top of page
Writer's pictureThe Communicator

Sintang Paaralan: 120 Taong Kwento ng Tagumpay at Laban

Mga gusaling nakatirik sa loob ng pamantasan. 

Mga ingay na umaalingawngaw sa kalsada ng Teresa at Pureza. 

Mga yapak palabas at papasok sa iyong tarangkahan. 



Minsan, napapaisip ako kung bakit nananatiling “kasinta-sinta” ang pamantasang patuloy na sinusubok ng estado. Kahit na ang salitang “danas” ay madalas na nababanggit ng mga iskolar na tulad ko dahil sa iba’t ibang anyo ng pahirap, patuloy ka pa ring kaibig-ibig. Sa kabila ng hamon sa aksesable at de-kalidad na edukasyon, marami pa rin ang nangangarap na ika’y magsilbing tahanan. 


Bakit nga ba pinipili ka, sinta?


120-Taong Naglilingkod


Sa mga nagdaang taon, hindi pumalya ang Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) sa paglikha ng mga mahuhusay na indibidwal na ngayon ay namamayagpag sa iba’t ibang larangan. Patuloy itong nakikilala sa loob o labas man ng bansa, at nanatili bilang isa sa mga minimithi ng mga mag-aaral bilang kanilang tahanan sa kolehiyo. Sa mga nagdaang taon, nasaan na nga ba tayo?


Tunay na nakamtan ang laban tungo sa libreng edukasyon nang maisabatas ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act of 2017 o Republic Act No. 10931. Layunin ng batas na gawing libre ang matrikula at miscellaneous fees. Kabilang ang PUP sa mahigit 100 state universities and colleges (SUCs) at local universities and colleges (LUCs) na sakop ng batas na ito. Malaking kaluwagan ito lalo na sa mga estudyanteng walang sapat na kakayahan upang tustusan ang kanilang pag-aaral. 


Tagumpay rin ito ng mga mamamayan at estudyanteng nakikibaka sa lansangan upang maisulong ang karapatan sa libreng edukasyon. Bagaman nananatiling mahaba ang laban para sa mga reporma tungo sa makamasang edukasyon, ang umpisa ng prosesong ito ay nagbukas ng oportunidad para sa libo-libong mag-aaral.


Pinatunayan din ng pamantasan na ang edukasyon ay para sa lahat nang isinagawa ang kauna-unahang face-to-face classes para sa persons deprived of liberty (PDLs) sa Manila City Jail Male Dormitory. Sa pangunguna ng PUP Open University System (PUP OUS), mayroong 72 PDLs na naging bahagi ng programa at kasalukuyang kumukuha ng kursong Bachelor of Science in Business Administration Major in Marketing Management. 


Nilimitahan man ng kinakalawang na rehas ang kanilang karapatan sa edukasyon, ang inisyatibo ng PUP OUS at Manila City Jail ang nagsilbing tulay upang sila ay muling mangarap at magpatuloy. Magkaiba man ang unipormeng suot nila sa mga estudyante sa loob ng silid-aralan, iisa pa rin ang layunin ng programang ito—magbigay ng karunungan at kakayahan na magagamit para sa kinabukasan.


Kasabay ng pandiriwang ng ika-120 taon ng Pamantasan, ginawaran bilang grand winner ang PUP sa kategoryang White and Case Government Organization of the Year sa ika-15 Asia CEO Awards noong Oktubre 8. Ang natatanging parangal na ito ay ilan lamang sa mga malalaking pagkilala na nakamit ng institusyon sa mga nakalipas na taon.


Ilan lamang ito sa mga makasaysayang tagumpay ng Sintang Paaralan sa loob ng isang siglo at dalawang dekada. Sa kabila nito, hindi rin mawawala ang mga hamon na sumusubok sa pamantasan at sa komunidad nito.


120 Taong Pakikibaka


Mula noon pa man, taas-kamao ng pinaglalaban ang mga karapatang nakasandig sa kalagayan ng mga iskolar. Sa kabila ng intimidasyon at panggigipit, patuloy na maugong ang mga panawagan at matingkad ang mga mensaheng nakapinta sa bawat karatula. Sa mga nagdaang taon, ano-anong hamon na ba ang kinahaharap ng komunidad ng PUP?


Matatandaan noong Oktubre 2023 naipasa sa Senate committee level ang Senate Bill No. 2448, mas kilala sa tawag na National Polytechnic University (NPU) Bill. Isa sa mga layunin ng panukalang batas na ito ang pribatisasyon at komersyalisasyon sa loob ng pamantasan. Naging maingay ang kampanya laban dito dahil bukod sa malalang problemang dulot nito sa mga estudyante, apektado rin ang iba pang kawani at mga food vendor sa loob ng institusyon. 


Sa kasalukuyan, daing pa rin ng mga iskolar ang pagtitiis sa kulang-kulang na kagamitan at pasilidad. Marami pa ring mag-aaral ang napipilitang kumagat sa mga presyong hindi abot ng badyet, upang makagawa ng mga proyektong may kalidad. Kaya kung iiral ang sistemang iminumungkahi ng NPU Bill, walang duda na papasok sa paaralan ang bawat isko at iska na butas ang bulsa.


Sa pagraratsada ng Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (MROTC) Bill, muli na namang isinawalang-bahala ang masalimuot na nakaraan nito. Kamakailan lamang, kinumpirma ni Senate Majority Leader Francis Tolentino sa isang panayam sa DZBB Super Radyo na “top priority” ng administrasyong Marcos Jr. ang pagsasabatas ng panukalang ito. Isang hamon para sa mga estudyante ang muling pagbubukas ng sesyon upang pagulungin ang usaping ito sa darating na Nobyembre 4.


Hindi lingid sa kaalaman ng karamihan ang matinding pangha-harass at walang habas na red-tagging na kinakaharap ng mga Iskolar ng Bayan. Ang mga serye ng panggigipit at pangmamalupit sa tuwing nag-oorganisa ng mga pagkilos sa Mendiola, Commonwealth o iba pang lansangan ay hindi na bago pa para sa nakararami. Sa kabila ng mga ito, nanatiling masidhi ang diwa ng pakikibaka dahil kaakibat ng bawat pagtindig ang kapakanan ng sarili, ng masa, at ng iba’t ibang sektor ng lipunan. 


Sa pagpasok sa PUP, higit pa sa mga aralin mula sa libro at talakayan mula sa mga propesor ang matututunan. Saksi ang apat na kuwadrong espasyo sa loob ng pamantasan kung paano pinanday ng panahon ang mga estudyanteng ngayo’y namulat sa tunay na sitwasyon ng lipunan. Higit pa sa intelektwal na karunungan ang natamo sa loob ng apat na taong pananatili sa Sintang Paaralan. 


Ngayon, alam ko na kung bakit “kasinta-sinta” ka sa kabila ng iyong mga “kapintasan.” Sa kabila ng iyong mga pagkukulang, buong puso kang ipinaglalaban dahil Sinta, ikaw ang magsisibling tahanan ng mga susunod pang Iskolar ng Bayan na nangangarap hindi lamang para sa sarili, kundi para sa bayan.


Artikulo: Yzabelle Liwag 

Grapiks: Ronalyn Hermosa

Comments


bottom of page