top of page
Writer's pictureThe Communicator

Sining ng pakikibaka, binigyang-kulay sa 'ARTibismo'

Inilunsad ng College of Communication Student Council (COC SC) ang “ARTibismo: Ang Pag-ibig ay Pagkikibaka,” programang kasabay sa pagdiriwang ng buwan ng mga puso at sining sa COC Audio-Visual Room, Pebrero 28.


Itinampok sa programa ang iba’t ibang likhang sining ng mga estudyanteng kalahok sa COC mula sa pagsulat ng tula, pag-awit, digital painting, at photography.


“We made it clear na multi-celebrations siya ng arts month, hearts month, and of course, the recently celebrated na People Power Revolution,” ani COC SC President Aem Kimberly Ignacio sa kaniyang paunang mensahe.


Hinikayat naman ni COC SC Mass Media and Culture Councilor Tracy Althea Ramos na gamitin ang lakas, kakayahan at talentong mayroon ang mga kabataan upang labanan aniya ang “bulok na sistemang pinagsasamantalahan ang mamamayang Pilipino.”


Ibinahagi rin ni PUP Alyansa ng Kabataang Mamamahayag (AKM) Secretary-General at The Catalyst Associate Opinion Editor Shane Monica Mapesos sa pamamagitan ng isang talakayan ang patungkol sa importansya at tungkulin ng sining sa pakikibaka.


“Hindi uusad ang rebolusyon, hindi uusad ‘yung mga mobilisasyon o ‘yung mismong pagkilos ng mga estudyante kung walang aesthetic, kung walang arte,” ani Mapesos.


Tinalakay din niya ang kalagayan ng sining at kultura sa Pilipinas, ang papel nito sa pagbabago ng lipunan, kung paano isinusulong ang lipunang-kilusang kultural, at iba pang paksa na nakasentro sa sining, kultura, at pakikibaka.


Sa pamamagitan naman ng isang solidarity message, hinikayat ni PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM) Mass Media and the Arts Councilor Adrian Abelligos ang paggamit ng lahat ng kakayahan upang suportahan ang laban ng mamamayan, lalo na sa ilalim ng administrasyon na mayroon ang bansa sa kasalukuyan. 


Wagi sa pagsulat ng tula sina James Justin Capistrano, Jamaica Elcano, at Allysa Nicole Enolva. 


Nagwagi naman si Luis Andrei Jalos sa larangan ng pag-awit; Kaiser Aaron Caya sa digital painting; at Shen Juztin Ando sa digital photography.



Artikulo nina: Kristine Jhoy Castulo & Raven Gabriel Cruz

Grapiks: Ramier Vincent Quiatchon Pediangco


Σχόλια


bottom of page