gabing iyon at ako’y nakatalukbong sa kumot habang walang humpay sa pag-scroll sa aking cellphone. Napukaw ang atensyon ko ng isang advertisement tungkol sa isang social media platform. Dala ng kuryosidad, pinindot ko ang link na siyang nagdala sa akin sa website kung saan ako ay gumawa ng account at nakihalubilo.


Pero sa tagal ng pakikipag-usap ko, napagtanto ko na wala naman akong mapapala rito at binulong sa sarili: “Okay, last na ’to.” Pero sa pagbabalik-tanaw ko, nakakatawa kung paanong ang mga oras na ‘yon ay siya pa lang simula ng kwentong mananahan sa aking isipan.


Sa muling pagsubok ko, nakilala ko si Lebanon James (hindi niya tunay na pangalan). Hindi ko mapigilan ang tawa ko—mahilig kasi siya sa basketball, kaya ayun ang ngalan niya. Mula roon, nagsimula na ang palitan ng biro at mga kuwentong hindi namin kailangang pag-isipan nang husto.


Dahil sa kakaiba niyang username at bansag ng mga kaibigan niya sa kanya, doon ko siya binigyan ng palayaw na “random dude.” Sa mga nagdaan pang pag-uusap, doon ko nalaman ang isa pang palatandaan ng kanyang pagkakakilanlan: isa siyang color blind.


Sa isang gabing wala naman akong inaasahang mangyari, nauwi kami sa tawanan, pagpapalitan ng mga birong kami lang ang nagkakaunawaan, at mga kuwentuhang mas malalim kaysa sa inaakala kong mapag-uusapan namin ng isang estranghero.


Napunta kami sa usapang kamatayan at sa mga bagay na matagal na naming kinikimkim—kapwa hindi magaan ang aming mga pasan. Pareho kaming may dalang mga isipang hindi mapatahimik at mga damdaming hindi malaman kung saan ilalagay. Maraming bagay ang nangyayari sa aming mga ulo—mga alalahaning nagsasabay-sabay, mga tanong na walang kasiguraduhan, at mga bigat na hindi kayang tumbasan ng ilang oras na tulog. 


Sa unang pagkakataon, nakakahiyang aminin na nakatagpo ako ng taong kayang umunawa sa mga bahaging hindi ko kayang kilalanin—ang mga bagay na hindi ko pinapansin sa aking sarili. Maaaring para sa iba ay isa lamang iyong kakaibang paraan ng pagkakakilala, ngunit sa gitna ng mga biruan at seryosong pag-uusap, may kung anong pamilyaridad akong nararamdaman: “In him, I found a friend,” nakangiti kong sinulat sa aking journal noong gabing iyon. 


Dagdag pa sa kanyang mga palatandaan, siya lang ang kayang umunawa sa mga bagay sa aking sarili na hindi ko maipaliwanag sa iba at sa aking sarili.


At dahil tila hindi pa sapat ang pagiging kakaiba ng aming unang pagkikita, napunta rin kami sa paghahambing ng aming mga sarili sa mga hayop—kung hindi kami tao, ano kaya kami? Centipede raw siya; butterfly naman ako. Siya’y anino, sanay sa sulok at dilim, habang ako ang kulay—nakakatawa lang, paano niya kaya ako nakikitang makulay kung hindi siya makakita ng kulay?


Dalawang magkaibang mundo na, sa hindi inaasahang pagkakataon, ay minsang nagtagpo sa isang kuwento. Simpleng tanong lamang iyon noon; hindi ko namalayang may naunang bakas ang gabing iyon sa mga pahinang binuklat ko ilang buwan ang nakalipas.


Marahil, ganoon talaga nagsisimula ang ilang kuwento: sa mga detalyeng tila walang halaga, sa mga tanong na walang malalim na pakay, at sa mga tagpong hindi natin alam na minsan pala nating hahanapin sa hinaharap.


Code #2: Sino ako sa mga Mata mo? 


Bawat usap, bawat biro, at bawat mumunting pangyayari ay tila nagdagdag ng panibagong piraso sa kuwentong noon ay wala pa kaming ideyang balang araw ay babalikan.


Hindi ko alam kung kailan ako naging paruparo sa kanyang mga mata. Marahil, sa mga gabing ginawa niyang sisidlan ng mga salitang hindi niya mailugar sa sariling isip; sa mga pagkakataong ipinagkatiwala niya sa akin ang mga kaguluhang hindi niya kayang patahimikin. Gumagaan daw ang kaniyang loob sa tuwing nailalabas niya ang mga iyon, at sa paanong paraan ay nagiging mas malinaw ang mga bagay na dati'y nababalot ng kalituhan. 


Naalala ko kung paano niya ako hinikayat na huwag hayaang takutin ako ng mundo at mamuhay ayon sa buhay na lagi kong ninanais. Sinundan pa niya ito ng isang tila walang-pakundangang pagbabanta: “Hey world, don't scare this girl right here or I'll kill ya!” 


Napatawa na lang ako noong gabing iyon, ngunit sa likod ng biro, may isang bagay na hindi ko basta malimutan—may isang tao palang handang manindigan para sa akin. Marahil, iyon din ang isa sa mga dahilan kung bakit naging paruparo ako sa kaniyang paningin, at kung bakit sa piling niya, kahit saglit, nakalimutan kong nakakatakot pala ang mundo.


Naalala ko ang isa sa mga pagkakataong nagkuwento ako sa kaniya kung gaano kahirap humanap ng dahilan upang magpatuloy sa mundong tila walang katapusang naghahain ng sakit at paghihirap. “But trust me, it's not worth it. There's a lot more shit to explore!” tugon niya.


Sa halip na kontrahin ako, tinanong niya kung mayroon ba akong mga bagay na nais patunayan sa sarili ko, “I don't know, something na ikaka-proud ng sarili mo,” aniya. 


Minsan na rin pala siyang napunta sa ganoong kalagayan, kaya pala parang isang batang musmos ang tingin niya sa akin na kailangang turuan ng mga aral sa buhay—mga reyalidad na kailangang tanggapin. 


“Life isn't just about pain and suffering,” sabi niya, na para bang nais niyang ipaalala sa akin na hindi lamang sa mga sugat nasusukat ang isang buhay. 


Bagaman hindi pangako ang bigay ng mga salita niya noon, sa pagbabahagi niya ng sariling karanasan ay ipinakita niyang magiging magaan ang lahat at mas makikilala ko pa nang lubusan ang aking sarili.


Sa kanyang presensya, ang mga bagay na matagal kong ikinahihiya ay nabigyan ng bagong kahulugan. Kaya minsan, hindi lang ang tao ang nawala, kundi maging ang bersyon ng sarili na minsan niyang ipinakita sa akin.


Matagal nang may kakaibang bigat ang pangalan ko. Sa kabila ng tunog nitong nagmula sa salitang lovely, hindi ganoon kadaling paniwalaan na para ito sa akin na hindi kamahal-mahal ang nararamdaman. Ngunit sa dami ng boses sa paligid ko, may isang nanaig: “you’re lovely, lovely.” 


May kung anong nangyari sa sandaling iyon na hindi ko maipaliwanag. Para bang may harding biglang sumibol sa isang mundong kanina lamang ay payak at walang kulay. Tila nabalot ng bulaklak at halimuyak nito ang paligid habang sinasayaw ng hangin ang aking buhok sa himig ng isang romantikong awitin. 


Natulala ako; nawala sa isip ko ang lahat ng maaaring isagot. Hindi iyon ang karaniwang kilig na ikinukuwento ng iba. Isa iyong panandaliang pagkaligaw sa bakuran ng aking pakiramdam na hindi ko alam kung saan nanggaling. At sa kabila ng pagiging payak ng kaniyang sinabi, may bahagi sa akin na tila noon lamang nakilala ang kahulugan ng sarili kong pangalan. 


Hindi niya iniba ang mga titik, bigkas, o ang pagkakakilanlang matagal ko nang dala, kundi ang kahulugang kinabit niya rito.


Code #3: Kay Gandang mga Mata 


Kung ang pangalan ko ang naging paksa ng kaniyang papuri, ang mga mata naman niya ang isa sa mga bahaging nais kong makita niya sa ibang paraan. Sanay siyang tingnan ang mga ito bilang isang bagay na may kakulangan at hindi madaling pahalagahan. 


“But trust me, he has the prettiest eyes,” nakangiti kong sinulat sa aking journal. Madalas kong pagmasdan ang kanyang mga mata; nangungusap ang mga ito. May mga pagkakataong mas marami pa silang nasasabi kaysa sa mga lumalabas sa kaniyang bibig. 


Matagal kong pinanatili sa pagitan ng aking mga labi ang paghangang iyon hanggang sa tuluyan ko ring naipahayag. “You have the prettiest eyes.”


Sapat nang tumingin nang may malalim na pag-unawa. At iyon ang isa sa mga dahilan kung bakit mahirap silang kalimutan. Kung ang isang tao ang naging dahilan upang makita natin ang sarili sa bagong perspektiba, paano natin pananatilihin ang bagong pagtinging iyon kapag wala na siya?


At kung minsan, hindi natin alam kung alin ang mas mahirap bitawan: ang taong wala na o ang panahong mas madali nating minahal ang ating sarili dahil naroon siya. Marahil, dito mas mahirap i-decipher ang code. Hindi na lamang mga salita ang nagmumulto, kundi maging ang mga what if, could have, at should have. 


Code #4: Saang Kabanata ka Nawala?


Hindi lahat ng alaalang naiwan ay malinaw ang katapusan. May mga kuwentong unti-unting naputol nang hindi man lang natin namalayang papalapit na pala sa huling pahina. Sa mga salitang hindi nasambit, mga tanong na hindi naitanong, at sa mga pagkakataong hindi na muling dumating, doon nagsimulang mabuo ang mga puwang sa puso na hirap mapangalanan.


Kung may mga pahinang minsan nakasulat ang kuwento ng aming pagtatagpo at pagsasama, hindi mawawala sa isang kabanata ang mga pahinang magsasabi ng aming paghihiwalay ng landas.


May mga panahong pareho kaming nilalamon ng aming mga isip, hanggang sa mahirap nang paghiwalayin ang pagod, lungkot, at kawalan ng pag-asa. Para bang bawat isa sa amin ay may dalang bigat na hindi kayang ipaliwanag nang buo, mga laban na hindi nakikita ng iba, at mga salitang hindi mahanapan ng tamang paglalagyan. “How can I give myself when I can’t even get out of my own damn mind?” sabi ko, dahil tila ako’y bingi na rin sa sariling tinig. 


Magkaiba man ang pinagmumulan ng aming mga sugat, pareho kaming naghahanap ng paraan upang makaraos sa mga araw na tila walang gaanong dahilan upang magpatuloy. At marahil, iyon ang isa sa mga bagay na naglapit sa amin noon: ang pagkilalang hindi pala kami nag-iisa sa ganitong uri ng pagkaligaw. 


Hindi sapat ang pagkakaunawang ito upang tuluyang maibsan ang bigat na pareho naming dala. Mga tanong, pangamba, at sariling laban ang namamayagpag sa likod ng aming mga ngiti. Siguro, ito ang dahilan kung bakit kami nawala sa isa’t isa. Nilamon kami ng mga bagay na matagal nang namamahay sa aming puso at isipan.


Ngayon, habang sinusulat ko ang kuwentong ito para hanapin ang sagot, kailangan kong balikan ang unang gabing nagsumpaan tayo na sabay na haharapin ang mundong ito. Ang mga salitang binitawan nang walang pag-aalinlangan at ang mga kasiguraduhang tayo hanggang dulo. 


Sa gabi-gabing halakhak ba natin? Sa mga malalalim na usapan? O sa mga pangakong magsasama tayo sa mahabang panahon?


Nananahan pa rin sa isip ko ang tanong na: “Saan ba tayo nagbago? Anong kabanata ka ba nawala?” Dahil ang mga bakas mo ay nakaukit na sa aking puso at isipan—mga palatandaan na gagamitin natin sa hinaharap para makilala ang isa’t isa.


200 OK: Successfully Decoded


Sa mahabang pagsasalaysay ng kuwento natin, nandito na ako sa huling yugto kung saan nakita ko na ang sagot kung bakit ka pa rin nananahan sa aking puso’t isipan. Ang mga masasayang alaala natin ang dahilan kung bakit hanggang ngayon ay minumulto mo ako. 


Paano mo bibitawan ang isang bagay na hindi mo naman lubusang nahawakan? Paano mo tatapusin ang isang kuwentong walang tiyak na epilogo? Marahil, may nagmumulto dahil may mga kuwentong hindi nabigyan ng sapat na pagkakataong matapos, mga tanong na naiwan sa kawalan, at mga posibilidad na hindi kailanman nasubukang tuparin. At kung minsan, ang posibilidad mismo ang nagiging alaala. 


Hindi ba't mas mahirap kalimutan ang isang bagay na hindi natin lubos na nalaman kung saan hahantong? Marahil, hindi ang mismong nakaraan ang nagmumulto, kundi ang mga tanong na iniwan nito sa atin. 


Siguro, hindi talaga ang nakaraan ang pilit nating hinahawakan, kundi ang mga posibilidad at oportunidad na ipinakita sa atin ng ating pagsasama. Ang mga bersyon ng bukas na hindi na natin mararanasan at ang mga sandaling hindi na mabibigyan ng panibagong pagkakataon. 


Kaya kahit wala na ang mga tao at pangyayaring pinagmulan ng mga alaalang iyon, nananatili pa rin tayong kumakapit—hindi dahil hindi natin kayang magpatuloy, kundi dahil may mga bahaging natututo lamang magpaalam nang mas mabagal kaysa sa iba.



Artikulo: Lovelie Risha Camilao

Grapiks: Justine Ceniza


Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page