top of page

Sa pagsisimula ng bagong yugto, saan nga ba ako patungo?

Writer's picture: The CommunicatorThe Communicator

Isang buwan na ang nakalipas nang makalabas ka sa PICC. Naniniwala ka pa rin bang malayo pa pero malayo na?



Isang kataga na nagpapaalala ng paglalakbay sa buhay; bagamat mahaba at puno ng pagsubok, marami na tayong narating at naabot na mga pangarap—isang natatanging hangarin ng bawat magulang para sa kanilang mga anak. 


Isang taon sa kindergarten, anim na taon sa elementarya, anim na taon muli sa hayskul at apat na taon sa kolehiyo—higit 17 taon ang gugugulin at kailangang bunuin upang makamit ang inaasam na diploma. Isang katibayan ng pagsisikap at pagtitiyaga sa piniling kurso na magsisilbing armas patungo sa tatahaking karera. 


Tiyak na marami tayong mami-miss na alaala at hindi malilimutan ang ating pagiging estudyante, tulad na lamang ng mga magagandang karanasan at samahan na nabuo kasama ang mga kaklase, guro, at komunidad ng paaralan. Saksi sila at ang apat na sulok ng kolehiyo sa mga hagikgik, pagtangis, galit, at iba pang samu’t-saring emosyon na mararamdaman mo sa kolehiyo na malimit din mapansin na ito ay tanging sa alaala na lamang mababalikan. 


Ang pagtatapos sa kolehiyo ay isang matamis na araw sa mga mag-aaral na tutungtong sa entablado at tatanggapin ang kanilang karangalan, kasama ang mga magulang na nasa likod ng kanilang tagumpay. Iba’t-ibang papuri at pagbati ang kanilang aanihin mula sa mga kaibigan, kamag-anak, at kakilala dahil sa wakas, ganap na silang propesyonal. Ang espesyal na okasyong ito ay hindi lamang pagdiriwang ng mga nakamit, kundi pati na rin ng mga sakripisyo at pagsusumikap na nagdala sa kanila sa yugtong ito ng kanilang mga buhay.


Ngunit ang masayang nararamdaman, mapapalitan ng mga katanungan sa isipan—anong sunod pagkatapos ng kolehiyo? Ano na ang mangyayari sa akin? Magtatagumpay kaya ako?


Lungkot at pangamba? Valid ‘yan! 


Normal ang makaramdam ng pangamba, takot, o pag-aalala dulot ng maraming pagbabagong nagaganap sa ating buhay. Kung noon ay gumigising tayo upang pumasok sa klase o tapusin ang ga-bundok na gawain, ngayon ay bumabangon tayo upang makipagsapalaran sa pag-aasikaso ng mga dokumento at paghahanap ng trabaho. Ang pagbabagong ito ay hudyat ng mas malaking responsibilidad ngunit isang malaking hakbangin tungo sa buhay na pinapangarap.


Mula sa pagiging estudyante hanggang sa ganap na manggagawa, kaakibat ng transisyong ito ang kaba at mabigat na responsibilidad bilang anak na inaasahang makakatulong sa pamilya. Dahil dito, marami sa atin ang aligaga na makahanap ng trabaho, dulot ng takot na mapag-iwanan. 


Sa pagkakataong ito, mapagtatanto na tanging sarili mo na lamang ang maaaring asahan upang itaguyod ang iyong kapalaran sa labas ng paaralan—sa tunay na mundo kung saan wala na ang mga taong kinasanayan at susubukin ang iyong kakayahan sa industriya. Panibagong mga mukha at pagkakataon upang ipakilala ang sarili at kumilala ng mga taong kasama mo sa mga susunod pang taon. Isang malaking hakbang na kung minsan mapapaisip kang, “Sana nandito rin ang college friends ko.” o di kaya’y “Kumusta na kaya sila?” 


Hindi maikakaila na karamihan ay hindi pa handa sa buhay pagkatapos ng kolehiyo at tila nangangapa pa kung saan magsisimula o tutungo. Maaaring punong-puno pa ng pagdududa ang isip sa posibleng kinabukasan at larangan na maaaring ibigay ng tadhana. 


Ngunit ika nga, “Your feelings are valid.”—walang masama sa iyong nararamdaman dahil bawat isa ay may kaniya-kaniyang karanasan at pinagdadaanan na may iba’t-ibang bigat na dapat maunawaan. Sa pagkakataong ito, maaaring maaalala mong muli ang mga kaibigan mo sa kolehiyo na kilala ka mula ulo hanggang paa, ramdam ang iyong katahimikan, at ang mga taong nagsilbing iyong support system


Kung pwede lang siguro maging estudyante habambuhay nang hindi mawalay sa kanila, ‘no? Ngunit isa ito sa mga kailangan nating pagdaanan dahil ito pa lamang ang simula ng buhay.


Ang buhay ay ‘di karera


Kung babalikan ang mga karanasan sa kolehiyo, tunay na magulo at puno ng luha, damang-dama ang pagod at burnout, at may mga pagkakataong gustong-gusto mo nang sumuko. Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, nandoon ang saya at pagmamahal sa ginagawa mo, kaya’t kahit gaano pa man kahirap, hindi mo kayang sukuan ang iyong mga pangarap. 


Ang buhay kolehiyo ay parang pagtakbo; tila hindi ka puwedeng huminto, mapagod, o sumuko, lalo na't ang bawat kasabayan mo ay may kanya-kanyang tagumpay. Ngunit ika nga ng BINI, "Ang buhay ay hindi karera." Mahalaga ang bawat hakbang, at sa kabila ng mga pagsubok, natutunan mong pahalagahan ang iyong sariling paglalakbay.


Kaya’t habang nasa kolehiyo, yakapin ang gulo—maglakbay, matuto, at madapa. Ito ang tunay na esensya ng apat na taong pag-iyak sa thesis na walang katapusang revisions, sa mga minor subjects na punong-puno ng requirements, at sa PATHFIT na tila lahat ng sports ay ipapagawa sa iyo. Sa lahat ng karanasang kasama ang mga organisasyon, hindi mo mapapansin na ang apat na taong ito ang tunay na bumubuo sa pagkatao mo.


Sa huli, ang “graduation blues” ay tanda ng pagmamahal mo sa apat na taon ng iyong buhay kolehiyo. Yakapin ang kalungkutan; umupo ka at hayaang dumaloy ang mga luha. Huwag pigilin ang puso sa nais nitong maramdaman, dahil mahalaga ito sa pagharap sa mga darating na bukas. Yakapin ang mga bagay na walang katiyakan, sapagkat sa mga sandaling ito ng pagbabago ay naroon ang tunay na paglago.


Artikulo: Brian Rubenecia

Grapiks: Kent Bicol

Comments


bottom of page