top of page
Writer's pictureThe Communicator

Santuwaryo sa Impyerno: Ang Kasarinlan at Bahaghari sa Kanlungan ng Pangalawang Tahanan

Sa tahanan, hindi natutupok ang pag-asa—kanlungan sa unos, ilihan sa panganib, o santuwaryo laban sa mapangutya at mapangmatang lipunan. 



Ngunit sa panahon ngayon kung kailan mas naipaglalaban nang hindi lang dalawang kulay ang mayroon sa bahaghari, ang lugar na sana ay kublihan mula sa mga panghuhusga ay nagiging bantang apoy na rin sa seguridad. 


Saan ka tutungo kung ang tahanang dapat na tumupad sa tungkuling yakapin ka ay naging isang impyerno?


Sa Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP), instrumental ang mga organisasyong layong buhayin ang pag-asa at ipaglaban ang mga karapatan ng mga inaaping sektor sa lipunan—tulad ng komunidad ng LGBTQIA+. Dalawa lamang sa mga ito ang PUP Kasarianlan at Bahaghari PUP.


Kalayaan sa Kasarian, Para sa Bayan


Kasarinlan. Kasarian. 


Ito ang dalawang salitang bumubuo sa Kasarianlan, isang organisasyon sa PUP na ang layunin ay ang pantay-pantay na pagtrato sa lahat anuman ang kanilang assigned sex at birth, sexual orientation, gender identity, gender expression, at sex characteristics. Layon din nitong tulungang makalaya ang isang indibidwal sa mga tradisyunal na mga pamantayan sa kasarian na kadalasang nagiging ugat ng diskriminasyon.


Ayon kay Veronica Narvarte, ang kasalukuyang presidente ng organisasyon, nagsimula ang grupo noong Metro Manila Pride March 2016 nang mapansin ng mga alumni na wala pang organisasyon sa PUP na nagsisilbing ligtas na espasyo para sa LGBTQIA+ community.  


Sa katunayan, ilan lamang sa mga naisagawa nilang programa ay ang taunang PUP Pride at ang Holy Trinity kung saan tinatalakay ang SOGIESC 101, Feminism 101, at HIV & AIDS 101. 


Naging bahagi rin ang organisasyon sa pagsasakatuparan ng Manila Anti-Discrimination Ordinance noong 2020. Noong nagdaang taon din ay may naging kinatawan sila para sa pag-usad ng SOGIE Bill sa Kongreso.


Paglipas ng ilang taon, patuloy pa rin ang panawagan nilang maipasa ito.


“As usual, may mga kontra pa rin sa bill na ito. Pero to quote our Inang Reyna [Joyce Isidro] last year, isang win pa rin ‘yung fact na present tayo sa ganitong usapan. Dito papasok yung importance of showing up. Ika nga, we’re here and we’re queer!” ani Narvarte.


Dagdag pa niya, naging maganda ang epekto ng pagiging parte ng organisasyon sa kanyang pagkatao. Maliban sa nabuong kumpyansa sa sarili, nakatagpo rin siya ng mga taong makakasama sa pagdiriwang ng kanilang pagkakaiba-iba.


“Sa aming pagbubuklod, mas naramdaman ng lahat na hindi sila nag-iisa dahil may ibang tao na kayang makaintindi at makiramay sa sitwasyon nila. Kaya proud ako sa bumubuo ng Kasarianlan dahil napapanatili pa rin ang pagiging safe space nito,” dagdag ni Narvarte.


Sa kabila ng mga hamon at pagsubok, patuloy na itinataguyod ng organisasyon ang mga adhikain para sa isang makatarungan at mapagpalayang lipunan.


Laya ng Uri, Laya ng Ari


Ang pagsibol ng Bahaghari PUP ay bunga ng hindi katanggap-tanggap na pangyayaring sinapit ng transwoman na si Jennifer Laude noong Oktubre 2014 nang paslangin siya ni ex-US Marine Joseph Scott Pemberton.


Kaya sa loob ng PUP, sinisiguradong nagkakaroon ng kamulatan at pagkilala sa ating buhay laban sa mga represibong polisiya ng mga paaralan, diskriminasyon na nakabatay sa kasarian, at anumang porma ng abuso. 


Ang Bahaghari PUP ay isang samahan ng mga militante at makabayang LGBT sa pamantasan na nagsisilbing lokal na kolektibo ng Bahaghari Metro Manila. Itinatag ito noong Oktubre 2022 at kilala bilang pangunahing national democratic mass organization sa PUP na layuning palaganapin ang militanteng diwa ng sangkabaklaan at itaguyod ang pakikibaka para sa pantay na karapatan at kalayaan mula sa diskriminasyon. 


“Marami na ang programa, aktibidad, at aksyon ang naibigay ng Bahaghari PUP sa PUP at LGBT community. Aktibo kaming sumasama sa pagharap at pakikiugnay sa demokratiko at komprehensibong proseso sa paghawak sa mga kasong kaugnay sa gender-based violence, sexual harassment, at abuse. Ang aming mga hakbang ay naglalayong tiyakin na ang bawat kaso ay nabibigyan ng nararapat na atensyon at solusyon,” paliwanag ni Ms. Whenzy Jumapao, chairperson ng Bahaghari PUP.


Bukod pa rito, ang Bahaghari PUP ay nagsagawa rin noong nagdaang taon ng Iskolar ng Bayan Pride, isang makulay at makabuluhang protesta na naglalayong palakasin ang mga panawagan ng sektor. Sa pamamagitan ng mga ganitong aktibidad, ipinapakita nila ang kanilang suporta at pagkakaisa, at nahihikayat ang mas marami pa na sumali sa adbokasiya at kampanya para sa pantay na karapatan at pagsulong ng inklusibo at mapagpalayang pamantasan.


Dagdag ni Jumapao, mayroon ding makabuluhang partnership ang Bahaghari PUP at Gender and Development Office ng Sintang Paaralan para sa programang Rainbow Festival: Queerchella. 


Bahagi ng programa ang exhibit ng Bahaghari PUP na pinamagatang "Queerstory: History of Queer Struggles," na nagtatampok ng iba't ibang kwento at mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng komunidad.


Ilan pa sa mga bitbit nilang panawagan ay ang patuloy na laban kontra sa PUV phaseout, ang pagtutol sa pagraratsada ng charter change ng administrasyon ni Presidente Ferdinand Marcos Jr., ang panawagan na "No Pride in Genocide" dahil sa patuloy na genocide at queer struggle sa Gaza, at ang mga pangunahing panawagan para sa makataong sahod, trabaho, at edukasyon—mga pundamental na karapatang pantao na nararapat lamang matamasa ng mamamayan. 


“Ang Pride Month ay higit pa sa isang pagdiriwang; ito ay isang protesta at malaking plataporma na nagtataguyod ng mga panawagan, hindi lamang para sa paglaya mula sa pagkakatali ng kasarian kundi pati na rin sa lipunan. Tiyak na patuloy na itinataas ng organisasyon ang panawagang hindi lalaya ang ari hangga't hindi lumalaya ang uri,” dagdag ni Jumapao.


Walang saysay ang paglaya mula sa pagkakatali sa diskriminasyon batay sa kasarian kung patuloy pa rin tayong nakararanas ng hirap dulot ng mababang sahod, pagtaas ng presyo, at kakulangan sa edukasyon.


May Bahaghari at Kasarinlan sa PUP


Sa talamak na diskriminasyon at inhustisyang nararanasan ng komunidad ng LGBTQIA+ sa pangil at sungay ng kasalukuyan, hindi lang sa tagong impyerno lumalagi ang mga demonyo. Isang masakit na reyalidad na matatagpuan din sila sa mga tahanang hindi na proteksyon ang nagiging larawan—kundi isang santuwaryo na binubusabos ng kawalan sa pagtanggap, pag-unawa, at pagmamahal.


Kaya’t bilang mga organisasyon, hindi lang nila layong maging isang samahan ng mga makukulay na selebrasyon. Nariyan din ang pagnanais nilang bigyan ng boses at ng komportable at ligtas na espasyo ang mga miyembrong pinagkakaitan ng karapatan.


Dahil kahit gaano man kabagsik ang mga unos ng mga tradisyunal na pamantayan sa kasarian, gaano man kalakas ang hagupit ng mga pangungutya at panghuhusga kahit sa ilalim ng ating mga kanlungan, sa huli ay laging may bahaghari hindi man sa kalangitan kundi sa ating pangalawang tahanan.


Artikulo: George Ryan Tabada

Grapiks: Hannah Manalo 



Comments


bottom of page