top of page

Tayo ang ‘Endangered Species’

Writer's picture: Marc Nathaniel ServoMarc Nathaniel Servo

Ang bawat mukhang nakaimprenta sa mga papel na laman ng ating mga pitaka ay hindi dekorasyon lamang. Sila ay mga alaala—mga bakas—mga dahilan kung bakit patuloy ang ating pakikibaka para sa lipunang patas sa lahat. 



Nitong Disyembre 19 lamang nang ilantad ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang bagong serye ng polymer banknotes na nagsimulang umikot sa sirkulasyon noong 2022. Mula sa P1000 na pinugaran ng ating Pambansang Ibon, ang Philippine eagle, dumagdag na rito ang P500, P100, at P50 na binubuo ng Visayan spotted deer, Palawan peacock pheasant, at Visayan leopard cat, batay sa pagkakasunod-sunod. 


Ayon sa BSP, layunin ng nasabing disenyo na mulatin ang mga kababayang Pilipino sa lagay ng mga endangered species ng bansa, at binigyang-linaw rin na hindi nito papalitan ang mga bayani sapagkat hindi naman aalisin sa sirkulasyon ang mga lumang papel.


Una sa lahat, mahalagang malaman kung mababago ba ng bagong disenyong ito ang kalunos-lunos na sitwasyon ng ating nanganganib na kahayupan. Sa katotohanan, kahit kamulatan pa natin ang imprenta ng hayop sa pera, hindi naman nito mababago ang katotohanang binigo sila ng batas kontra iligal na panghuhuli at pagbebenta. 


Kumbaga, ang pagreredisenyo sa mga perang papel ay wala namang tunay na ambag sa pagpapabuti ng kanilang kalagayan. Kung mayroon mang dapat pagbutihin pa ang gobyerno, ito ay ang pagpapatibay pa sa mga batas ukol sa pagpreserba sa kanilang lahi, at pagsasaayos ng kanilang mga tirahang kinalbo na ng mga korporasyong ganid sa lupa. Huwag na tayong magpapaloko pa sa mga ganitong pakulo na wala naman talagang kulo. 


Dagdag pa, hindi naman talaga inaalis ang mga lumang bersyon ng pera sa sirkulasyon—unti-unti silang ipine-phaseout sa patuloy na pag-iimprenta ng bagong pera. Gayunpaman, wala pa rin itong kaibahan sa katotohanang pinalitan ng BSP ang mukha ng ating mga bayani. 


Sa panahong nababaluktot ang kasaysayan, dapat maintindihan na mas lalong mahalaga ang presensya ng mga bayani sa ating pera. Bumababa ang kalidad ng edukasyon ukol sa Araling Panlipunan, at kumakalat sa social media ang mga balita kung papaanong walang muwang ang kabataan sa ating kasaysayan, tulad ng isyu sa "MaJoHa," at hindi pagkakakilala ng mga estudyante kay Gat Andres Bonifacio.


Kasabay ng pagpapaunlad sa sistema ng edukasyon, dapat ay mas paigtingin natin ang pagkilala sa ating mga bayani. Isa sa mga paraan ay ang pagsasabuhay ng kanilang presensya sa ating mga perang papel.


Ang unang biktima ng pagreredisenyo ay ang mga mukha ng P1000 na sina Jose Abad Santos, Vicente Lim, at Josefa Llanes Escoda—mga bayani sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Kahit ako, kung tutuusin, ay hindi na rin sila masyadong kilala. Paano pa kaya ngayong inalis na ang kanilang mga mukha sa pera?


Kasunod nito ay ang pagbura sa mukha nina dating pangulong Sergio Osmeña at Manuel Roxas sa P50 at P100; at sina dating pangulong Corazon Aquino at ang kanyang asawa na si dating senador Benigno Aquino Jr. sa P500 na lumaban sa diktadurya ni Ferdinand Marcos Sr.


Malaki ang kanilang naging ambag sa ating lipunan, ngunit higit sa pagkilala ay sinasalamin nila ang mga katuruang hindi natin dapat malimutan. Sila ang mga taong tumindig laban sa mga maniniil—tangan nila ang diwa ng isang Pilipino.


Sa pagbabalik ng mga Marcos sa Malacañang, mahalagang hindi malimutan ang mga karahasang naganap sa ilalim ng dating diktador—at ang ating kapangyarihan sa porma ng EDSA People Power Revolution.


Kung kaya’t kakatwa ring isinagawa ang pagbubura sa mukha ng mga Aquino sa panahon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Maaaring idahilang nagkataon lamang ito, lalo pa’t noong 2022 pa sinimulan ang proyektong iredisenyo ang mga nasabing salapi, subalit hindi malayo ang mga haka-haka sa katotohanan.


Matagal nang ipinaplano ng pamilya Marcos na linisin ang kanilang apelyido—at hindi ito itinanggi ng Pangulo sa kanyang kampanya noong 2020. Isa lamang ito sa mga pagkilos na isinagawa ng mga Marcos upang patatagin ang kanilang impluwensya. 


Maaalala sa report ng Rappler na anila’y kinontrata umano ng pamilya Marcos ang kumpanyang Cambridge Analytica upang pabanguhin ang kanilang pangalan bago ang eleksyon gamit ang malawak na disinformation campaign. Kasunod nito ay ang pagsasapelikula ng Maid in Malacañang at ang paghihiwalay ng apelyidong Marcos sa terminong diktadurya sa kurikulum ng edukasyon.


Sa huli, may precedence ang mga alegasyong bahagi lamang ito ng paghuhugas-kamay ng mga Marcos sa kanilang mga sala. Huwag nating hayaang mabaon sa limot ang nakaraan hangga’t hindi nakakamit ang sapat na hustisya, at nananatiling buhay ang opresyon sa lipunan.


Itatak natin ang mga bayani hindi lamang sa mga perang papel, bagkus ay sa ating mga kokote. Alalahanin ang pagkakakilanlang rebolusyonaryo ng bansa. Huwag itatwa ang kasaysayan bilang isang tsismis. 


Kung hindi, baka tayo na ang maging endangered—sa kamay ng mismong lipunang itinaguyod ng ating mga bayani laban sa opresyon.


Artikulo: Marc Nathaniel Servo

Grapiks: Kent Bicol

Comments


  • White Facebook Icon
  • Twitter
  • Instagram

THE COMMUNICATOR

2/F Lobby, College of Communication Bldg., NDC Compound, Anonas St., Sta. Mesa, Manila, Philippines 

PUP COC The Communicator © 2022

bottom of page