Sa dilim at lalim ng gabi, umaalingawngaw ang mga kalembang ng kampana sa simbahan na tila isang paanyaya sa bawat indibidwal, nagpapahiwatig na, “Unang gabi na ng Misa de Gallo!”. Ang liwanag ng mga parol ay kumikislap sa saliw ng dasal at awit ng mga paslit.
Sa ilalim ng mga bituin, sa bawat hakbang tungo sa simbahan, dama ang malamig na simoy ng hangin at ang init ng pagtitipon ng komunidad. Pamilya, magkaibigan, at maging ang mga estranghero ay nagiging magkakapatid sa pananampalataya. Sa gitna ng tahimik na bulong ng dasal, isang tanong ang pumupukaw: Ano ang iyong dalangin ngayong Pasko?
Isang Panata ng Pag-asa
Ang Misa de Gallo ay higit pa sa isang tradisyon—ito'y isang paanyaya na magpanibago ng panata sa Diyos at sa ating mga pangarap. Sa unang gabi ng siyam na araw na debosyon, muling bumubukal ang pag-asa.
Ngayon, sa panahon ng makabagong teknolohiya, nagbabago ang paraan ng pagdiriwang—mula sa online mass hanggang sa pagbabahagi ng mga karanasan sa social media gamit ang my day at instagram stories. Ang mga larawan sa harap ng makukulay na parol, mga pailaw, at Christmas tree, pati na rin ang mga video ng awit sa misa at mga panalangin na ibinabahagi online, ay nagiging buhay na bahagi ng ating paggunita. Ngunit sa kabila ng mga digital na anyo ng pagdiriwang, nananatili ang pinakapuso nito: ang paglapit sa Diyos at ang pagpapalalim ng ating pananampalataya.
Makikita ang sigla ng mga dumadalo: mula sa mga kabataang suot ang kanilang OOTD, mga pamilyang sabay-sabay na nagdarasal, at mga matatandang taimtim na bumubulong ng mga panalangin. Sa unang gabi, ang bilang ng tao ay tila isang pista—masigla, puno ng galak, at nag-aalab na pananabik. Ngunit sa likod ng kasiyahan ng unang gabi, may tanong na bumabalot: Magtatagal kaya ang sigla hanggang sa huli? Ang masiglang simula ng unang gabi ay paalala ng hamon—ang manatili hanggang sa wakas, sa kabila ng lamig ng gabi at pagsubok na bumangon nang maaga. Kaya mo bang ipagpatuloy ang panata hanggang sa dulo?
Sa Likod ng Bawat Dasal
Sa paniniwala ng marami, ang pagtatapos ng siyam na gabi ng Misa de Gallo ay nagdadala ng katuparan ng ating mga dalangin at kahilingan. Ang bawat dasal ay tila mga bituing nagniningning sa kalangitan, nagdadala ng pag-asang marinig ng Diyos. Ngunit ngayong unang gabi, tanungin ang sarili: Ano ang nilalaman ng iyong dasal? Para ba ito sa sarili, o para sa kapuwa?
Habang nagbabago ang henerasyon, nag-iiba rin ang layunin ng pagdiriwang. May ilan na dumadalo para sa tradisyon, ang iba naman, sumasabay sa uso. Ngunit sa kabila ng lahat ng makabagong kaugalian, nananatili ang diwa ng Misa de Gallo: isang tawag para sa mas malalim na pananampalataya at masinsinang panalangin. At sa bawat taimtim na panalangin, marahil ay naroroon ang pagnanais para sa mas maayos na lipunan—isang mundo kung saan kaunti ang bilang ng mga nagugutom, walang nagdurusa, at bawat tao’y may pagkakataong mamuhay nang may dignidad at kapayapaan. Hindi man laging binibigkas nang malakas, ang ganitong hangarin ay bumubuhay sa espiritu ng Misa de Gallo.
Pag-asa sa Liwanag ng Kandila
Ang unang gabi ng Misa de Gallo ay isang simbolo ng panibagong simula. Habang nagliliwanag ang bawat kandila sa altar, tila pinahahayag ng Diyos: “Narito Ako, handang makinig.” Anuman ang edad o estado sa buhay, bawat dumadalo ay may dalang panalangin—simple man o malalim, pangarap man o pasasalamat. Ang liwanag ng bawat kandila ay paalala na sa bawat dasal, may kasagutan na dala ang pananalig. Marahil, sa tahimik na pagdalangin, may mga umaasa na sana’y dumating ang araw na ang bawat tahanan ay puno ng pagkain, ang bawat bata’y makapag-aral, at ang bawat isa’y mamuhay nang may katarungan at kapayapaan.
Ngayong gabi, huwag kalimutan ang tunay na diwa ng Misa de Gallo. Hindi lamang ito tungkol sa siyam na gabi ng sakripisyo kundi isang paanyaya na muling madama ang presensya ng Diyos sa ating buhay—isang panata ng pag-asa na patuloy na nabubuhay.
Sa pagtatapos ng unang gabi ng Misa de Gallo, hindi lamang mahalaga kung nakadalo ka ngayong gabi. Ang tunay na tanong ay: Kaya mo bang tapusin ang siyam na gabi—hindi dahil sa tradisyon kundi dahil sa pananampalataya? Sa bawat misa, nawa’y matagpuan mo hindi lamang ang katuparan ng iyong hiling kundi ang mas matibay na pananampalataya. Sa bawat liwanag ng dasal, matatagpuan mo ang sagot—sa lalim ng iyong pananalig at sa init ng iyong puso.
Ngayong Pasko, tandaan natin: ang tunay na regalo ay ang pananampalataya—isang panata na hindi natatapos sa unang gabi kundi patuloy na nabubuhay sa bawat araw ng ating paglalakbay.
Artikulo: Jeraldine Catalan
Grapiks: Kent Bicol
Comments