top of page
Writer's pictureThe Communicator

Tsismis nga ba?: Pambansang Kasaysayan o Pansariling Kasinungalingan?

“Ang sabi kasi ng lolo ko…”


Hindi binubuo ng opinyon ang kasaysayan; ito ay pawang katotohanan lamang. Tumitingin sa bawat anggulo ng mga pangyayari at nagsusulat ng base sa mga ebidensya— mga bahagi ng pamamaraan ng isang propesyonal at responsableng mananalaysay. Ang kasaysayan ay hindi isang tsismis.

Dumaan na ang maraming dekada, at marami na ring naitala sa kasaysayan. Ang kasaysayan na binubuo ng mga ebidensya at mga estadistikang datos na nakalap ng mga eksperto. Ang bawat mahalagang pangyayari sa bansa ay binibigyang importansya upang magsilbing batayan ng mga susunod na henerasyon.

Masuring pag-aaral at mahabang panahon ang ginugol upang mabuo ang mga dokumentong nasulat hinggil sa pambansang kasaysayan; ngunit sa paglipas ng panahon, mayroon na ring nagbago at binago rito.

𝗞𝗮𝘀𝗮𝘆𝘀𝗮𝘆𝗮𝗻 𝗽𝗮𝗿𝗮 𝘀𝗮 𝗞𝗶𝗻𝗮𝗯𝘂𝗸𝗮𝘀𝗮𝗻 Hindi maiiwasan ang pagkalito ng karamihan sa tunay na kahulugan ng historical revisionism, na siyang akto ng pagbabago sa anumang naunang tala at kaalaman tungkol sa kasaysayan. Ito ay maaaring maisagawa, mabuti man o hindi ang intensyon. Dahil sa mga pagbabagong dulot ng mga patuloy na pag-aaral, naaapektuhan nito ang mga naunang nagawang pagsusuri.

Isang bahagi ng kasaysayan na kinailangan ng historical revisionism ay ang pangyayari sa pagitan ni Lapu-Lapu at Magellan. Sa kaalaman ng karamihan noon, si Lapu-Lapu ang tumapos ng buhay ni Magellan. Ngunit sa pamamagitan ng mga bagong ebidensya at pagsusuri, napatunayan na hindi si Lapu-Lapu, kung hindi ang isa sa kanyang mga kasama ang nakagawa nito.

Mahalaga ang pagbibigay pansin sa muling pagsusuri ng kasaysayan, maging ang akto ng revisionism. Ngunit dapat na maging kritikal at tandaan ang limitasyon, dahil may mga pagkakataong ito ay ginagamit na rason ng mga taong may makasariling intensyon.

Sa mga pagkakataong iyon, mas matatawag itong historical distortion. Ito ang sadyang pagpapalaganap ng mga maling impormasyon, o sa madaling pananalita, ang pagbabaluktot sa katotohanan. Naging malaking tulong ang internet sa pagkalat ng mga haka-haka at mga opinyong walang batayan.

𝗞𝗮𝘀𝗮𝘆𝘀𝗮𝘆𝗮𝗻 𝗻𝗶 𝗝𝘂𝗮𝗻: 𝗣𝗮𝗮𝗻𝗼 𝗸𝘂𝗻𝗴 𝗯𝘂𝘄𝗮𝗴𝗶𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗻𝗮𝘀𝗶𝗺𝘂𝗹𝗮𝗻? 𝗔𝗻𝗼 𝗮𝘁 𝘀𝗶𝗻𝗼 𝗮𝗻𝗴 𝗺𝗮𝗮a𝗽𝗲𝗸𝘁𝘂𝗵𝗮𝗻? Hindi natin maitatanggi ang talamak na pagsasagawa ng historical distortion, lalo sa ating bansa sa kasalukuyan. Sa panahon ngayon na iba’t ibang plataporma at social media sites ang nagbibigay daan upang mabalikan at mapanatili ang nakaraan; o hindi naman kaya ay tuluyang baguhin at bigyan ng lamat ang kasaysayan.

Kapansin-pansin din na malaking salik ang patuloy na paglaganap ng mga false (fake) news at information disorders (misinformation, malinformation, at disinformation). Maraming mga public posts, pages, at groups ang gumagawa ng paraan upang palaganapin ang ganitong klase ng gawain.

Ngunit kung papansining maigi, napakalaki ng epekto nito lalo na sa isip at sa paggawa ng desisyon ng isang tao, na patuloy na nakaaapekto sa pang-araw-araw na buhay. Kumbaga, ang ganitong paraan ay nakakapagpabago o mayroong pang-matagalang epekto. Isa ito sa malaking pundasyon sa pagkakaroon ng historical distortion.

Sa madaling salita, ang historical distortion ang unti-unting kumakain sa pag-iisip ng tao tungkol sa maling perspektibo sa kasaysayan. Kalakip ng ganitong gawain ay ang pagkakaroon ng domino effect dahil sa oras na natutunan na paniwalaan ang maling nakasanayan dala ng confirmation bias, hindi imposible na maisalin ito sa ibang tao, at ito na ang paniniwalaan nilang katotohanan.

Mula sa isang tao, milyon-milyong indibidwal ang maapektuhan; hanggang sa tumagal ang panahon, ito na ang kanilang panghahawakan.

𝗛𝗶𝗻𝗱𝗶 𝗽𝗮𝘄𝗮𝗻𝗴 𝗧𝘀𝗶𝘀𝗺𝗶𝘀 𝗼 𝗢𝗽𝗶𝗻𝘆𝗼𝗻 𝗮𝗻𝗴 𝗞𝗮𝘀𝗮𝘆𝘀𝗮𝘆𝗮𝗻 Sa kasalukuyan, kaliwa’t kanan pa rin ang paglapastangan sa kasaysayan. Ito ang humulma ng pagbaluktot sa ating bansa—gawa na rin ng mga kasikatan, kapangyarihan, at impluwensyang bumubulag sa karaniwang mamamayan upang pagdudahan ang mga batis at sanggunian; at paniwalaan ang pawang mga sabi-sabi at bulong-bulungan.

Tuwing mapapadpad ang kahit sino sa birtuwal na mundo ng social media, para bang naging isa na itong malawak na perya; tila wala ng halaga ang edukasyon at karunungan dahil kung ikumpara ang masalimuot na tanda ng nakaraan ay para na lamang itong mababaw na tsismis mula sa kalye ng maling impormasyon. Ano nga ba ang estado natin bilang mga Pilipino sa kasaysayang patuloy na nire-rebisa, at mas masaklap pa—binabaluktot?

Maraming Pilipino ang malayang gumagamit ng internet, at kahit gaano pa man karaming impormasyon ang kayang ibigay ng modernong plataporma, hindi maikakailang nananahan din dito ang mga maling impormasyon na ginagamit bilang makinarya para sa mga hangaring tulad ng pandaraya. Talaga nga bang mas matimbang ang salaysay mula sa bibig ng hindi naniniwala sa kasaysayan kumpara sa mga taong propesyon ang panatilihing batay ito sa katotohanan?

May halaga pa nga ba ang buhay na ninakaw ng rehimeng pinabagsak kung ang sumunod namang henerasyon ay bulag-bulagang ibinalik sa kanila ang trono? Bakit madali para kay Juan at Maria na mas piliing makinig sa mga artistang naging malamanyika ng maling impormasyon? Anong kredibilidad pa ba ang matitira para sa kasaysayang nagbabadyang mabura at maisulat sa perspektibong magpapabango sa iilan?

Sabi nga ng mga taong na-impluwensyahan ng kapos na kritikal na pagsusuri, “...History is like tsismis.”. Pero paano nga ba natin masasabi na tsismis ang kasaysayan sa gitna ng paglaganap ng historical distortion?

Bilang isang mamamayang Pilipino, tayo mismo ang dapat sumuri sa kung ano nga ba talaga ang totoo sa hindi, at sa kung ano tama sa mali. Ang kasaysayan ay hindi lamang isang kwento ng nakaraan na nabuo ng mga ninuno at bayani natin; ito ay mayroong malaking saysay at bahagi na ng nakaraan, kasalukuyan, at hinaharap na dapat pahalagahan gaya ng pagpapahalaga sa ating bansa.

Kaya bilang isang Pilipino, handa ka bang itakwil ang mga maling kagawian para mapanatili ang katotohanan? Pipiliin mo pa rin ba na magbulag-bulagan sa ngalan ng pansariling kasinungalingan na turo ng kultong indio pa rin ang turing sa mga karaniwan?

Artikulo: Franchesca Grace Adriano, Glaiza Chavez, at Sharona Nicole Semilla Graphics: Bien Ashley V. Alba

Comentarios

No se pudieron cargar los comentarios
Parece que hubo un problema técnico. Intenta volver a conectarte o actualiza la página.
bottom of page