Determinasyon. Pangarap. Oportunidad.
Ito ang mga nagsilbing bitbit ng isang estudyante mula pa sa Eastern Samar na lumuwas patungong Sta. Mesa, Manila upang kumuha ng college entrance test ng Politeknikong Unibersidad ng Pilipinas (PUP) sa unang araw ng pisikal na pagbabalik nitong Enero 28.
Nagtulak kay Jhon Von Jewelrick Alzate, 17, panganay sa tatlong magkakapatid, ang mga oportunidad para sa maayos na kinabukasan upang ipagpatuloy ang PUPCET kahit na ito ay kapos sa pinansyal at umaasa lamang sa kaniyang ama na nagtatrabaho sa maliit na hardware store sa kanilang lugar.
“Yung mama at papa ko po ay sakto lang yung kinikita nila hindi naman po ako makahingi sa auntie ko po,” aniya.
Dahil dito, tinulungan siya ng mga kaibigan niya na nakilala niya sa isang Facebook group ng mga PUPCET examinees. Si Joygel Macahilos, 18, ang nagsasagawa ng fundraising posts sa mga Facebook group tungkol sa sitwasyon na ito ni Alzate na pinamagatang ”Pamasahe Para sa Pangarap”.
Nakalikom sila ng P2,500 upang matulungan si Alzate na makapunta sa PUP at makapag-exam. Kasalukuyan itong nakikitira sa bahay nina Macahilos sa Novaliches, Quezon City habang naghihintay na sumapat ang perang pauwi nito pa-Samar.
“Nagtanong din po talaga sila [mga magulang] kasi hindi pa po nila kilala [Alzate] pero sinabi ko naman po yung situation niya at naintindihan nila kaya pumayag na rin po sila na mag-stay siya,” paliwanag ni Macahilos sa isang panayam.
“I’m grateful po talaga sa kanila kasi even hindi nila ako kilala tumulong talaga sila lalo na kay Joygel kasi siya po talaga yung nag-post sa Facebook, nag-share ng mga post ko tapos kumuha ng mga sponsors para makapag-exam [at] maka[kuha] ng pamasahe ko po,” pagpapasalamat ni Alzate sa mga ginagawang pagtulong sa kaniya ni Macahilos.
Ayon pa kay Alzate, pumayag naman ang kaniyang mga magulang na mag-take siya ng exam sa PUP dahil malaking tulong sa kaniyang pamilya kung siya ay makakapasa lalo na at incoming Grade 12 na ang kaniyang kapatid sa pasukan.
“Nagsabi po ako kay mama na makakapag-exam na po ako kasi tinulungan ako nila. Sabi ng mama ko ‘okay lang at least may tumulong sa'yo at nag-try ka at gusto mo talagang pumunta dito at gumawa ng paraan para makapag-exam’ kasi yung free tuition fee is a big help po talaga.” Paglilinaw ni Alzate.
Sa kabilang banda, dalawang araw bago ang mismong exam, na-scam ang mga ito ng P1,500 sa GCash na ginagamit nila matapos may tumawag sa kanila at nag-alok na tutulungan sila sa kakulangang pera.
Determinado pa rin si Alzate na makapag-aral ng libre at makuha ang programang gusto niya–Psychology, para matulungan ang ibang kabataan na maging bukas sa usaping mental-health.
Comentarios