‘Kami ang daga, sila ang pusa’: Teresa trike terminal, apektado ng NSCR
- The Communicator
- 1 hour ago
- 6 min read
Pangamba ang dulot ng eviction notice noong Hunyo 16 kay Tomas Miranda, presidente ng Hipodromo Tricycle Drivers Association (HITODA), lalo’t kasabay pa ito ng paniningil ng Philippine National Railways (PNR) sa utang na aniya’y hindi nila maipaliwanag.

“Kami ang daga, sila ang pusa,” kaniyang paghahambing sa kalagayan ng kanilang asosasyon sa kawalan ng relokasyon bunsod ng proyektong North-South Commuter Railway (NSCR).
Bahagi ito ng isinasagawang paghahanda ng Department of Transportation (DOTr) para sa nakatakdang rehabilitasyon at pagpapalawak ng istasyon ng PNR sa Sta. Mesa.
Ang nasabing proyekto ay ekstensyon ng North-South Commuter Railway (NSCR) na siyang magdurugtong sa Clark, Pampanga at Calamba, Laguna.
Dating terminal ng HITODA sa gilid ng dating PNR Sta. Mesa station (Mga kuha nina Angeline Bañoc at Henry Ramirez/The Communicator)
Tinatayang aabot sa 132 drayber at operator, bukod pa ang mga vendor sa katabing bahagi, ang direktang maaapektuhan ng nasabing proyekto na naging banta sa hanapbuhay dahil sa kawalang-konsultasyon hinggil sa relokasyon.
Dahil walang opisyal na alternatibong lokasyon na iniaalok ang DOTr para sa kanilang pansamantalang terminal, nakipag-ugnayan si Miranda kay Chairman Cristina Lara ng Barangay 630 at humiling na magamit ang bahagi ng bangketa sa tapat ng PUP Gymnasium bilang pansamantalang terminal ng asosasyon.
Ayon kay Miranda, sumang-ayon naman ang kapitan sa hiling nito. Kaya nitong Lunes, Hunyo 23, sa bangketa sa harap ng PUP Main Campus na nakapwesto ang pilahan ng HITODA.
Gayunpaman, nangangamba pa rin ang grupo dahil maaari silang hulihin ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) dahil sa bangketa lamang sila pupuwesto.
Kung sakaling Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) ang makasita sa kanila, hindi sila basta-basta mahuhuli dahil sa permit na itinuturing na prangkisa. Ngunit hindi kinikilala ng MMDA ang nasabing permit at tiyak na masisita ang mga nakaharang sa bangketa o sa kalsada, kaya higit lalong nangangailangan ng relokasyon ang terminal mula sa gobyerno.
“Basta kung nasa lapag ka ng kalsada [naka-pwesto], huhulihin ka,” batid pa niya.
Kontratang malabo, nagpalaki sa utang

Pag-aari ng gobyerno ang lupang kinatitirikan ng terminal na pansamantalang ipinagamit sa kanila simula noong 2019, dahilan kung bakit hindi na umalma pa ang pamunuan ng HITODA sa kautusang ibinaba ng DOTr.
Ayon sa asosasyon, nababatid nila ang pansamantalang katayuan ng kanilang operasyon sa nasabing terminal. Pagpapasalamat na lang ang saad ng kasalukuyang presidente ng asosasyon dahil pinagbigyan sila ng PNR na gamitin ang lote sa loob ng anim na taon.
Bago pa man pumutok ang pandemya, may taunang kontrata na ang HITODA sa PNR mula 2019 upang marentahan ang bakanteng lote sa tapat ng PUP na nagkakahalagang ₱25,400 kada buwan.
Ngunit pansamantalang tumigil ang operasyon nito noong 2020 hanggang 2022 dahil sa mga restriksyong dulot ng COVID-19.
Muli lamang itong nagbalik-operasyon noong 2023. Sa pagsumite ng liham ng pamunuan ng HITODA upang humiling ng panibagong kontrata, hindi na ito pinayagan bunsod ng patong-patong na bayaring umabot na sa higit ₱1.5 milyon at ng nakaambang kontruksyon ng NSCR.
Gayunpaman, ipinagtataka ng HITODA kung bakit lumaki ng husto ang kanilang utang sa PNR gayong ang huling kontrata nila ay hanggang 2020 lamang.
“Kasi kung yearly ‘yong nakalagay d’yan [sa kontrata], ba’t umabot ng gan’on ‘yong utang namin [sa] ₱1.5M,” batid ni Miranda.
“Eh kung one-year contract lang at hindi namin nai-renew, ibig sabihin hindi kami aabot ng ganon [kataas],” dagdag niya.
Ang huli nilang bayad sa renta ay noong Marso 2020 pa, kaya kung susundin ang takdang isang taong kontrata, siyam na buwan lamang ang dapat nilang bayaran.
Ayon din sa artikulo ng The Catalyst, nagbabayad naman daw sila ng kaukulang ₱512 kada unit sa kanilang kontrata sa PNR hanggang tumigil ang operasyon noong pandemya. Ngunit ngayon ay sinisingil sila ng napakalaking halaga kahit na hindi naman nagamit ang terminal sa nasabing panahon.
Nakipag-ugnayan na rin ang pamunuan ng HITODA sa National Union of People’s Lawyers (NUPL) upang humingi ng pagpapaliwanag sa utang na ₱1.5 milyon. Kinukuwestyon din nila ang legalidad ng ebiksyon dahil sa kakulangan ng agarang proseso, pwesto ng relokasyon, at compensation.
Batid din ng presidente, walang koordinasyon ang nangyari sa pagitan ng DOTr at HITODA ukol sa biglaang pag-alis nito sa Teresa Street at kung ililipat ba ito ng bagong terminal.
Aniya, “Wala naman silang [na-]coordinate sa amin na bibigyan kami ng [pwesto]. Basta kami na lang din ang kusang aalis. Sa Sabado nga ay aalis na kami roon kasi sa Lunes (Hunyo 23) [ay] mag-uumpisa na ang bakuran [sa proyekto].”
Nakiusap na rin si Miranda sa mga kinauukulan kung pwedeng ipasok sa terminal ang kahit limang unit lang para hindi humambalang sa kalsada, ngunit hindi ito pinayagan.

Bukod pa sa kanilang utang, may binabayaran din silang ₱1,500 kada unit noon upang mag-renew ng prangkisa sa lokal na pamahalaan kada tatlong taon at magpalit ng “yellow plate” sa Land Transportation Office (LTO).
Ito ang maaari nilang isumite sa MPTB kung sakali kwestiyunin ang pagpwesto sa bangketa, subalit hindi raw ito tinatanggap ng MMDA.
Sabi ni Miranda, hangga’t may dokumentong ibinigay ang lokal na pamahalaan sa kanilang prangkisa ay maaari nila itong isumite sa LTO upang irehistro at mabigyan ng plaka.
Ngunit hanggang ngayon ay hindi pa raw naibibigay ang mga nasabing plakang ito at yellow sticker pa lang ang kanilang natanggap.
“Ang mahirap pa sa kanila [ay] ‘pag binigyan ka ng yellow plate, hindi na mairerehistro ‘yong motor mo hangga’t wala kang certification. Paano kung nagpalit na naman ng Mayor, mahirap na naman ‘yan tapos papalit na naman,” ani Miranda.
Dagdag din ng kasamahan niya na sa Maynila lang ito nangyayari tuwing nagpapalit ng alkalde at hindi sa ibang karatig-lungsod.
“Sa Quezon City, sa San Juan, Marikina; tuloy-tuloy ang [prangkisa] nila. Dito sa Maynila ‘pag nagpalit na ng [Mayor], wala na, balewala na ang [prangkisa namin],” saad nila.
Proyektong NSCR at Skyway Stage 3
Ayon kay Miranda, ang kanilang biglaang paglipat ng pwesto ay alinsunod sa Right of Way ng sinisimulang proyekto ng NSCR sa Sta. Mesa.

Sa isang feasibility study ng Japan International Cooperation Agency (JICA) (makikita sa p. 479), makikitang sasakupin ng proyekto ang bahagi ng Anonas Street.
Ngunit nangangamba si Miranda dahil ito ay pampublikong daanan at hindi pwedeng sakupin dahil maaapektuhan nang lubusan ang daan at transportasyon papunta sa unibersidad.

Batid nito, “Dapat nga raw ang sasakupin [ng NSCR sa proyekto ay] hanggang gitna ng kalsada kaso public [property] kasi ‘yan, hindi nila pwedeng sakupin ‘yan.”
Kamakailan, kumalat sa isang PUP Community Facebook group ang blueprint ng proyekto ng NSCR. Sa pagsasaliksik ng The Communicator, natunton ito mula sa Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) na nabanggit sa isang artikulo ng The Urban Roamer. Nakadetalye rin dito ang katayuan ng proyektong Sta. Mesa station pati ang Metro Manila Skyway Stage 3.
Ngunit ayon sa ilang railway enthusiasts online, ito ay lumang plano pa lamang at hindi pa naisasapubliko ang bagong bersyon nito.
May iilan ring nagsabing may nakalaang bagong terminal ng HITODA dito. Ngunit ayon kay Miranda, walang nabanggit ang PNR hinggil sa anumang opisyal na relokasyon para sa kanilang terminal.
Nagsimula na ring maglatag ng mga barikada noong Sabado, Hunyo 21, sa mga natitirang bahagi ng lote ang mga tauhan ng proyekto.

Ayon sa artikulo ng Rappler noong 2024, tina-target ng NSCR ang partial operations ng mega railway project sa 2027 at full operations sa 2029.
Ang foreign-assisted project na ito ay nagkakahalaga ng ₱870 bilyon na pinondohan ng JICA at Asian Development Bank (ADB).
Binubuo ito ng tatlong ruta: Malolos, Bulacan papuntang Tutuban, Maynila na (10 istasyon); ang North Extension mula Malolos tungong Clark, Pampanga (walong istasyon); at South Extension mula Blumentritt sa Santa Cruz, Maynila tungo sa Calamba, Laguna (19 istasyon).
Malapit rin sa terminal ng HITODA sa Teresa ang kasalukuyang konstruksyon ng Metro Manila Skyway Stage 3 na magkokonekta sa South Luzon Expressway at North Luzon Expressway.
Ayon sa Metro Manila Tollways Corporation, susundan nito ang dating ruta ng PNR simula sa Caloocan Interchange na dadaanan ng Central Manila, España Boulevard, at PUP Main Campus.
“Walang masama sa progreso ng transportasyon, maganda nga 'yan eh [kasi] magkakaroon na ng better version ang PNR. Pero sana hindi rin natin makalimutan ang mga auxiliary transportation like tricycle and pedicab na matatamaan ng proyektong ito,” ayon sa Facebook post ni Joshua Nadura, isang mag-aaral ng PUP.
Nakikiisa ang mga mag-aaral ng PUP sa pagpapanawagan ng agarang relokasyon at resolusyon sa isyung ito kay DOTr secretary Vince Dizon at sa Manila Public Information Office dahil sa malaking epekto nito sa kabuhayan ng mga drayber at operator, pati sa pangunahing transportasyon ng mga estudyante at mga residente ng lugar.
Artikulo: Angeline Bañoc at Henry Ramirez
Grapiks: Kent Bicol
Comments