top of page

Tanggol-pasada, hindi nagpapigil laban sa girian, barikada ng pulisya

Writer's picture: Chris Burnet RamosChris Burnet Ramos

Sa kabila ng pagmamaliit ng gobyerno sa tigil-pasada, hindi nagpatinag ang daan-daang tsuper at opereytor sa kamaynilaan sa pagharap sa kaliwa’t kanang panghaharang ng kapulisan sa malawakang kilos-protesta nitong Lunes, Abril 15 laban sa nagbabadyang deadline sa konsolidasyon ng kanilang mga unit sa katapusan ng buwan.


(Kuha nina Romar Andrade & Paul Bryan Bio/The Communicator)


Pinangunahan ng mga grupong Pagkakaisa ng mga Samahan ng Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) at Manibela ang protest caravan kasama ang iba’t ibang militanteng alyansa at kabataang grupo mula sa UP Diliman, Quezon City hanggang sa bungad ng España Avenue, Manila. 


Isa si Tatay Lito Andal, 52, ng PISTON Batangas sa mga nakibahagi sa protesta. Kinagabihan pa lamang ng Linggo ay lumuwas na ang lima sa kanilang asosasyon mula pa sa Lipa City patungong Maynila upang makiisa sa pagpapabasura ng “huwad” na modernisasyon.


Gabi bago ang unang araw ng tigil-pasada, aniya ay umalis na sila upang makaiwas sa bayolenteng panghaharang ng kapulisan sa katulad nilang mga lalahok sa protesta sa Maynila. Sa isang gasolinahan lamang sila nagpalipas ng magdamag. 


Ani Andal, kasalukuyang pangulo ng kanilang hanay, ang “bulok” na sistema ng gobyerno ang nagbibigay motibasyon sa kanilang mga tsuper-probinsya na makisama sa malawakang protesta.


“Hanapbuhay namin ‘yan. Gustong palitan ‘yung sarili naming naipundar tapos magkakaroon pa kami ng utang, hindi pa namin sarili ‘yung aming binabayaran [...] ‘Pag mawawalan kami ng hanapbuhay, kahit pa ikamatay namin ay gagawin namin,” ani ng tsuper.  


Pasado alas dos pa lamang ng hapon, paglabas ng mga welgista sa bukana ng Commonwealth Avenue, bumungad na ang barikada ng Quezon City Police District (QCPD) na sinubukang pigilan ang daloy ng protesta. Nagdulot ito ng girian sa dalawang kampo. 


Sa maikling programa, nambulabog din ang mga raliyista ng Manibela sa harap mismo ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa East Avenue matapos salubungin ng bulto-bultong kapulisan. 


Nang pumatak ang alas siete ng gabi, sinubukan na ng hanay ng mga tsuper na ituloy ang karaban patungo sanang Mendiola Peace Arch ngunit sa dulo pa lamang ng Quezon Avenue sa Welcome Rotonda ay nakaabang na ang panibagong pwersa ng QCPD.


Nakausad naman kinalaunan ang mga tsuper at tanging sa bungad lamang ng España Avenue natapos ang karaban bunsod sa nakaharang na pulutong ng kapulisan mula sa Manila Police District (MPD). 


Samantala, hindi naging hadlang ang panghaharang sa pagrerehistro ng mga tsuper sa kanilang hinaing laban sa Public Utility Vehicles Modernization Program (PUVMP). Matagumpay na isinagawa ng mga grupo ang kanilang programa sa España at pormal na nagtapos kinaumagahan ng Martes, Abril 16. 


Ayon kay Manibela Chairman Mar Valbuena noong Lunes ng gabi, walang binigay na konkretong paliwanag ang kapulisan kung bakit hindi sila makaabante sa protesta. 


Nitong Linggo, nauna ng inanunsyo ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagpapakalat ng 6,000 kapulisan sa rehiyon para sa kaligtasan umano ng mga kalahok sa programa. 


Dagdag ni Valbuena, ang “walang uwiang” protesta ay naglayong ipakita sa estado at taumbayan ang kanilang hinanakit sa pagkawala ng hanapbuhay ng libo-libong driver at operator sa bansa sa ilalim ng PUVMP. 


“Dismayado po ang taumbayan. Dismayado na kaunting hinaing, sasabihin nila ay wala namang epekto ito. Bakit ka magpapakalat ng anim na libong kapulisan para lamang mang-harass sa amin? Hindi po ito pagbabantay sa amin, pang-haharass po ito, pang-iipit, paninikil sa amin. Para kaming may kadena sa leeg,” ani ng transport leader. 


Hindi ito ang unang pagkakataon na sapilitang inudlot ng kapulisan ang mapayapang protesta ng mga tsuper. Noong Enero 16, katulad na kaganapan ang nauwi sa palad ng sektor matapos harangin ng parehong kapulisan ang mga welgista papunta sa Mendiola. 


‘Walang Epekto’


Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), wala umanong naging epekto sa publiko ang tigil-pasada ng PISTON at Manibela dahil hindi nila naparalisa ang mga ruta ng jeep sa siyudad. 


Dagdag ng ahensya, hindi nila nagamit ang mga inihandang augmentation vehicle na para sana sa mga pasaherong apektado ng strike. 


Ngunit base sa isang ulat, kinumpirma ng Manibela na higit 100,000 sa kanilang mga tsuper at opereytor ang nakiisa sa protesta habang mahigit 400 na jeepney drayber ng PISTON ang lumahok sa karaban. Halos 80% rin ng kabuuan ng Metro Manila at ilang bahagi ng Cavite at Laguna, ayon kay Valbuena, ang nalumpo sa unang araw ng tigil-pasada. 


“Ang gobyerno, walang ibang ginagawa kundi maliitin ang taumbayan. Ang mahihirap na taumbayan kapag naglalabas ng hinaing, lagi na lang pangmamaliit, pang-aalipusta, at pagyurak sa ating mga karapatan at mga ginagawang pakikipaglaban ang kanilang ginagawa,” ani Valbuena.


Mayo Uno


Nito lamang Abril 10, kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi na palalawigin ng kaniyang administrasyon ang deadline para sa pagkokonsolida ng mga indibidwal na jeepney driver o operator. Nauna nang pinalawig ng LTFRB ang deadline hanggang Abril 30, isang araw bago ang selebrasyon ng Araw ng Paggawa. 


Pagsapit ng Mayo uno, ituturing kolorum na ang hindi sumama sa konsolidasyon. 


Ayon kay LTFRB Chairperson Teofilo Guadiz III, mag-i-isyu na ng show-cause order ang ahensya sa mga  mahuhuling unit pagkatapos ang deadline. 


“We will give them a show-cause para maisaad nila ang dahilan bakit ‘di sila sumama sa programa ng gobyerno, but on the first day po, ‘pag walang mapakitang consolidation papers na in-issue ng LTFRB, we can immediately apprehend them,” ani Guadiz.


Ayon sa datos nitong Abril 1, lagpas 77% na ng mga PUV unit ang nakonsolida habang nanatili namang 52.54% ang antas ng konsolidasyon sa NCR na nagtala ng pinakamababang bilang sa buong bansa. 


Dagdag ni Valbuena, ang pagsususpinde ng mga klase ng iba't ibang pamantasan at ang pag-o-augment ng libreng sakay ng mga lokal na gobyerno ay nagpapatunay na nararamdaman ng bansa ang tigil-pasada. 


Simula nitong Lunes, suspendido na ang in-person classes sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) dahil sa init ng panahon at sa inaasahang sunod-sunod na tigil-pasada hanggang  Abril 30. 


Bago ang protesta, sinalubong din ng mga progresibong grupo ng PUP ang unang araw ng tigil-pasada sa pamamagitan ng isang noise barrage sa strike center sa tapat ng Mezza Residences, Quezon City kasama ang Cubao-Divisoria PISTON.


Artikulo: Chris Burnet Ramos

Grapiks: Lourence Angelo Marcellana



Comments


bottom of page