top of page
Writer's pictureThe Communicator

Sana Ngayong Pasko: Ang Napupunding Ilaw ng Parol

Masaya raw ang pasko… pero bakit parang sa mga mapepera lamang?



Sa atin, parang hindi lamang tuwing Disyembre ang pasko—tila ba Setyembre pa lang ay nagsisimula na ang pag-alingawngaw ng mga awitin nina Jose Mari Chan at Mariah Carey. Sa mismong pagpatak pa lang ng ber months, aakalain mong nagbabago ng kaanyuhan ang buong paligid—may mga nagsisi-ilawang pula’t dilaw na parol sa kalsada, nagmamahalan na ang mga bilihin sa palengke, at syempre sangkatutak na ang pag checkout na talaga nama’y kinagigiliwan ng karamihan. Simula sa mga palamuti sa bahay hanggang sa mga lulutuing putahe para sa noche buena at media noche, tiyak ang lahat ay planado na kahit malayo pa ang kapaskuhan at bagong taon. 


Ngunit… ang mga ito ay para sa mga may pinansyal na kakayahan lang. Paano naman ang mga pamilyang isang kahig, isang tuka?


Higit pa sa isang normal na pagdiriwang ang Pasko at pagsalubong ng Bagong Taon dito sa Pilipinas. Ito ay isang tradisyon at pambansang identidad na binabalot ng samu’t-saring emosyon—pagmamahal, pag-asa, at kalungkutan. Ito rin ang panahon ng pagsasama-sama ng pamilya, kaibigan, at iba pang mga mahal sa buhay. Tuwing ganitong panahon din ay kaliwa’t-kanan ang Year-End parties na may iba’t-ibang palaro, exchange gifts, at ambagan para sa mga pagkaing ihahanda. Mula sa mga paaralan ng mga musmos hanggang sa opisina ng mga nakatatanda, hindi maiiwasan ang ganitong kasiyahan. 


Sa likod ng mga nakikita natin sa internet na mga taong nasasabik sa diwa ng holiday season ay may mga indibidwal na natutulala sa pag-iisip dahil sa kawalang-kakayahang tustusan ang mga ganitong pagdiriwang. Mapapaisip na lamang kung mairaraos ba ang araw na may handa sa hapag o mananatiling kalam ang tiyan sa pangarap na susubukan na namang tuparin sa susunod na taon? 


Panahon ng Pagmamahalan (ng mga bilihin) 


Sana ngayong pasko, hindi na mahal ang mga bilihin.


Kasabay ng bawat pagtaas sa presyo ng bilihin ay ang pagtaas din ng kilay ng mga taong hindi lamang nahihirapang maisalba ang pang araw-araw na gastusin ng kanilang pamilya dahil sa kakapusan sa pera para mairaos ang kapaskuhan. Kinasanayan ng mga Pilipino na ang konsepto ng pasko ay punong-puno ng mga kumukutikutitap na ilaw, mga naglalakihang regalo, at mga bagong biling damit—ngunit sa kabila nito ay ang pag-aalala ng ibang pamilya kung saang sulok ng mundo kukuha ng perang pambili para sa mga ito. 


Pag-apak mo pa lamang sa palengke ay bubungad na sa iyo ang mga bilihing nagmahal na ang presyo kaysa dati. Mga prutas, gulay, karne, at iba pang mga sangkap sa mga lutuin—tiyak ngang kaya naman itong sabayan ng mga taong may matataas at sapat na sahod, ngunit para sa mga maliliit at below minimum pa ang kinikita, parang ang paa’y gusto na lamang i-apak paatras at magbakasakaling baka mas mura na ang bilihin bukas.  


Ayon sa inilabas na 2024 Noche Buena products price guide ng Department of Trade and Industry (DTI), makikitang napakataas pa rin ng presyo ng mga pangunahing sangkap tulad ng hamon, queso de bola, fruit cocktail, spaghetti sauce at pasta, mga palaman sa tinapay, at iba pang bilihin sa merkado. Kung isasa-total, 730 pesos ang pinakamababa na ibinigay nila, samantalang pumapalo naman sa 3,130 pesos ang pinakamahal, base sa pangalan o brand ng produkto. Sa ganitong halaga ay hindi pa nasasama ang iba pang sahog tulad ng sibuyas, bawang, kamatis, mantika, at iba pa. Kaya naman, talagang mahihirapang maghanda ang mga pamilyang kulang sa badyet. Hindi lamang ang bawat isa ang nagmamahalan tuwing kapaskuhan, kundi pati na rin ang mga bilihin sa mga palengke at tindahan. 


Panahon ng mga Ang Pao at Aguinaldo 


Sana ngayong pasko, kahit maalala lang nila ako.


Hindi na bago sa mga Pilipino ang biglaang pagsikat ng mga ninong at ninang natin tuwing malapit na pumapatak ang ika-25 ng Disyembre. Sandamakmak na pagpaparinig at pagbibiro ang karaniwang ginagawa ng mga kabataan at syempre, ang mga magulang tuwing nakikita ang mga ninong at ninang ng kanilang mga anak. Ang pulang sobre na may lamang anumang halaga at mga aguinaldong nakabalot ang tiyak na magbibigay ngiti sa bawat pagbibigyan ng mga ito. 


Bukod pa rito, simula pa lang ng Disyembre ay napakarami nang mga bata sa kalsada tuwing gabi para mangaroling dala-dala ang kanilang mga tambol na gawa sa lata at goma pati na rin ang mga tansang ikinabit sa alambreng hugis bilog para magsilbing instrumento sa kanilang pagkanta. Sa bawat baryang kanilang nalilikom, magiliw na pagpapasalamat at matatamis na ngiti ang isinusukli nila sa mga nagbibigay. 


Sa kabilang banda, at dahil sa hirap ng buhay, mayroon talagang mga hindi makapagbibigay ng barya-barya sa mga nangangaroling; at may mga hindi rin makapag-aabot ng pamasko o kahit anong regalo sa kanilang mga inaanak dahil sa limitadong badyet—at ito ay isang bagay na talaga namang dapat hindi kainisan o maging sanhi ng tampuhan. Ang tunay na esensya ng mga ninong at ninang ay ang mabuting paggabay sa paglaki ng kanilang mga inaanak. 


Nakasanayan man ng lahat ang pagbibigayan sa mga ganitong panahon, sana ay maitatak din sa isipan ng bawat isa na hindi lamang sa ang pao at aguinaldo nakabatay ang pasko—ang tunay na diwa nito ay pagmamahalan ng bawat pamilya at bawat isa. 


Panahon ng Pagkakaisa (At Pag-iisa) 


Sana ngayong pasko, hindi na ako mag-isa. 


Kung sa karamihan ay napakasaya ng kapaskuhan at bagong taon, may mga tao rin namang nasasampal sa diwa nito—muli na naman nilang mararamdaman ang matinding kalungkutan at pag-iisa. Karamihan sa mga ito ay ang mga OFWs kung saan ay may mga anak at mga magulang na nangungulila dahil sa hindi pagsama-sama sa iisang tahanan dahil iba pa rin talaga kapag nahahagkan mo ang iyong mga mahal sa buhay sa mga espesyal na okasyon. 


Hindi lamang ang mga ito, kundi pati na rin ang mga taong wala na talagang kahit na sinong pamilya na malalapitan para magdiwang ng kapaskuhan at sumalubong sa paparating na bagong taon. Tila ba ang paparating na mga araw na ito ay isang pasakit na kailanma’y hinihiling nilang huwag na lang sanang dumating; dahil mas lalo lamang nilang mararamdaman ang lamig na dulot ng panahong ito. Sila ang totoong nakararamdam ng nakagiginaw na hangin ng ber months


Ang tanging nagpapailaw ng mga parol ay tayong nagsisindi sa mga ito. Kung ganito lamang pala ang pasko na lahat ay nag-aasam na makatanggap ng libu-libo, sana pala ang mga ilaw na ito ay mawalan na lang din ng kulay—dahil ang pasko ay hindi lamang nakukulong sa kung anong materyal na bagay na kaya nating maibigay, kundi sa kung anong pagmamahal at pag-alala ang kaya nating maihandog sa iba. 


Ang himig at tinig pa rin ng pasko ang dapat magsilbing inspirasyon natin upang mas maintindihan ang pagkakaiba ng bawat isa—mula sa ating kakayanan kung anong maihanda sa lamesa, kung ano lamang ang palamuting kayang ilagay sa tahanan, at ang pinakamahalaga, gaano man kalaki o kaliit ang maibibigay natin sa bawat batang namamasko. 


Sana ngayong pasko… hindi tuluyang mapundi ang ilaw ng parol ko. 


Artikulo: Ma. Deborah Chelsey Bautista

Grapiks: Reese Cativo

Comments


bottom of page