Sandigan ng Mag-aaral o ng Kapalpakan?
- The Communicator
- Jul 26
- 5 min read
Sa bawat lider-estudyante na inihahalal ng libu-libong iskolar ng bayan, inaasahan nating sila ang kakatawan sa atin at magsusulong sa karapatan nating mga mag-aaral. Ngunit hanggang kailan nila kayang panindigan ang mga sinumpaan, kung ang iilan ay intimidasyon ang solusyon sa kritisismo?

Hindi naman panahon ng eleksyon, ngunit maingay pa rin ang mga isyu ng mga kinatawan ng sentral at lokal na konseho sa Sintang Paaralan dahil sa mga naglipanang isyu ng kapalpakan. Nitong nakaraang linggo lamang ay nadawit sa isyung “korupsyon” ang PUP Sentral na Konseho ng Mag-aaral (SKM). Nakatala sa resignation letter ni dating Junior Council Officer John Christian Robles ang pagsiwalat sa ‘di umano’y tahasang maling paggamit ng Student Council Funds (SCF) nang wala silang kaalam-alam, ngunit lumalabas na ginamit ito sa programa kung saan in-partnership lamang ang SAMASA PUP. Base naman sa inilabas na fact-sheet ng SKM, ito ay legal at tanging “failure in communication” lamang.
Subalit kung susumahin, kailan pa nga ba umiiral ang ganitong sistema? Kung wala bang nagtanong ay hindi lalantad sa buong komunidad ng PUP ang ganitong klaseng oportunidad? Matagal nang problema ang mabagal na ‘‘information dissemination” ng SKM, kaya nga mismong ang ibang Local Student Councils (LSCS) maging mga organisasyon ay nabigla na ang pinaghihirapan nilang hinging badyet ay ganoon na lang kabilis makuha at maiproseso sa isang “verbal request”. Hindi kinukwestyon ang pagbibigay ng pondo sa nasabing programa kundi bakit iilan lang ang nasusuportahan nang ganito kabilis?
At paanong tahasan ang pagpapaikot sa atin ng konseho na wala ‘raw’ silang personal o political gain kung mismong ang SKM President at iilan sa mga lokal at sentral na konseho ay parte pa rin ng executive committee ng SAMASA PUP? Hindi lingid sa kaalaman ng bawat isa ang monopolyong umiiral sa konseho kaya hindi mahirap isipin na palakasan na lang din ang ang basehan ng serbisyo. Ngayong may mga lumalantad upang putulin ang balikong siste ng konseho, paniguradong mahabang pahayag ng paghuhugas-kamay at intimidasyon na naman ang makukuha ng mga Iskolar ng Bayan kaysa ibigay ang ugat ng lahat ng ito —transparency report.
Ilang buwan nang hinihintay ang transparency report mula sa nakalipas na termino, ngunit waring ibinaon na lang din ito sa limot. Karapatan ng bawat isang estudyante ng pamantasan ang magtanong, umusisa at maghanap ng kasagutan sa mga namumuno. Kaya bakit mo hahainan ng ‘defamation o libel’ ang mga ito? Hindi defamation ang solusyon sa isang tanong at kritisismo na inihain sa mga naglilingkod bagkus paliwanag at pagtanggap sa kamalian nang walang kapalit na pagbabanta sa karapatang magpahayag. Ano nang nangyari sa matagal na nating ipinaglalabang ‘decriminalize libel’ kung ganito rin pala haharapin ng konseho ang mga tanong ng estudyante? Walang pinagkaiba sa bulok na sistemang pinangakong bubuwagin.
Kung sa tingin ng konseho ay kaya nila tayong patahimikin sa pamamagitan ng intimidasyon, aba’y nagkakamali sila dahil hangga’t hindi mabilang sa daliri ang kapalpakan na naglilipana, magpapatuloy tayo sa pangangalampag hanggang ilabas nila ang mga totoong kasagutan at magkaroon ng sapat na pananagutan upang ayusin ang sistemang dapat naglilingkod sa interes ng mga mag-aaral.
Hindi masisiil ng kahit sino ang mga taong pagod na sa paulit-ulit na kalakaran. Mula sa mga programang inoorganisa ng SKM na taon-taong humaharap sa pare-parehong dahilan ng kapalpakan. Delayed na pag-uumpisa ng programa, pagkahuli ng ilang mga performer sa itinakdang oras, technical difficulties, kakulangan sa mga komite ng organizing team, kakulangan ng pre-event briefing, mapa-Balik Sinta, Tanglaw Fest, Queerdom, PUP Rainbow Fest at marami pa. Kung tutuusin, kung paulit-ulit nang ganito ang dahilan ng problema, bakit hindi magawang solusyunan at iwasan gayong magkakaparehong mukha lang din naman ang nangunguna sa programa? Hindi na ito basta “shortcomings”, may kailangan nang panagutin.
Sa kabilang banda, habang nanghihingi tayo ng kasagutan at pananagutan, sunod-sunod naman ang pagbibitiw ng ilang opisyales ng PUP SKM. Para ba takasan ang tungkulin o dahil hindi na kinakaya ang umaalingasaw na sistema sa konseho?
Mula sa “micromanagement sa loob ng opisina, unprofessionalism, inconsistency ng mga miyembro, isyu ukol sa mga programa ng SKM, personal at akademikong rason.” Kung tutuusin hindi naman na bago ang ganitong mga tagpo sa isang organisasyon. Hindi mawawala ang mga problema at hindi maiiwasan ang hindi pagkakaunawaan lalo na kung sablay naman ang pamamahala sa loob ng pinamumunuan.
Subalit, nakakabahala rin ang pagkakapareho ng mga pinag-ugatan nito, ang umiiral na kapabayaan at ang patuloy na pagsasawalang bahala sa iilang indibidwal ng konseho dahil mas binibigyan pang boses sa loob nito ang mga taong hindi naman parte ng opisina. Matagal nang nangyayari ang ganitong kalakaran, kada termino, sa sentral man o lokal na konseho, maging sa Office of Student Regent—pare-pareho ang daing—lideratong hindi marunong makinig. Hindi na ito simpleng “micromanagement”, problema na ito ng mismong namumunong partido.
Paano mo nga naman kasi aayusin ang sistema kung ang mga opisyales nito ay hindi kayang maging propesyonal at puro emosyon ang pinapairal? Tulad na lamang ng katwang pagbawi ni Hon. Alsisto sa kanyang resignation na nangangahulugan lamang na hindi hustong pinag-isipan at isinaalang-alang ang tungkulin niya sa pamantasan—emosyon ang pinairal na dapat isinasantabi sa propesyonal na usapin at layunin. Marapat lamang na maunawaan ng bawat isa na hindi dapat naaapektuhan ng mga personal na isyu ang kanilang mga tungkulin sa loob ng opisina kung saan dapat silang manatiling propesyonal.
May mabigat na tungkuling ginagampanan ang bawat parte ng konseho na tiyak na alam ng bawat isa bago sila tumakbo sa posisyon. Hindi sila itinalaga upang maging display, gumawa ng drama o kalabanin ang mga mag-aaral, sa halip ay maging daan upang magkaroon ng boses at kinatawan sa mga krisis na kinakaharap ng komunidad ng PUP. Ngunit tama nga ba ng pinili ang mga Iskolar?
Hindi laro ang pamumuno. Hindi ito training ground at basta-bastang obligasyon na pwede mong takasan at balikan kung kailan mo gugustuhin. Walang karapatan ang konseho na paikutin tayo sa kanilang mga palad at pakainin tayo ng mga salitang laging napapako sa mga huwad na panawagan. Paano ipagkakatiwala ng mga mag-aaral ang kanilang kapakanan sa pagpapasya sa mga taong hindi man lang kaya manindigan sa kanilang mga desisyon? Kung gusto nating seryosohin tayo ng sangkaestudyantehan, dapat muna natin igalang at seryosohin ang mga tungkuling sinumpaan.
Samu’t-saring mga opinyon at kritisismo ang kinakaharap ng mga miyembro ng konseho, ngunit hindi magiging solusyon ang abolisyon ng SKM sa mga isyu dahil magdudulot lamang ito ng mas malaking problema sa pamantasan—kahit pa iisang partido lamang ang bumubuo nito.
Kung sawa na tayo sa sistemang paulit-ulit at sa monopolyong umiiral sa mga konseho, ito nawa ay magsilbing hamon sa bawat iskolar ng bayan na maging aktibo sa pakikilahok sa politikal na usapin sa unibersidad, dahil kung magbabalik-tanaw tayo, hindi man lang umabot sa kalahati ang mga botante, gayundin ang malaking kakulangan sa mga kandidato sa halalan. Hindi natin mababago ang sistema kung mismong tayo ay hindi nakikiisa.
Ang mga pagpapaingay sa isyu ay hindi lang dapat nakukulong sa social media bagkus marapat na ilapit sa mismong konseho sa pamamagitan ng pagsusumite ng reklamo, nang sa gayon maramdaman ng mga ito na nagmamasid tayo sa kanilang mga ikinikilos.
Sa ganitong pagkakataon ipinapaalala sa mga iskolar kung gaano kahalaga ang partisipasyon sa halalan upang magluklok ng mga handa, marunong makinig, may karanasan sa paglilingkod at karapat-dapat mamuno. Hindi training ground ang konseho, hindi dapat binibigay sa kung sino lang ang pwesto. Kaya naman para sa mga kasalukuyang nasa pwesto, hindi namin kailangan ng ilang pahinang paliwanag, tama na sa drama. Kung gusto niyong manahimik ang mga tanglaw ng bayan, ibigay niyo ang transparency report, liquidation kung saan at paano ginastos ang SCF na matagal nang sinisingil sa konseho.
Sa bawat isyung umuusbong, hiling nito ay mapakinggan. Magkaroon ng repleksyon ang mga namumuno at harapin ang pananagutan sa kanilang mga aksyon ng walang drama, walang intimidasyon. Huwag sanang masayang lang ang haba ng kasaysayang iginugol sa pakikibaka ng mga organisasyon na ito dahil lamang sa kapabayaan ng iilan.
Kung patuloy tatakasan, palilipasin, at ibabaon sa limot ang mga isyung ito imbis na harapin nang may pananagutan, mananatiling nakaugat sa konseho ang kapalpakan ng kredibilidad nila bilang isang tunay na sandigan ng mga mag-aaral sa loob at labas ng Sintang Paaralan.
Artikulo: Roselle Ochobillo
Dibuho: Jamie Rose Recto
Comments