Buhay COMMlehiyala
- The Communicator
- 5 minutes ago
- 3 min read
“Sa College of Communication, papasok kang pamintang buo, lalabas kang durog.”
Maraming beses ko nang narinig ang biro na ito mula nang pumasok ako sa COC. Ngunit sa unang araw ko pa lamang sa loob, natuklasan ko nang mas tama sigurong sabihin na lalabas ka nang may mas malinaw na bersyon ng sarili mo. Hindi durog, bagkus ay pinagtibay.

Sa pagpasok sa maliit na gusali ng kolehiyo, natagpuan ko ang malaking espasyo para tuklasin at ipahayag ang aking sarili sa paraang malaya at totoo. Sa paglipas ng panahon ay unti-unti kong naunawaan kung paano nga ba talaga umiikot ang buhay sa bawat sulok ng kolehiyong ito, kasama ng mga ‘danas’ na tanging isang tunay na COMMlehiyala lang ang may alam.
Walang Tanikala
Makaka-ilang hakbang ka pa lamang sa loob ay ramdam mo na agad kung bakit binansagan na ‘makulay’ ang espasyong ito, gayong pale yellow naman ang mga pader. At ang dahilan sa likod nito ay malalaman mo mismo mula sa iyong mga makakasalamuha.
Agaw-pansin kasi ang katingkaran ng boses at ideya ng bawat isa rito. Mamamangha ka na tila walang kadenang pumipigil sa kakayahan nilang magpahayag at bumuo ng mundong sila mismo ang nagdisenyo—mundong magiging tahanan mo rin ng ilang taon.
Bago ka pa makaakyat ng hagdan, makikita mo na ang COC Cheering Squad na abala sa routine nila, araw man o gabi. Ang COC Ensembles na kapag narinig mo mula sa banyo, malilito ka kung kinukuha ka na ba ni Lord dahil sa mala-anghel na himig ng mga ito. Nariyan din sa tabi ‘yung mga gumagawa ng prodwork, naghahanda sa reporting, nagpapraktis ng roleplay, at iba pang abala sa kani-kanilang mundo.
Higit pa rito, matatagpuan mo rin sa loob ang mahiwagang salamin na bubuo sa buhay COMMlehiyala mo. Ginagamit ito ng Movers and Motions, ngunit mas madalas itong nagiging lugar para sa outfit check ng mga COCians suot ang kanilang bold at esoteric outfits. Wala naman kasing pamantayan pagdating sa pananamit dito, at lalong walang sinuman ang huhusga sa ’yo.
Subalit sa anino ng makulay at maingay na katangian ng Kolehiyo ng Komunikasyon, hindi mawawala ang mga pagsubok na kakaharapin mo.
Walang tulugan
Kung tulog lang naman ang hanap mo, sa adjustment period mo lang ‘yon mararanasan. Sa COC kasi, ang gabing pahinga mo na sana ay napupunta pa sa pagtapos ng mga gawaing sabay-sabay binagsak ng mga propesor kung kailan finals na.
Tila hindi na rin mamamalayan ang pagdaan ng mga araw sa dami ng kailangan mong tapusin, dahil kung ang pera ay nauubos, ang mga gawain mo ay hindi. Maraming pagkakataon na mahimbing na ang lahat pero aligaga ka pa sa reaksyong papel na kailangang ipasa bago mag-alas dose. May reporting at quiz ka pa kasi kinabukasan, tapos filming at production naman ang kasunod.
Pero hindi lang naman puro pagdurusa ang mararanasan mo, may mga pagkakataon rin na makakatikim ka ng saya at tagumpay, lalo na kung tapos ka nang mag-record ng voice over na sampung beses mo nang inulit, o kaya naman kapag walang nabunot si prof sa artikulong isinulat mo.
Ngunit sa mga pagkakataong pakiramdam mo ay ubos ka na, mapaiisip ka na lang sa kung ano rin kaya ang mga ‘danas’ na kinaharap ng nakaraang henerasyon ng mga COMMlehiyala na minsan nang namalagi sa parehong pasilyo na kasalukuyang tinatahak mo.
Wala lang, nakaka-pressure lang
Ted Failon, Marina Summers, Papa Jack, Joy Barcoma…
Araw-araw ay nadadagdagan pa ang listahan ng mga pangalan na ito. Sa bawat linggo na lumilipas ay may bago kang madidiskubreng kilalang personalidad na dating naupo sa parehong silid ng COC at marahil ay nagpuyat din sa parehong mga dahilan.
Kaaya-ayang makita na ang mga tanyag na pangalang ito ay hinubog ng Kolehiyo ng Komunikasyon. Ngunit sa parehong hininga ay hindi maikakaila na may dala rin itong pressure. Mapapatanong ka tuloy kung gaano kalayo ang binagtas nila, kung ilang puyat, retake, at pagod din ang pinagdaanan nila, makarating lang sa kasalukuyang kinaroroonan ngayon. At… kaya mo rin kaya?
Ngunit sa kabila ng diin na kaakibat ng nagniningning na pangalan nila ay may hatid na ginhawa din ito lalo na’t alam mong ang hirap na dinaranas mo ngayon ay maaaring katulad din ng hirap na pumanday at nagpatatag sa kanila. At kung nakatawid sila mula COC patungo sa kani-kanilang tagumpay, ibig sabihin ay may pag-asang makakaya mo rin ito, sa sarili mong paraan at sarili mong panahon.
Sa pinaghalong saya at dusa ng buhay ng isang COMMlehiyala, natagpuan ko ang tinig na hindi kailanman kayang ikahon. Tinig na malaya sa anumang tanikala at handa na rin magpalaya ng iba.
Artikulo: Lian Joy Magano
Grapiks: Ronalyn Hermosa








Comments